Ika-114 Taon ng Kalayaan?

June 12, 1898 nang unang matikman ng ating bansa ang kasarinlan. Sa pangunguna ng unang Pangulo, Emilio Aguinaldo, sa kanyang bahay sa Kawit, ay iwinagayway ang watawat na sagisag ng ating paglaya mula sa panlulubig ng mga dayuhang Kastila. Isang daan at labing apat na taon na ang nakalipas mula noon, ngunit ang tanong, totoo nga ba tayong lumaya?

Siguro nga totoo na naging malaya tayo sa pananakop ng mga dayuhan. May sarili na tayong gobyerno na tayo mismo ang naghahalal. May mga karapatan na rin tayo ngayon na noon ay ipinagkait sa ating mga ninuno. Nandyan ang kalayaan nating ipahayag ang ating mga saloobin pabor man o laban sa pamunuan. Kalayaang bumoto para sa gusto nating mamuno sa ating pamahalaan at iba pang mga karapatan. Ngunit sapat na ba ang mga bagay na ito para sabihing malaya na nga tayo?

Naging malaya man tayo, sa aking palagay ito’y sa pisikal na aspeto lamang, dahil hanggang ngayon ay alipin pa rin tayo ng kultura at mga kaugaliang iniwan at ipinamulat sa atin ng mga dayuhang sumakop sa atin. Nananalaytay pa rin ang colonial mentality sa bawat isa sa atin. Ang sistema ng korapsyon na pinamana ng mga dayuhang namuno nuong sakop pa nila tayo ay patuloy pa ring umiiral sa ating gobyerno hanggang sa ngayon. At patuloy pa rin ang pagiging alipin sa kahirapan ng nakararami Pilipino.

Isa pa ring manipestasyon na hindi tayo malaya ay ang pagiging takot ng pamahalaan sa mga dikta ng simbahan. Wag sana natin kalimutan na noon pa man ay tinutuligsa na ni Jose Rizal ang pagiging impluwensyal ng simbahan sa mga desisyon ng pamahalaan. Sa panahon ngayon hindi ba’t ganun pa rin ang umiiral? Kaya nga hanggang ngayon ay hindi maipasa-pasa ang mga mahahalagang batas na maaring makapagsulong sa kabuhayan ng mga mamamayan dahil ito’y hindi naayon sa kagustuhan ng simbahan. Totoo ngang malaya tayong nakakapili sa relihiyon o sekta na ating kaaaniban, ngunit nakatali naman ang kamay ng karamihan sa kung ano ang nais ng simbahan.

Malayo na nga siguro ang narating ng ating bansa sa pagiging malaya. Ngunit pagdating sa kaugalian at mga nakasanay ay marami pa tayong dapat gawin upang maging tunay na malaya. Siguro nga dahil sa globalisasyon ay hindi na natin matatakasan ang pagiging dependent sa ibang bansa, ngunit marami pa rin tayong kayang gawin bilang isang bansa upang makamit ang tunay na paglaya. Hanggang hindi natin iniiwan ang mga kaisipan at kaugalian nakamulatan natin noon ay hindi natin makakamit ang isang tunay na malayang Pilipinas. Nasa bawat isa sa atin ang susi sa tunay na paglaya ng ating bansa, nasa bawat isa sa atin ang pagsisimula upang baguhin ang mga sistemang umiiral. Ngunit hanggang hindi natin ito sinusimulan, ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay mananatili na lamang isang okasyon sa pagbilang ng kasaysayan.

———————————————————————————————————————

“Ang Araw ng Kalayaan ay hindi lang dapat binabatay sa haba ng taon na binilang nito, ngunit sa kalidad ng isang bansa at mamayan nito.”