Saranggola

Maligno, Maligno, ayan na yung maligno, magtago tayo, ayan na sya, magtago tayo dali”

Mabilis na umakyat sa kanilang kwarto si Anne dahil sa narinig na sigaw. Dinatnan niya duon si Marco na nakaupo sa isang sulok at mistulang larawan ng isang batang takot na takot at nagtatalukbong pa ng kumot.

“Magtago ka, may maligno dyan, kukunin niya tayo”

Nilapitan ni Anne si Marco at niyakap. Kinausap niya ito nang mahinahon at pinakalma.

“Walang maligno Marco ‘wag kang matakot. Hindi nila tayo masasaktan.”

Pagkatapos magsalita ni Anne ay nahimasmasan na ang kasintahan. Tumayo sila sa pagkakaupo sa sahig at lumipat sa kama. Dito ay kinausap muli ni Anne si Marco at ina-sure ito na wala na ang maligno na kanyang kinakatakutan.

Normal na para kay Anne ang makitang nagkakaganon si Marco. Sa maraming taon ng kanilang pagsasama ay hindi na siya nagugulat kapag bigla itong inaatake ng kanyang sakit. Mabuti na lamang at may pension na nakukuha si Marco mula sa kaniyang mga magulang at maayos naman ang trabaho ni Anne kaya nabibili nila ang gamot na kailangan ng kasintahan.

———————-

Isang araw ay binisita ng isang kaibigan si Anne sa kanilang apartment at lingid sa kaalaman nito ang sitwasyon na dinadanas ni Marco. Pagdating sa apartment ay agad itong kumatok upang ipaalam kay Anne na andun na sya.

“Anne, tao po, Anne, Anne, tao po”

Nasa kusina nuon si Anne at nagpiprito ng galunggong, kaya hindi nito agad narinig ang tumatawag sa may pintuan.

“Anne, tao po, andyan ka ba? Anne…” muling tawag nito habang kumakatok.

Sa pagkakataong iyon ay narinig na ni Anne ang tumatawag sa may pintuan kaya tinungo niya ito. Pagbukas ng pinto ay nagulat siya at natuwa sa nakita. Nagyakapan at nagbeso-beso ang magkaibigan na matagal-tagal na ring hindi nagkita. Pinapasok ni Anne ang kaibigan sa loob at pinaupo sa sofa.

“Kumusta ka na Marga? Kelan ka umuwi ng Pinas? Teka saglit lang ikuha lang kita ng meryenda”

Pagbalik nito sa sala ay may dala na itong isang pitsel ng juice at ilang piraso ng sandwiches. Tinabihan niya ang kaibigan at nag-umpisa silang magkwentuhan. Sa tagal nilang hindi nagkita maraming baon na kwento ang isat-isa. Sa gitna ng kwentuhan nila ay biglang nagsisigaw si Marco.

“Wag, wag mo kong barilin. Maawa ka wag mo akong patayin, maawa ka”

Nagulat si Marga sa narinig at napakapit sa kamay ng kaibigan.

“Ano yun Anne, sino yun?”

“Saglit lang akyat lang ako sa taas, wag ka matakot dyan ka lang”

Pagkatapos ay bigla nang umakyat si Anne sa kanilang kwarto para pakalmahin ang kasintahan. Samanatala dahil sa kaba at pagkagulat ay hindi napigilan ni Marga ang mapahawak sa kanyang dibdib habang nakatingin sa kaibigan na umaakyat sa hagdanan. Dinatnan ni Anne si Marco na nasa ilalim ng kanilang study table na animo’y takot na takot. Nilapitan niya ito at pinalabas sa ilalim ng mesa. Nung una ay ayaw sumunod ni Marco dahil mistulang takot na takot pa rin ito, ngunit dahil sa malumanay na pag-aya nito ay nakumbinsi rin niya ang kasintahan na lumabas at lumapit sa kanya. Agad na pinainom ni Anne ng gamot si Marco para magtuloy-tuloy ang pagkalma nito at pagkatapos ay pinahiga muna sa kanilang kama.

Pagkababa muli ni Anne sa sala ay agad itong inusisa ni Marga kung sino yung nagsisisigaw sa taas. Dito na nagsimula ang seryosong kwentuhan ng magkaibigan tungkol kay Marco.

“Sino yun Anne? Nakakatakot naman” tanong ni Marga

“Si Marco, yung boyfriend ko since 3rd year high school. Natatandaan mo ba sya?” sagot ni Anne

“Yung Marco na nangungulit sayo nung 2nd year tayo?”

Dahil sa pag-uusisang ito ni Marga ay hindi na napigilan ni Anne ang magbalik-tanaw sa mga nakaraan nila ni Marco hanggang sa sapitin nito ang sitwasyon nito ngayon.

“Oo sya nga yun, di mo na kasi naabutan na naging kame kasi after ng 2nd year ay nagtransfer ka na. Naalala mo ba nung nililigawan pa niya ako sa school, madalas sa silid-aklatan kame tumatambay. At sa kakulitan niya lagi niya akong binibiro bakit daw may No-Littering duon eh kapag ni-rambol yung aklatan ay magiging silid-kalatan na ito. Sa mga ganung hirit niya, lalo akong nahulog, dahil sa mga biro niya palaging magaan lang ang pakiramdam ko. At alam mo ba kung pano niya ako napasagot? Dahil sa saranggola. Isang araw kasi, inaya niya ako sa bukid kung saan maraming kulisap para mamasyal at para nga magpalipad daw sya ng saranggola. Nagulat na lang ako na sa paglipad nito ay nakita ko ang nakasulat duon na ‘Will You Be My Girl’. Dahil sa tuwa ko sa kanyang ginawa, wala na akong ibang nasambit kundi Yes. At pagkatapos niya marinig yung matamis kong oo ay nagsisigaw siya sa tuwa. Tandang-tanda ko na dahil sa sobrang tuwa niya noon ay nagtatalon ito at nagpagulong-gulong pa nga sa damuhan“.

Patuloy lang ang pagkukwento ni Anne tungkol sa istorya nila ni Marco. Naikwento rin niya ang hindi niya malimutang first monthversary nila, kung saan kinuntiyaba ni Marco ang mga classmate nila sa isang klase ng panitikan upang sorpresahin ito.

Masayang masaya si Anne habang ginugunita ang mga nakaraan nila sa school, ngunit bigla itong nalungkot nang dumako na sila sa kwento kung bakit nagkaganon ang kasintahan. Ni wala nga daw sa hinuha niya na magkakaganon si Marco dahil masaya naman ang kanilang pagsasama. Ngunit lingid sa kaalaman niya noong nasa college na sila ay nabarkada pala ito sa mga may bisyo ng droga. Nalaman na lang niya ito ng minsang maiwan ni Marco ang kanyang wallet at nang usisain niya ito ay nakita niya ang isang maliit na pakete na naglalaman ng shabu. Dahil sa nadiskubre pinagtalunan nila ito na muntik nang mauwi sa hiwalayan. Ngunit dahil sa sinabi ni Marco na ititigil na niya ang bisyo ay pinaniwalaan naman ito ni Anne at binigyan pa siya ng pangalawang pagkakataon. Subalit hindi rin nagtagal at muling nabarkada itong si Marco at bumalik sa bisyo. Isang beses nga ay napatakbo pa sya sa kagawaran ng pulisya dahil inireklamo ang mga ito ng minsang masangkot sa gulo.

Ngunit ang nakapagpaluha sa kanya habang nagkukwento ay yung tungkol sa araw kung saan isinugod niya sa ospital itong si Marco dahil nasobrahan sa paggamit  ng droga. Takot na takot siya noon ng makita itong nanginginig at nawalan ng malay. Buti na lamang at tinulungan siya ng mga kapitbahay at agad nila itong naisugod sa ospital. Pagkatapos ng mga pagsusuri sinabi ng doctor na malala ang naging epekto ng sobrang droga kay Marco kaya’t naapektuhan ang pag-iisip nito. Pagkatapos mailabas sa ospital ay nagsama na ang dalawa sa apartment upang mabantayan at maalagaan niya ito ng husto. Sa umpisa ay nahirapan siya sa pag-aadjust lalo na kung madalas sumpungin si Marco. Nakailang palit din sila ng kasambahay dahil hindi kinaya ng mga nauna ang hirap sa pag-aasikaso kay Marco. Napilitan din muna siyang tumigil sa pagtatrabaho pansamantala upang matutukan nito ang kasintahan.

Sa puntong iyon ay nagtanong si Marga “Bakit hindi mo na lang sya iniwan? Maganda ka at matalino, marami dyan magkakandarapa sayo na matinong lalaki”.

“Sinabi na rin yan saken ng pamilya ko, pero sobrang mahal ko sya Marga. Sabay kaming lumipad sakay ng saranggola nung sinagot ko sya at hindi ko sya kayang iwan nuong mapatid ang pisi nito at bumagsak siya. Sinabi ko sa sarili ko na sabay kaming lilipad at sasaluhin namen ang isat-isa kung sino man ang unang babagsak”.

Dito napaluha na rin si Marga at inakbayan ang lumuluha na ring kaibigan.

“Sobrang bait mo talaga, bilib na talaga ako sa’yo Anne. Pedeng-pede mo naman siyang iwan ngunit pinili mo pa rin siyang makasama sa kabila ng kanyang kalagayan. Isa kang bayani. Ikaw ang bayani sa buhay ni Marco”

———————————————————————————————————————

*Ito ay lahok para sa “Bagsik ng Panitik” contest ng Damuhan.

21 thoughts on “Saranggola

  1. pinapakita laman ng akdang ito ang walang sing alab na pagibig na nararamdaman ni anne sa kaparehang si marco sa kabila ng kalagayan nito ngayon, mas pinaigting pa sa kadahilanang kasintahan pa lang at hindi pa asawa. at mas lalo pang nag alab ang pagmamahal ni anne noong panahong lulong sa masamang bisyo ang kasintahan.

    yan ang pagmamahal na walang kapantay. ang tanong lang ay kung hanggang kailan.

    magandang araw po at gudlak sa inyong lahok 🙂

    Like

    • maraming salamat po sa komento. tama kayo pagmamahal na walang hinihiling na kapalit. sa tanong na kung hanggang kailan, siguro’y kung pareho nang mapatid ang pisi ng kanilang saranggola at sabay na mahimlay na magkasama :-). salamat po ulit sa pagbasa ng aking payak na kwento 🙂

      Like

  2. Nagbasa. Humusga. Maganda nag tinuran sa huling bahagi ng kwento, ang paghahambing sa saranggola at sa relasyon / dalawang karakter ng istorya. Wagas na pag-ibig. Sa kabuuan, maganda ant maayos ang daloy ng akda. Good luck sa entry.

    Like

    • maraming salamat at nagustuhan mo ang storya. yung full name ng author ng storya at nakalagay dun sa “About Nite Writer” na page. paki-click na lang po, andun yung name nya 🙂

      Like

Post a comment