Kwaderno

Hindi maiwasang maluha ni Janus at Donna habang binabasa ang sulat ng kanilang anak. Magkahalong pagsisisi at panghihinayang ang kanilang naramdaman habang tangan-tangan ang papel na naging hingahan nito ng kanyang mga hinanakit at saloobin.

——————

Masaya nagsimula ang pamilya nina Janus at Donna. Nagkakilala sila sa Arellano University kung saan sila nagtapos ng kolehiyo. Kakapasa pa lamang noon ni Donna sa Nursing Board Exam nang mabuntis ito kaya kinailangan nilang magpakasal. Naging biglaan man ang pagpapakasal nila, masayang masaya naman sila sa pagdating ni Samantha sa kanilang buhay. Ang una nilang anak na nagdagdag ng kulay at sigla sa tahanan na kanilang sinisimulan.

Continue reading

Habibi-M

Sabi ni Julia Fordham “Love moves in mysterious ways”. Siguro nga totoo yun kasi sabi naman ni Randy Crawford “Love begins with one hello”. Pero para sa’kin “Love begins with one friend request bago pa man makapag-hello”. Kaya nga bago ang lahat, I would like to thank Mark Zuckerberg for your genius invention of the Facebook. Dahil sa facebook, I finally found someone who knocks me off my feet, I finally found the one who made me feel complete…teka teka puro kanta na yata to ah, ok continue.

Anyways, it really started at one Facebook friend request. Ang friend request na nagpabago sa ikot ng aming mundo (naks pang-teleserye). Magka-klase kami noon sa elementary, ngunit dahil pinalaki ako sa pangaral na dapat daw pahalagahan ang edukasyon, ay masyadong na-focus ang aking atensyon sa mga aralin lamang. Nagkakacrush din naman ako nun pero hindi ko sineseryoso dahil ang goal ko ay maipasa ang lahat ng mga subjects at maka-graduate. Naisip ko nga istorbo talaga ang pag-aaral sa lovelife no? (hahaha biro lang). Tatlong taon kaming magkaklase hanggang sa maka-graduate ngunit tila hindi pa nasemento ang daan para sa aming dalawa. Bagama’t konti lang kami sa klase noon at napakalaki ng chance na mapansin namin ang isa’t-isa ay hindi pa rin talaga nasapul ng pana ni kupido. Tila walang kahit anong sign na may mabubuong romansa. (nakanang romansa, saan ko napulot yun.hahaha)

Pagtuntong ng high school, mas lalong naging malabo ang daan dahil sa magkaibang school ang aming pinasukan. Siya sa pinakamalaking public high school sa aming bayan pumasok, samantalang ako naman ay sa isang private catholic school. (naks pa-saint.hahaha). Siguro at malamang, ay nagkakasabay kami noon sa jeep papasok at pauwi dahil nga bihira lang naman ang byahe sa’min nung panahon na yun, ngunit dahil nakatuon pa rin ang aking attention sa istorbong pag-aaral (haha may halong bitterness) ay nanatiling magkalayo ang aming mundo. Isa pa rin siguro sa naging dahilan ay may crush at nagugustuhan na rin naman ako noon doon sa aming school. Nakagraduate kami ng high school na walang nangyari, magkahiwalay pa rin ang mundo.

Pagkatapos ng high school ay tinungo ko na ang Maynila upang doon mag-college. Panibagong paligid at panibagong kultura ang aking hinarap. Bilang batang taga bukid, malaking pagbabago ang makisalamuha sa mga taong Maynila. Ngunit hindi naman naging masyadong mahirap ang pag-aadjust ko dahil nakatagpo din naman agad ako ng mga kaibigan sa college na pinasukan ko, pero ang lovelife parang coke, zero. Ilang mga crushes at mga paghanga ngunit dahil nga mas naging priority ang pag-aaral, hindi muna sineryoso ang lovelife. At sa panahong yun, totally ay nawalan na talaga kami ng contact sa isa’t-isa. Di ko na rin sya napagkikikita sa lugar namin dahil tuwing uuwi naman ako ng probinsya ay lagi lang din naman ako sa bahay at tamad lumabas.

Ok, fast forward na, masyado nang humahaba ang kwento. Sa madaling salita napakahabang panahon at daan ang aming nilakbay bago muling magtagpo. At ang social media pa pala specifically ang Facebook ang magiging daan para dito.

Isang friend request ang nagpaumpisa nang lahat. Nakakatuwa na sa tagal naming hindi nagkita at hindi nagkausap ay hindi ko inaasahan na sa Facebook ko pa pala siya ulit masisilayan. Syempre walang nang pagdadalawang isip ay inapprove ko agad ang friend request nya sabay message ng pagte-thank you at pangungumusta. Noon ko rin nalaman na nasa Dubai pala siya at duon nagtatrabaho.

Dahil nga matagal kaming hindi nagkausap ay paminsan minsan akong nakikibalita sa kanya sa pamamagitan ng pagmemessage at pagcocomment sa mga pictures nya sa Facebook. Syempre nagpapapansin na rin ako nun, pajoke-joke kahit korny pero tuwang-tuwa naman sya. Nag-umpisa sa pakonti-konti hanggang sa naging madalas ang aming interaction sa Facebook. Sinubukan ko na ring kunin ang roaming number nya para kahit hindi ako online ay makakausap ko sya. Nung una sabi nya wala daw syang roaming at thru skype, ym at Facebook lang sya nakikibalita sa kanyang pamilya dito sa Pinas. Syempre naniwala naman ako, kasi bakit naman siya magsisinungaling sa’kin eh sa tagal namin di nagkita at nagkausap wala naman siguro akong naging kasalanan sa kanya para itanggi niya ang pagbibigay ng celphone number. Sa patuloy na pangungulit ko, napaamin ko rin siya na may roaming number pala siya at hindi lang agad niya ito maibigay dahil nahihiya daw sya (aysus pakipot pa.hahaha). Patuloy ang aming communication sa facebook at sa text. Kwentuhan ng buhay-buhay sa ngayon at mga bagay-bagay noong mga elementary days namin. Sa ganitong paraan nagkahulugan ang aming mga damdamin (naks damdamin san na naman nanggaling yun.haha) hanggang sa ipagtapat ko na sa kanya ang aking nararamdaman.

Noong una, nag-aalangan siya dahil nga nasa Dubai siya at ako naman ay andito sa Pilipinas. Hindi daw yata niya kakayanin ang Long Distance Relationship. Natatakot siya na baka hindi ito magwork, dahil yung past nga niya na pareho silang andito sa Pinas ay nauwi rin sa wala pagkatapos ng maraming taon, ito pa kaya na milya-milya ang layo namin sa isat-isa. Naintindihan ko naman ang pag-aalinlangan niya, syempre ako rin mas gugustuhin ko na ang girlfriend ko ay malapit lang sa’kin para pwede kong dalawin kahit kelan, pede kong isama sa mga gimik at madali kong mapupuntahan kapag may problema or may kailangan. Pero syempre hindi ako sumuko at ipinagpatuloy ko ang pangungulit sa kanya. Tuloy tuloy lang ang pagmemessage at pakikipagkwentuhan sa kanya sa Facebook, ipinadama ko sa kanya na ang layo at pagitan namin ay nasa isip lamang, dahil kung tutuusin sa tulong ng Facebook at text ay parang magkalapit lang din naman kami. Kinuwento ko rin sa kanya yung ilang mga malapit kong kaibigan na naging successful ang relationship kahit nagstart sila sa long distance set-up.

Pagkalipas ng ilang buwan, mukhang natapos din ang pagsesemento ng aming daan at nagtagpo din ang aming landas. Nakakatuwang isipin na sa kabila ng layo ng pagitan namin sa isat isa ay tila magkalapit lang kami nung mga oras na yun. Daig ko pa ang nanalo sa lotto ng mabasa ko yung pinakamahalagang message na yun sa facebook inbox ko. Dumagundong ang puso ko na parang tambol sa lakas at parang gusto kong sumigaw sa tuwa, ngunit pinigilan ko ang aking sarili dahil baka mabulabog ang office. Hindi ko naman kasi inaasahan na pagkatapos ng mahabang taon na walang balita sa kanya at ang walang kasign-sign ng romansa noong elementary, ay magkakaron pala ng ibang kulay ang aming mundo dahil lamang  sa isang social networking site.

Pagkatapos namin maging opisyal na magkasintahan, hindi na lamang Facebook ang aming naging katuwang. Naging parte na rin ng aming buhay ang Skype at BBM. Bagamat matagal ko naman nang ginagamit ang skype para sa trabaho at pakikipagusap sa mga kaibigan, kakaibang tulong ang nagawa nito ngayon para sa’kin dahil pinaglalapit nito ang malayo naming pagitan. Kapag magkausap kami sa skype parang andyan lang sya palagi sa aking tabi, hindi ko man siya mahawakan, mayakap at mahalikan at least nakikita ko naman siya at nasisilayan.

Kung nung umpisa ay umaasa lamang kami sa text at umuubos ng load para lang makapagusap at makapagkwentuhan, naging mas mabilis at mas madali ang aming communication nang dumating si BBM. Dati na siyang naka Blackberry Phone at yun din ang naging dahilan para mag-BB phone din ako. Simula nang magkaBBM na rin ako, mas lalong naging mabilis ang aming communication sa isa’t-isa.  Isa pa nakatipid kami dahil hindi na kailangang bumili pa ng load para lamang makatext. Kahit oras-oras or minu-minuto kaming magBBM ok lang kaya feeling namin magkalapit lang talaga kami. Naiibsan kahit papano yung distansya sa pagitan namin dahil napakadalas namin magka-usap at magka-kwentuhan. At dahil nga sa paraan ng communication namin ay nabuo ng isa sa mga besfriend ko yung katagang Habibi-M. Dahil daw sa Habibi yung terms of endearment namin at BBM ang main communication line namin, binansagan niya kami ng Habibi-M.

Napakalaking bahagi talaga ang social media sa pagbuo ng aming relasyon. Dahil sa isang friend request sa Facebook, nag-umpisa ang isang love story na nagconnect sa aming kabataan. Dahil sa Skype at BBM napapanatili naming malapit ang milya-milyang distansya na sa ami’y pumapagitan sa kasalukuyan. At dahil pa rin sa social media, nagsisilbi itong tulay namin sa patuloy na paglalakbay at pagpaplano tungo sa aming kinabukasan.

“Social media has really become our bridge to connect our past to the present and continuing to bridge us towards our plans for our future.”

———————————————————————————————————————

This is my official entry to the PEBA 2012 Blog Entry Contest

If you liked the story, please vote for me Nite Writer. A poll widget is available on the sidebar of the PEBA website (please click here). Please tick on the #6. Thank you.

iPad

“Pepe gising na, yung mga kaklase mo, nagsisipaglaruan na sa labas. Bangon na anak.”

“Inaantok pa po ako Ma, tsaka mainit sa labas dito na lang po ako sa loob maglalaro ng PSP at iPAD.”

“Hay naku, puro ka na lang computers. Bangon na dyan at mag-almusal ka na.”

Ilang saglit lang ay bumangon na rin si Pepe. Dumiretso ito sa banyo, at pagkatapos ay bumaba sa kusina para mag-almusal. Habang nasa hapag-kainan ay kaharap nito ang  iPAD at naglalaro habang kumakain. Nang mapansin ito ng Ina ay sinaway siya at kinuha ito para makapag-patuloy sa pagkain. Dahil dun ay napaangal si Pepe, pero dahil marespeto naman siya ay hinayaan na lang at tinapos na ang pagkain.

Matapos kumain ay pumuwesto ito sa may bintana sa sala. Doon, nakita niya ang mga kaklase na naglalaro sa kalye. Inaya siya ng mga ito na sumama sa kanila papunta sa parke ngunit tumanggi siya dahil mas gusto niya na maglaro na lamang ng iPad. Pagkatapos umalis ng mga bata ay pumasok na siya sa kuwarto at naglaro ng iPAD.

**

Sa eskwelahan, ibInalita ng kanilang guro ang nalalapit nilang fieldtrip. Tuwang-tuwa ang mga mag-aaral dahil makakapasyal sila sa Maynila. Ngunit kakaiba si Pepe, animo’y wala lang sa kanya ang balita at hindi sya kinakitaan ng saya at pagkasabik. Palibhasa’y sanay sa loob ng bahay at tamad na gumala sa ibang lugar, hindi niya ikinagalak ang balita tungkol sa fieldtrip.

Pag-uwi sa bahay, agad niyang binanggit sa Ina ang tungkol sa fieldtrip. Natuwa ang Ina, dahil sa wakas ay makakaranas na rin ang anak na makarating sa malayu-layong lugar, at hindi na lamang puro eskwelahan at bahay. Ngunit napansin nito na tila hindi masaya si Pepe.

“Oh eh bakit parang hindi ka naman natuwa sa fieldtrip n’yo anak? Hindi ka ba nasasabik makapunta sa Maynila? Maganda doon lalo na sa Luneta, marami kang makikita, tiyak matutuwa ka. Andun yung bantayog ni Dr. Jose Rizal at may malaki ding estatwa doon si Lapu-lapu”

“Nakakatamad po mag-biyahe Ma, ang layo nun diba? Pwede ko naman po ‘yan makita sa internet.”

Sa patuloy na pangungumbinsi ng Ina ay napapayag din si Pepe, ngunit inigiit nito na dapat dala niya ang kanyang iPad.

**

Dumating ang araw ng fieldtrip at lahat ng mag-aaral ay tuwang-tuwa. Maaga silang umalis papuntang Maynila sakay ng mga inarkilang bus. Pagdating doon, una nilang pinuntahan ang Manila Cathedral upang magsimba. Manghang-mangha ang mga bata sa istruktura nito. Tuwang-tuwa sila na naglibot sa loob at labas ng simbahan at kanya-kanyang pwesto sa pagpapa-litrato.

“Oh anak bakit nakaupo ka lang, ayaw mo ba magpicture-picture?”

“May simbahan din naman po sa atin Ma eh, pare-pareho lang yan.” ani Pepe

Pagkatapos magsimba ay pinuntahan nila ang iba pang lugar sa loob ng Intramuros at pagkaraka’y tinungo na ang Luneta. Tuwang-tuwa ang mga bata pagdating doon, takbuhan sila pababa ng bus at kanya-kanyang punta sa iba’t-ibang sulok ng pasyalan.

“Pepe tara, dun tayo sa harap ng monumento ni Rizal, papicture tayo” aya ng mga kaklase

“Oo nga anak sama ka sa kanila para naman may litrato ka kasama si Rizal tapos ipapadala natin kay Papa.” dagdag ng Ina

“Nakakatamad po Ma, lagi ko naman po iyan nakikita sa mga libro at internet eh”

Dahil sa pamimilit ng Ina at mga kaklase, pumayag din si Pepe na sumama at magpalitrato. Pumuwesto sila sa harap ng bantayog at kanya-kanya pose habang kinukunan. Pagkatapos ng ilang kuha, biglang naisipan ni Pepe na magpakuha ng solo gamit ang kanyang iPAD. Pagkatapos kunan ay napangiti si Pepe habang nakatingin sa kanyang larawan sa iPad.

Gabi na nang makauwi sila ng bahay. Pagod na pagod ang mag-ina sa naging byahe kaya’t mabilis silang nakatulog.

**
Dahil sa pagod tinanghali nang gising si Pepe. Nagtaka siya kung bakit hindi siya ginising ng Ina, ngunit naisip na marahil napagod ito at napasarap nang tulog. Agad niyang binuksan ang iPAD at bumungad sa kanya ang litrato kasama si Rizal. Pipikit-pikit pa ang kanyang mata habang nakatingin sa larawan ng biglang kumindat ito sa kanya. Nagulat si Pepe sa nakita kaya kinusot niya ang kanyang mata. Sa muling pagtingin sa larawan ay kumindat na naman ito at ngumiti pa. Dahil sa pagka-gulat ay nabitawan ni Pepe ang iPAD. Bigla siyang napatayo sa gilid ng kama at sumigaw para tawagin ang ina. Ngunit tila wala ang Ina sa bahay at walang nakakarinig sa kanya. Habang nakatayo si Pepe ay biglang nagsalita si Rizal.

“Wag kang matakot Pepe, hindi kita sasaktan.” sabi ni Rizal

“Bakit ka po nakakapagsalita eh litrato ka, taga Hogwarts ka ba? Kaklase ka ni Harry Potter?”

“Anong Hogwarts? Sinong Harry Potter? Bayani din ba yun?”

“Ah hindi mo nga pala siya naabutan.” pabulong na sambit ni Pepe.

“Karakter po ‘yun sa libro. Bakit ka po ba nakakapagsalita eh litrato ka?”

“Nakita ko kasi nung pumunta kayo sa Luneta na gusto mong maglakbay sa iba’t-ibang lugar ngunit tinatamad ka lang. Kaya naisipan kong samahan kang libutin ang magagandang lugar dito sa’tin, tiyak akong matutuwa ka sa mga pupuntahan natin.”

Isang malaking liwanag ang bumalot sa kwarto, at nang maglaho ang nakakasilaw na liwanag ay lulan na sila ng malaking iPad na lumilipad. Noong una ay natatakot si Pepe na baka mahulog sila ngunit nawala rin iyon dahil sa paniniguro ni Rizal. Tuwang-tuwa si Pepe dahil mula sa himpapawid ay kitang-kita niya ang malalawak na kalupaan at katubigan.

Una nilang pinuntahan ang Ilocos. Manghang-mangha si Pepe sa kanyang mga nakita. Pinuntahan nila ang mga lumang bahay sa Vigan, at ang sikat na Paoay Church.

“Ang ganda naman ng simbahan nila Dr. Jose. Mas maganda sa simbahan namin sa bayan.”

“Kuya Pepe na lang ang itawag mo sa’kin. Oo maganda talaga ang simbahan na ‘yan. Ang saya mamasyal ano? Una pa lang yan marami pa tayong pupuntahan.”

Sunod nilang pinuntahan ang Paoay Sand Dunes at ang Bangui Wind Farm. Matapos doon, pinuntahan naman nila ang Baguio. Pinasyalan nila ang Botanical Garden, Burnham Park, Wright Park, PMA at The Mansion. Dumayo din sila sa Bicol, dinaanan nila ang Cagsawa Ruins at pinagmasdan ang Bulkang Mayon. Tuwang-tuwa si Pepe sa mga pinuntahan nila dahil marami siyang natutunan tungkol sa mga ito.

Pagkatapos ng Luzon, Visayas naman ang kanilang tinungo. Dumaan sila ng Bohol kung saan tuwang-tuwa si Pepe sa Chocolate Hills at mga Tarzier. Sumunod dito ang Palawan, pinuntahan nila ang Coron at ang Underground River ng Puerto Prinsesa. Hindi rin nila kinalimutan ang Cebu at nagpalitrato pa sila sa Magellan’s Cross. Tila walang kapaguran ang dalawa sa kanilang paglalakbay dahil matapos ang Visayas ay Mindanao naman ang isinunod nila. Ngunit sa puntong ‘yon ay nagpahayag ng pangamba si Pepe.

“Kuya Pepe, Mindanao? Diba nakakatakot dun? Maraming kidnapan at giyera dun diba?”

“Hindi naman lahat ng lugar doon ay magulo. Makikita mo mamaya, tiyak magbabago ang tingin mo sa Mindanao”. sagot ni Rizal habang nakangiti kay Pepe

Lumapag sila sa Davao kung saan nakita nila ang ganda at linis ng lugar. Pagkatapos nito ay pinuntahan nila ang Maria Cristina Falls ng Iligan. Hindi rin nila pinalagpas ang taniman ng pinya sa Bukidnon at ang nakalubog na sementeryo ng Camiguin. Pang-huli nilang dinayo ang Cotabato kung saan nababalita ang mga kaguluhan. Pinuntahan nila dito ang pinakamalaking moske sa bansa, ang Sultan Hassanal Bolkiah Masjid.

Masayang-masaya si Pepe sa kanilang mga pinuntahan. Doo’y napagtanto niya na masaya nga pala ang maglakbay at maglibot sa iba’t-ibang lugar. Napagtanto niya na mas marami siyang matututunan kung pupuntahan niya ng personal ang mga lugar na noon ay nakikita lamang niya sa mga libro at internet. Natutunan din niya na hindi lamang sa iPad at computers siya dapat tumutok, dapat ay lumabas at tuklasin ang mga lugar na maipagmamalaki natin.

Halos gabi na nang bumalik ang dalawa at habang nakasakay sila sa iPad pauwi ay nakatulog si Pepe. Nagising na lamang ito na nasa Luneta na sila.

“Nasiyahan ka ba sa mga pinuntahan natin Pepe?” tanong ni Rizal

“Opo Kuya Pepe. Tama nga si Mama at mga kaklase ko, masaya nga gumala at maglakbay sa ibat-ibang lugar. Simula ngayon hindi na’ko magkukulong sa bahay, sasama na ko sa mga kalaro ko at kay Mama pag may pinupuntahan sila. Mas magugustuhan mo pala ang isang lugar kung personal mo itong napuntahan. Salamat po Kuya Pepe, the best ka talaga.” malugod na sagot nito habang nakangiti at naka-thumbs-up.

Ngiti lamang ang naging tugon ni Rizal kay Pepe, at sa puntong iyon ay nagpaalam na ito para umalis. Pero bago siya umalis ay hinawakan niya si Pepe sa ulo at kinusot-kusot ang buhok.  Ngumiti naman si Pepe sa kanya at inaya na nagpakuha muna sila ng litrato. Pagkatapos noon ay tumalikod na si Rizal at tuloy-tuloy na naglakad palayo.

**

“Pepe, gising na anak at mag-almusal ka na.”

Nagising si Pepe sa tawag ng Ina. Pagmulat ng kanyang mata, nakita niya ang iPad sa kanyang tabi. Pagbukas niya nito ay picture niya sa Luneta kasama ang monumento ni Rizal ang bumungad sa kanya. Napatingala na lamang sya sa kisame at namutawi ang isang matamis na ngiti.

Ang akdang ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 4 sa Kategoryang Kwentong Pambata.

Utol

“Ma, ma, asan na yung blue shirt ko bakit wala na naman dito sa cabinet”

“Alin ba yun? Yung bago ba? Tanungin mo ang kapatid mo baka ginamit na naman”

Pagkaraka’y nagtungo si Michael sa kwarto ni James. Dinatnan niya ito na nakaupo at nakaharap sa computer habang nakasuot ang headset. Tinanong niya ito kung nasa kanya ang hinahanap na shirt, ngunit dahil naka-headset nga ay tila walang ito narinig. Dahil hindi sumagot nilapitan niya ito at tinanggal ang headset.

“Yung tshirt ko ginamit mo na naman ba?” pasigaw na tanong ni Michael.

Pagkatapos marinig ang tanong ng kuya, sinuot ulit nito ang headset at sinagot ito nang:

“Andun sa labahan, kunin mo na lang pag nalabhan na, para damit lang eh”

“Ayus ah, sa susunod magpaalam ka, hindi basta basta mo na lang kinukuha mga gamit ko”

Narinig ng ina ang sagutan ng magkapatid kaya sinaway niya ang mga ito. Pagkatapos ay lumabas na ng kwarto si Michael at nagpaalam na aalis muna upang puntahan ang kanyang girlfriend.

Samantala, habang nakikinig ng music si James ay biglang umilaw ang kanyang cellphone. Kinuha niya ito at binuksan pagkatapos ay binasa ang message ng isa niyang barkada na nag-aaya gumimik. Pagkatapos mabasa ang message ay agad itong nagbihis at nagpaalam sa ina at umalis.

Dinatnan ni James ang mga barkada niya na nag-iinuman. Pagkatapos niya umupo ay nakitagay na rin ito. Habang nag-iinuman sila ay dumating ang isa pa nilang kabarkada. Pagkaupo nito ay biglang may inilabas na maliliit na supot na animo’y mga pakete ng asin. Nilapag niya ang mga ito sa mesa sabay sabing

“Mga pre,pausok, tira na”

Natigilan si James nang marinig ang sinabi ng isang barkada. Alam niya na droga ang tinutukoy nito at hindi niya alam kung makikisali ba siya. Ngunit dahil sa udyok ng mga ito napilitan din si James na tikman ang ipinagbabawal na gamot. Ibang pakiramdam ang bumalot kay James ng mga oras na iyon na animo’y lumilipad ang kanyang pakiramdam.

—————————-

Gabi na rin ng makauwi si Michael sa kanilang bahay. Nanood sila ng sine ng kanyang girlfriend at Masaya itong bumulwag sa kanilang sala at binati ang ina. Pagkatapos magbihis ay napansin nito na wala pa ang kapatid sa bahay kaya hinanap niya ito.

“Ma, gabi na ah, asan si mokong (tawag niya sa kapatid na si James)”

“Umalis kanina pupunta daw sa mga barkada niya may birthday party yata” sagot nito.

Pagkatapos nito ay pumasok na ulit siya sa kwarto upang magpahinga.

—————————–

Madaling araw na nang biglang may nag-doorbell. Dahil dito nagising si Michael at tinignan sa bintana kung sino ang nasa gate. Namataan niya ang kapatid na animo’y lasing na lasing. Binuksan ni Michael ang ilaw at saka lumabas ito upang pagbuksan ang kapatid.

“Ayus ka brad ah, madaling araw na ah”

Hindi na umimik si James at dire-diretso na lamang sa kanyang kwarto. Si Michael naman, pagkatapos muling isara ang mga pintuan ay bumalik na rin sa kanyang pagtulog.

—————————

Kinaumagahan habang nag-aalmusal ang mag-anak ay tinanong ni Michael si James kung saan nanggaling at inumaga na ng uwi. Hindi naman nagbigay ng detalyadong sagot si James at sinabi lamang na nagkainuman sa birthday ng isang barkada niya. Pagkatapos kumain ay nagbihis na rin si James upang pumasok sa school. Si Michael naman ay nagtungo sa banyo upang maligo at mag prepare para sa pagpasok sa opisina.

Pagkatapos nito maligo ay naalala niya na kuhanin sa kwarto ni James yung ginamit nitong blue shirt. Pagpasok niya sa kwarto ay nakita nito ang mga nakakalat na pinagbihisan ng kapatid. Pagkatapos makuha ang damit sa cabinet ay napatingin ito sa pantalon ni James na nakalapag sa sahig. Duon ay nakita niya ang isang maliit na pakete ng plastic na nakausli sa bulsa. Pinulot niya ito upang tignan, at nang mahawakan na niya ito ay napagtanto niya na ito ay shabu. Dahil sa nadiskubre niya, pinili muna nito na hindi sabihin sa ina upang hindi ito mag-alala at naisip niyang kausapin muna ang kapatid tungkol dito.

Dahil malapit lang ang school ni James sa opisina nila Michael ay tinawagan niya ito upang magkita sila at mapag-usapan ang tungkol sa nadiskubre niya. Sa isang restaurant sila nagkita, at duon ay agad na tinanong ni Michael kung kalian pa ito natutuong gumamit ng shabu. Bantulot na sumagot si James at animo’y nagkunwaring walang alam. Dahil dun binanggit na ni Michael na may nakuha siyang isang pakete sa bulsa nito kaninang umaga. Dahil dito hindi na napigilan ni James ang sumagot.

“Pinakialaman mo ang kwarto ko ano?”

Hindi sinagot ni Michael ang tanong nang kapatid at sa halip ay pinaamin niya kung kalian pa ito nagsimulang gumamit

”Kailan pa yan ha? Hindi ka ba nahihiya kay mama, nagpapakahirap yun magtrabaho tapos pinangsa shabu mo lang. Umayos ka nga”

“Wag mo nga ko pakialaman, buhay ko to, bakit pinapakialaman ba kita” sagot ni James

“Aba loko ka ah, pag di mo tinigil yan sasabihin ko yan kay mama”

“Eh di magsumbong ka, sumbungero ka naman talaga eh”.

Pagkatapos nito ay bigla nang tumayo si James at umalis. Naiwan si Michael na nag-iisip kung pano mapapatigil ang kapatid sa tinatahak nitong bisyo.

Pag-uwi ni Michael andun na rin si James at nanonood ng TV. Pagkatapos niya magbihis ay inaya na ang dalawa ng kanilang ina upang maghapunan. Hindi nag-iimikan ang magkapatid at napansin ito nang ina kaya tinanong niya ang mga ito kung mag-kaaway ba sila. Si Michael na ang sumagot at sinabing pagod lamang siya sa trabaho kaya walang gana mag-kwento. Pagkatapos nila kumain ay kanya kanya na silang pumasok sa kani-kanilang mga kwarto.

Ilang lingo din ang lumipas at napansin na naman ni Michael na palaging ginagabi na naman si James sa pag-uwi na kung minsan ay lasing pa. Dahil dito muli nitong kinompronta ang kapatid at tinanong tungkol sa bisyo nito. Sa pagkakataong yun marahil ay nasa ilalim ng impluwensiya ng shabu si James kaya pasigaw itong sumagot sa kanyang kuya. Nagkainitan ang dalawa at nauwi sa suntukan na tumawag ng pansin sa ina na noon ay may ginagawa sa kusina. Dagliang tinungo ng ina ang kwarto ni James upang sawayin ang dalawa. Nahimasmasan si James nang akmang susuntukin muli nito si Michael ngunit pumagitna ang ina.

“Ano bang nangyayari sa inyo, dadalawa na nga lang kayo di pa kayo magkasundo. Dadating ang araw pag may nakaaway kayo, kayong dalawa rin ang magtatanggol sa isa’t-isa”

Pagkatapos marinig ang pangaral ng ina ay lumabas na si Michael at nagtungo sa kanyang kwarto.

Kinabukasan ay hindi pa rin nag-imikan ang dalawa. Animo’y hindi nila nakikita ang isa’t-isa sa loob ng bahay. Samantala hinayaan na lang muna ng ina ang dalawa at umasang lilipas din ang gusot ng mga ito.

———–

Isang gabi muling inaya si James ng mga barkda nito. Dito ay muli nilang ginawa ang nakagawian na nilang pag-iinuman at paghithit ng droga. Dahil wala na sa hustong katinuan napagkatuwaan nila na lumabas sa kalye. Pinagtitripan nila ang mga nakakasalubong at ginagawan ng kalokohan. Hanggang sa may namataan sila na magkasintahan na naglalakad. Kinantiyawan nila ang babae na mistulang binabastos na nila.

“Miss samen ka na sumama walang kwenta yang kasama mo, hindi ka mapapaligaya niyan” kantiyaw nang mga ito.

Hindi pinansin ng magkasintahan ang kantiyaw at tuloy-tuloy lamang ang mga ito sa paglalakad. Ngunit hindi tumigil ang mga barkada ni James hanggang sa hinatak na nang mga ito ang babae at tinangkang halikan. Dahil dito napaharap at pumalag na ang lalaki na kasama nito at tinulak ang humatak sa kanyang kasintahan. At duon nakita ni James na ang kuya Michael pala niya ang lalaki.

“Anong problema niyo, wag ninyong bastusin ang girlfriend ko ha”

Dahil hindi nagustuhan ang pananalita ni Michael nabadtrip ang isa sa kanila at sinuntok ito. Lumaban naman si Michael upang ipagtanggol ang sarili. Sa pagkakataong yun ay nakisali na ang ibang kasama nila sa pagkuyog dito. Habang kinukuyog ng mga barkada ni James si Michael ay iyak ng iyak ang girlfriend nito sa gilid, at si James naman ay nakatayo lamang, hindi alam kung aawatin ba ang mga barkada.

Habang nakatayo si James ay bigla nitong nakita ang isa na bumunot ng patalim. Animo’y biglang nahimasmasan si James at nilapitan ang barkda upang mapigilan sa gagawin nito. Ngunit tila huli na siya dahil pinaguundayan na ng saksak ng isa sa kanila si Michael. Dito bigla nang nagwala si James pingtutulak at pinagsusuntok ang mga kasama niya.

“Tama na, kuya ko yan mga putang ina nyo tama na, kuya ko yan, tama na”

Biglang bumulagta si Michael sa kalye habang hawak-hawak ang parte ng katawan na nasaksak. Samantala biglang nagtakbuhan naman ang mga barkada ni James at naiwan siya kasama ang girlfriend ni Michael. Iyak nang iyak ang babae habang buhat-buhat ni James ang kuyang duguan.

“Kuya, kuya, kuya, wag kang bibitaw, dadalhin ka namen sa ospital” naiiyak na sambit ni James

Buti na lang at may dumaan na taxi at  duon sila sumakay upang dalhin si Michael sa ospital.

Sa ospital habang nakasakay sa stretcher si Michael at dinadala sa emergency room ay hindi ito iniwan ni James

“Kuya, Kuya, lakasan mo loob mo, wag mo kame iwan ni mama. Alam ko marami ako kalokohan na nagawa at marami na kong kasalanan sa’yo, pero mahal na mahal kita, hindi ko pa kayang mawalan ng kuya”

Habang nasa operating room si Michael, nagtungo si James sa kapilya ng ospital at doon nagdasal para sa kaligtasan ng kapatid

“Panginoon, iligtas nyo po ang kuya ko. Alam ko po na marami kaming hindi pinag-kakasunduan pero mahal na mahal ko po sya. Siya na ang nagsilbing tatay sa’kin nung mawala si Papa, hindi ko po kakayanin kung pati sya mawawala pa. Iligtas nyo po siya Lord. Pangako hindi ko na sya aawayin at ititigil ko na ang bisyo ko pag iniligtas ninyo sya”

Luhaaang lumabas si James sa kapilya at sinalubong ito nang kanilang ina sa pasilyo ng ospital.

“Ma, ma sorry po” naiiyak na sambit ni James

Niyakap ng ina nila si James at sabay sila nag-iyakan nang biglang dumating ang doctor.

“Kayo po ba ang pamilya nang pasyente?” tanong ng doktor

“Ako po ang nanay nya.”

“Ligtas na po ang anak ninyo, buti na lang at hindi sya napuruhan.”

Dahil sa narinig nagyakapan ang mag-ina at nagpasalamat sa Diyos sa pagkaligtas kay Michael.

Ilang araw pa ay nakalabas na rin si Michael sa ospital at umuwi na sa kanilang bahay.  Kasama ang girlfriend nito, naghanda ng isang munting salu-salo ang kanilang ina para sa pagbabalik ni Michael sa bahay. Magkatabi ang magkapatid sa mesa at nagbibiruan na animo’y walang pinagdaanan. Habang ang ina naman ay nakatitig sa kanila na halatang-halatang tuwang-tuwa dahil magkasundo na ulit ang kanyang mga anak. Napatingin ito sa itaas at kinausap ang namayapang asawa sa isip.

“Pa, salamat. Alam ko ginagabayan mo pa rin kame at alam ko katulong ka ni God para pagkasunduin ang mga anak naten”

Nagpatuloy ang kulitan ng mag-anak sa hapag-kainan nang biglang nagseryoso si James

“Tol magkakampi na tayo lagi. Kahit sinong umaway sa’yo ako ang resbak mo. Walang iwanan, utol magpakailanman”

Pagkatapos marinig ito ay inakbayan ni Michael si James at mistulang kinusot ang buhok kasabay ang isang malaking ngiti. Pagkaraka’y lumapit naman ang naiiyak na ina at niyakap ang dalawa. Duon ay nagkayakapan ang tatlo habang pinapanood sila ng kasintahan ni Michael. Dahil sa tuwa hindi na rin napigilan ni Trisha ang mapaluha habang nangingiti, kaya tinawag ito ni Michael at naki-yakap na rin sa mag-anak.

Saranggola

Maligno, Maligno, ayan na yung maligno, magtago tayo, ayan na sya, magtago tayo dali”

Mabilis na umakyat sa kanilang kwarto si Anne dahil sa narinig na sigaw. Dinatnan niya duon si Marco na nakaupo sa isang sulok at mistulang larawan ng isang batang takot na takot at nagtatalukbong pa ng kumot.

“Magtago ka, may maligno dyan, kukunin niya tayo”

Nilapitan ni Anne si Marco at niyakap. Kinausap niya ito nang mahinahon at pinakalma.

“Walang maligno Marco ‘wag kang matakot. Hindi nila tayo masasaktan.”

Pagkatapos magsalita ni Anne ay nahimasmasan na ang kasintahan. Tumayo sila sa pagkakaupo sa sahig at lumipat sa kama. Dito ay kinausap muli ni Anne si Marco at ina-sure ito na wala na ang maligno na kanyang kinakatakutan.

Normal na para kay Anne ang makitang nagkakaganon si Marco. Sa maraming taon ng kanilang pagsasama ay hindi na siya nagugulat kapag bigla itong inaatake ng kanyang sakit. Mabuti na lamang at may pension na nakukuha si Marco mula sa kaniyang mga magulang at maayos naman ang trabaho ni Anne kaya nabibili nila ang gamot na kailangan ng kasintahan.

———————-

Isang araw ay binisita ng isang kaibigan si Anne sa kanilang apartment at lingid sa kaalaman nito ang sitwasyon na dinadanas ni Marco. Pagdating sa apartment ay agad itong kumatok upang ipaalam kay Anne na andun na sya.

“Anne, tao po, Anne, Anne, tao po”

Nasa kusina nuon si Anne at nagpiprito ng galunggong, kaya hindi nito agad narinig ang tumatawag sa may pintuan.

“Anne, tao po, andyan ka ba? Anne…” muling tawag nito habang kumakatok.

Sa pagkakataong iyon ay narinig na ni Anne ang tumatawag sa may pintuan kaya tinungo niya ito. Pagbukas ng pinto ay nagulat siya at natuwa sa nakita. Nagyakapan at nagbeso-beso ang magkaibigan na matagal-tagal na ring hindi nagkita. Pinapasok ni Anne ang kaibigan sa loob at pinaupo sa sofa.

“Kumusta ka na Marga? Kelan ka umuwi ng Pinas? Teka saglit lang ikuha lang kita ng meryenda”

Pagbalik nito sa sala ay may dala na itong isang pitsel ng juice at ilang piraso ng sandwiches. Tinabihan niya ang kaibigan at nag-umpisa silang magkwentuhan. Sa tagal nilang hindi nagkita maraming baon na kwento ang isat-isa. Sa gitna ng kwentuhan nila ay biglang nagsisigaw si Marco.

“Wag, wag mo kong barilin. Maawa ka wag mo akong patayin, maawa ka”

Nagulat si Marga sa narinig at napakapit sa kamay ng kaibigan.

“Ano yun Anne, sino yun?”

“Saglit lang akyat lang ako sa taas, wag ka matakot dyan ka lang”

Pagkatapos ay bigla nang umakyat si Anne sa kanilang kwarto para pakalmahin ang kasintahan. Samanatala dahil sa kaba at pagkagulat ay hindi napigilan ni Marga ang mapahawak sa kanyang dibdib habang nakatingin sa kaibigan na umaakyat sa hagdanan. Dinatnan ni Anne si Marco na nasa ilalim ng kanilang study table na animo’y takot na takot. Nilapitan niya ito at pinalabas sa ilalim ng mesa. Nung una ay ayaw sumunod ni Marco dahil mistulang takot na takot pa rin ito, ngunit dahil sa malumanay na pag-aya nito ay nakumbinsi rin niya ang kasintahan na lumabas at lumapit sa kanya. Agad na pinainom ni Anne ng gamot si Marco para magtuloy-tuloy ang pagkalma nito at pagkatapos ay pinahiga muna sa kanilang kama.

Pagkababa muli ni Anne sa sala ay agad itong inusisa ni Marga kung sino yung nagsisisigaw sa taas. Dito na nagsimula ang seryosong kwentuhan ng magkaibigan tungkol kay Marco.

“Sino yun Anne? Nakakatakot naman” tanong ni Marga

“Si Marco, yung boyfriend ko since 3rd year high school. Natatandaan mo ba sya?” sagot ni Anne

“Yung Marco na nangungulit sayo nung 2nd year tayo?”

Dahil sa pag-uusisang ito ni Marga ay hindi na napigilan ni Anne ang magbalik-tanaw sa mga nakaraan nila ni Marco hanggang sa sapitin nito ang sitwasyon nito ngayon.

“Oo sya nga yun, di mo na kasi naabutan na naging kame kasi after ng 2nd year ay nagtransfer ka na. Naalala mo ba nung nililigawan pa niya ako sa school, madalas sa silid-aklatan kame tumatambay. At sa kakulitan niya lagi niya akong binibiro bakit daw may No-Littering duon eh kapag ni-rambol yung aklatan ay magiging silid-kalatan na ito. Sa mga ganung hirit niya, lalo akong nahulog, dahil sa mga biro niya palaging magaan lang ang pakiramdam ko. At alam mo ba kung pano niya ako napasagot? Dahil sa saranggola. Isang araw kasi, inaya niya ako sa bukid kung saan maraming kulisap para mamasyal at para nga magpalipad daw sya ng saranggola. Nagulat na lang ako na sa paglipad nito ay nakita ko ang nakasulat duon na ‘Will You Be My Girl’. Dahil sa tuwa ko sa kanyang ginawa, wala na akong ibang nasambit kundi Yes. At pagkatapos niya marinig yung matamis kong oo ay nagsisigaw siya sa tuwa. Tandang-tanda ko na dahil sa sobrang tuwa niya noon ay nagtatalon ito at nagpagulong-gulong pa nga sa damuhan“.

Patuloy lang ang pagkukwento ni Anne tungkol sa istorya nila ni Marco. Naikwento rin niya ang hindi niya malimutang first monthversary nila, kung saan kinuntiyaba ni Marco ang mga classmate nila sa isang klase ng panitikan upang sorpresahin ito.

Masayang masaya si Anne habang ginugunita ang mga nakaraan nila sa school, ngunit bigla itong nalungkot nang dumako na sila sa kwento kung bakit nagkaganon ang kasintahan. Ni wala nga daw sa hinuha niya na magkakaganon si Marco dahil masaya naman ang kanilang pagsasama. Ngunit lingid sa kaalaman niya noong nasa college na sila ay nabarkada pala ito sa mga may bisyo ng droga. Nalaman na lang niya ito ng minsang maiwan ni Marco ang kanyang wallet at nang usisain niya ito ay nakita niya ang isang maliit na pakete na naglalaman ng shabu. Dahil sa nadiskubre pinagtalunan nila ito na muntik nang mauwi sa hiwalayan. Ngunit dahil sa sinabi ni Marco na ititigil na niya ang bisyo ay pinaniwalaan naman ito ni Anne at binigyan pa siya ng pangalawang pagkakataon. Subalit hindi rin nagtagal at muling nabarkada itong si Marco at bumalik sa bisyo. Isang beses nga ay napatakbo pa sya sa kagawaran ng pulisya dahil inireklamo ang mga ito ng minsang masangkot sa gulo.

Ngunit ang nakapagpaluha sa kanya habang nagkukwento ay yung tungkol sa araw kung saan isinugod niya sa ospital itong si Marco dahil nasobrahan sa paggamit  ng droga. Takot na takot siya noon ng makita itong nanginginig at nawalan ng malay. Buti na lamang at tinulungan siya ng mga kapitbahay at agad nila itong naisugod sa ospital. Pagkatapos ng mga pagsusuri sinabi ng doctor na malala ang naging epekto ng sobrang droga kay Marco kaya’t naapektuhan ang pag-iisip nito. Pagkatapos mailabas sa ospital ay nagsama na ang dalawa sa apartment upang mabantayan at maalagaan niya ito ng husto. Sa umpisa ay nahirapan siya sa pag-aadjust lalo na kung madalas sumpungin si Marco. Nakailang palit din sila ng kasambahay dahil hindi kinaya ng mga nauna ang hirap sa pag-aasikaso kay Marco. Napilitan din muna siyang tumigil sa pagtatrabaho pansamantala upang matutukan nito ang kasintahan.

Sa puntong iyon ay nagtanong si Marga “Bakit hindi mo na lang sya iniwan? Maganda ka at matalino, marami dyan magkakandarapa sayo na matinong lalaki”.

“Sinabi na rin yan saken ng pamilya ko, pero sobrang mahal ko sya Marga. Sabay kaming lumipad sakay ng saranggola nung sinagot ko sya at hindi ko sya kayang iwan nuong mapatid ang pisi nito at bumagsak siya. Sinabi ko sa sarili ko na sabay kaming lilipad at sasaluhin namen ang isat-isa kung sino man ang unang babagsak”.

Dito napaluha na rin si Marga at inakbayan ang lumuluha na ring kaibigan.

“Sobrang bait mo talaga, bilib na talaga ako sa’yo Anne. Pedeng-pede mo naman siyang iwan ngunit pinili mo pa rin siyang makasama sa kabila ng kanyang kalagayan. Isa kang bayani. Ikaw ang bayani sa buhay ni Marco”

———————————————————————————————————————

*Ito ay lahok para sa “Bagsik ng Panitik” contest ng Damuhan.

Bus Ticket

Napakasarap naman talaga na bumiyahe kasama ang iyong minamahal. Yung tipong magkayakap kayo sa bus o sa jeep o magkahawak kamay habang pinagkukuwentuhan ninyo yung mga bagay-bagay na makikita sa daan. Di ko tuloy mapigilan na maalala yung mga araw na sabay kami mag-biyahe ni Jazzie. Kulitan sa bus at kwentuhan buong duration ng byahe. Kami kasi yung tipo ng magkasintahan na lahat napagkukwentuhan , at mahilig kami magbuo ng mga kwento sa mga nakikita namin. Minsan nga muntik na kami mapaaway kasi may pinagtawanan siyang isang pasahero dahil ang baduy daw pumorma. Buti na lang at napaniwala namin yung babae na hindi naman siya yung pinag-uusapan namin.

Pareho kaming estudyante ni Jazzie sa isang unibersidad sa Maynila, kaya tuwing uuwi kami sa Batangas, palagi ko siyang sinusundo sa inuupahan niyang boarding house sa Makati. Tuwing pupunta ako sa kanila ay buong lugod akong tinatanggap at pinapapasok ng kanyang mga pinsan. Kasama kasi niya ang mga pinsan niya sa boarding house. Madalas kong maabutan doon si Nerisa, ang makulit at kikay na pinsan ng aking girlfriend. Madalas kapag pumupunta at tumatambay ako sa kanila, lagi kaming tampulan ng tukso mula sa kanya. Lagi niyang tinatanong kung kelan daw kami magpapakasal at ginagantihan naman namin siya ng kailan naman siya magkaka-boyfriend.

Ganoon ang naging takbo ng relasyon namin ni Jazzie, palagi kaming magkasama o kung hindi man palagi ay madalas na kapiling namin ang isa’t-isa, hilig din kasi namin ang gumala. Aspiring photographer kasi ako, kaya gusto namin puntahan yung mga lugar kung saan pwede kami magpicture-picture. Syempre sayang naman yung DSLR ko kung hindi mapapakinabangan. Ayun kahit sa daan pa lang at nakasakay kami ng bus o jeep eh pinupicturan ko na yung mga tanawin na aming nadadaanan. Ito namang si Jazzie napakahilig mangolekta ng mga ticket ng bus. Halos lahat na yata ng mga bus na sinakyan namin sa Metro Manila or maging pauwi sa amin sa Batangas ay itinago nya. Minsan nga niloloko ko siya na dapat di na lang siya nag-aral at namasura nalang hehehe. Pero syempre hilig niya yun eh, dahil mahal ko siya hinahayaan ko na lang siya sa mga hilig niya.

Marami na rin kaming napuntahan na magkasama, at sa lahat nang mga biyahe na yun hindi pwedeng hindi niya itatago yung mga ticket ng bus. Nagpunta na kami sa Luneta, sa Tagaytay, sa Antipolo, sa Quezon at yung isa sa pinakamemorable, sa Baguio. Sa dami ng mga lugar na yun, marami na ring kwento kaming naipon hindi lamang sa mga litrato na aming nakunan ngunit maging sa aming alaala. At ang hindi ko makakalimutan sa lahat ng biyahe namin ay noong October 8, 2010.

Start na kasi ng sem-break noon so pauwi na kami ng Batangas. Bago kami umuwi ay napagkasunduan namin na magsimba muna sa EDSA Shrine. Sinundo ko siya sa boarding house nung umaga na yun at pagdating ko sa kanila, si Nerisa ang nagbukas ng pinto.

“Gara mo ngayon pare ah, mukhang may date kayo ni Jazzie ah” bungad niya.

“Haha, ayus ba Nerisa. Pogi naman ako lagi ah, ikaw talaga. Simba kami ni Jazzie eh, asan na ba yang mahal ko”. Pagkadaka’y naupo na ako sa sofa at inilapag yung bag na dala ko.

“Andyan sa kwarto nagpapaganda pa,hintayin mo na lang.”

Pagkatapos magsalita ni Nerisa ay namataan ko na lumalabas na nang kwarto si Jazzie. Tumayo na rin ako para kunin yung bag na dala niya. Ako kasi pinagbibitbit niya ng kanyang bag pag umaalis kami. Pagkatapos nun ay umalis na kami at dumiretso sa simbahan. Pagkatapos ng misa, bumalik kami sa kanilang bahay upang kunin yung mga gamit namin para umuwi na sa Batangas. Pagkakuha namin ng aming mga gamit ay tumungo na kami sa bus terminal.

Pagdating namin sa terminal ay bumili muna kami ng makakain sa bus. Pareho kaming mahilig sa chichirya kaya isang malaking potato chips at 2 bote ng mineral water ang binili ko. Pagkatapos noon ay sumakay na kami sa bus. Nakasanayan na namin na pag bumibiyahe kami ay ako ang nasa gawi ng bintana ngunit sa pagkakataong ito ay nagprisinta si Jazz na siya naman daw ang uupo doon. Mga ilang minuto pa rin ang itinagal ng bus sa terminal dahil pinupuno pa. Habang hinihintay namin na umalis ang bus ay nagkwentuhan muna kami. Nagumpisa kami sa makukulit na topic hanggang mauwi sa seryosong usapan. Kinuha niya sa akin yung camera tapos binuksan yung mga picture na kuha namin.

“Galing mo talaga kumuha ng picture JL, gumaganda ako” sambit ni Jazz habang tinitignan ang mga litrato at napapangiti

“Maganda ka naman talaga mahal ko hindi lang sa picture pati sa personal” ang sabi ko naman

“Ayus makabola naman to wagas” sabay tapik sa braso ko.

Sa mga sandaling yun ay umaandar na ang bus kaya’t isinara ni Jazz ang camera at inabot sa akin sabay sandal sa aking balikat. Bilang ganti inakbayan ko naman siya at hinalikan ang mababango niyang buhok. Kinuha ko at binuksan yung chips na binili namin at sinubuan ko Jazz. Habang kumakain kami biglang nagsalita si Jazz..

“JL salamat sa pagmamahal mo sa’kin ha. Sobra kong naapreciate yung mga ginagawa mo. Mahal na mahal din kita”

“Ano ka ba mahal, siyempre mahal din kita kaya ko ginagawa yun. Ano bang nangyayri sa’yo at bigla kang naging seryoso”

“Wala lang para maiba lang.hehehe” pagkasambit nito ay pinaabot ni Jazz ang tubig para uninom. Habang umiinom sila ng tubig dumating na ang kundoktor para bigyan sila ng tiket.

“2 Lipa po kuya” ang sabi ko sa kundoktor sabay abot ang 2 tiket ng bus.

Iniaabot ko agad kay Jazz ang mga tiket dahil alam ko naman na kokolektahin niya iyon. Ngunit habang inaabot ko sa kanya ang mga tiket ay hinawakan nya ang aking braso.

“Ikaw na magtago niyan JL, madami naman na akong nakolekta eh. Sa’yo na yan. Itago mo at ingatan mo yan ha tulad nung mga itinago kong tiket”

Medyo nagtaka ako kung bakit hindi niya kinuha yung mga tiket pero naisip ko na lang baka nagsawa na siya sa pangongolekta, kaya nilagay ko na lang sa bag ko yung 2 tiket namin at pagkatapos namin magbayad sa kunduktor ay umidlip muna kami na magkayakap.

Naalimpungatan ako nang nasa STAR tollway na kami at sobrang lakas ng ulan. Tinignan ko ng bahagya si Jazz at tulog na tulog pa rin siya. Habang nakayakap ako sa kanya ay sumandal ulit ako para umidlip ulit. Ilang sandali pa isang malakas na kalabog at kalampag ang gumimbal sa akin. Pagkatapos ay bumaligtad at nagpaikot-ikot na yung bus na sinasakyan namin at nawalan na ako ng malay.

Nang magkamalay ako, rinig na rinig ko ang malalakas na mga ingay. Ngunit madilim ang paligid ko animo’y may nakatakip sa mga mata ko. Agad akong tumawag ng tulong at saktong may tao pala sa tabi ko. Lumapit sya sa akin at tinanong kung anong kailangan ko. Tinanong ko siya kung nasaan ako at bakit madilim. Nurse pala ang lumapit sa akin at sinabing nasa ospital ako. Dun daw kami dinala pagkatapos maaksidente ang aming bus. Agad kong hinanap si Jazz subalit wala naman siyang maisagot sa akin. Nagpaalam na aalis daw muna siya para magattend sa ibang pasyente.

Ilang segundo pagkatapos kong marinig na sumara ang pinto ay bigla naman itong bumukas.

“JL, JL anong nangyari sa inyo” sambit ng babae habang papalapit sa akin

“Ma, ikaw ba yan ma”

“Oo anak,andito kami ni Papa mo” sagot ni Mama habang umiiyak.

“JL nakausap na namin ng Mama mo yung doctor mo at sinabi niya na natamaan daw ng mga bubog yung mata mo kaya nabulag na daw ang mga ito” sabi ni Papa

Bago pa magsink-in sa akin ang sinabi ni Papa, hinanap ko muna si Jazz.

“Eh si Jazz Ma, Pa? Asan si Jazz?”

“Wala na si Jazz JL, nakausap namin kanina yung magulang niya, wala na si Jazz” sagot ni Papa

Bigla na lang tumulo ang luha sa mata ko. Gusto kong sumigaw ng malakas pero pinipigilan ko ang sarili ko at pinipilit na maging malakas. Ngunit hindi ko na rin kinaya, napahagulgol na ako at sa tagpong iyon, niyakap ako ni Mama at Papa.

Pagkalipas ng isang linggo ay pinayagan na akong lumabas ng doctor. Agad akong nagtungo sa burol ni Jazz. Pagdating namen sa chapel agad akong sinalubong ng umiiyak na Nanay ni Jazz.

“JL wala na si Jazz, iniwan na tayo ni Jazz” sabay yakap sa akin.

Muling tumulo ang mga luha sa aking mata. Inakay ako ng nanay ni Jazz palapit sa kabaong nito. Hinawakan ko at hinaplos haplos ang kabaong niya at lalong nagtuloy-tuloy ang pagtulo ng aking luha. Habang nakatayo ako sa harap ng kabaong niya may lumapit sa akin at tumapik sa aking balikat. Si Nerisa pala na nagsabing nasasayangan daw siya kasi hindi na matutupad yung palagi naming biruan sa boarding house nila na aabay siya sa kasal namin.

Paglipas ng 40 araw ng pagkamatay ni Jazz, dinalaw ko ang kanyang puntod. Doon dala-dala ko yung ticket ng bus na pinatago niya sa’kin. Inilatag ko yun sa kanyang lapida tsaka ko siya kinausap.

“Ayan mahal ha, iningatan ko yung bus ticket na pinatago mo sa akin ah. Miss na miss na kita Jazz. Wala na kong makulit na kasama sa mga biyahe. Wala ng nangungurot sa hita at braso ko pag nag-aasaran tayo. Pero alam kong masaya ka na dyan”

Pagkatapos nito ay dumiretso na kami sa ospital para sa operasyon ng aking mata. Meron na daw kasing nakuhang match ang mata ko sa eye bank. Pagdating sa ospital ay pinatungo na ako sa operation room para sa eye transplant. Makalipas ang ilang oras, successful ang operation at maari na daw muli akong makakita at makabalik sa pag-aaral. Nang mailipat na ako sa hospital room kung saan ako magpapahinga bago umuwi, tinanong ko ang dotor kung pwede malaman ang donor ng aking mata para naman mapasalamatan. Inabot ng doctor kay Mama ang donation card at sa pagbasa ni Mama..

“JL, JL” habang nanginginig ang boses at halatang naiiyak “Si Jazzie, si Jazzie”

“Bakit Ma, andito ba si Jazz? Minumulto ka ba niya?” pabiro kong tanong habang napapangisi pa ako

“Loko ka talagang bata ka, si Jazzie anak ang donor mo.” sabay hawak sa kamay ko si Mama

Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko nung oras na yun. Naluluha ako na natatawa, ngunit kasabay nun ay ang pananalangin at pasalamat sa Diyos at ang pagkausap ko kay Jazz sa aking isipan.

“Salamat mahal ko dahil sa’yo makakakita na ako muli. At simula ngayon hindi na ko mag-iisa sa mga biyahe kasi kasama na ulit kita parati.”

Pagkaraan ng isang taon ng pagbabalik ko sa pag-aaral ay nakagraduate ako. At ngayon ay nagtatrabaho na bilang isang freelance photographer. Sa pamamagitan ng mga mata ni Jazzie, binibigyan ko ng buhay ang mga kwento sa likod ng mga larawan na aking kinukunan.

PSP

“Ryan…gising na anak, may pasok ka pa. Nakahanda na ang almusal, bangon na dyan”

Ganito ang pangkaraniwang araw sa buhay nang mag-inang Ryan at Remy. Nag-iisang anak si Ryan nina Aling Remy at Mang Ramon. Ngunit noong dalawang taong gulang pa lamang si Ryan ay iniwan na sila nito at sumamasa na sa ibang babae. Dahil duon napilitan si Aling Remy na kumayod para maitaguyod ang nag-iisang anak. At dahil din dun ay sinisikap niya na maibigay ang lahat ng naisin nito.

Nagtatrabaho bilang tindera ng isda sa palengke si Aling Remy at ito ang kanyang pinangbubuhay sa kanilang mag-ina. Dahil sa kagustuhan niya na mabigyan ng magandang buhay si Ryan, sa pribadong eskwelahan nya ito pinag-aral, ngunit dahil dun ay nakasanayan ni Ryan na makipagsabayan sa mga kaklase nya na nakakaangat sa buhay. Gusto niya na kung anong meron ang mga kaklase ay magkaroon din siya; palagi siyang nakikisabay sa mga uso na nakikita niya sa eskwelahan at ibang mga kabataan.

Isang hapon pagkalabas sa eskwelahan dumaan si Ryan sa palangke. Nadatanan niya ang ina na kausap si Aling Glenda (ang kaibigan ng kanyang ina sa palengke).

“Nay sasali ako sa basketball team sa eskwelahan namen penge nman pambili ng bagong rubber shoes”.

“Magkano ba anak ang kelangan mo, medyo mahina kasi ang kita ngayon eh? Baka pedeng yung lumang sapatos mo na lang ang gamitin mo o di kaya bibilhan nalang kita sa Divisoria” ang sabi ng ina.

“Nay naman, ayoko na nun luma na yun eh tsaka may butas na. Tsaka ano na lang sasabihin nina Carl at Miguel. Sa kanila bagong sapatos tapos saken galing Divisoria. Bigyan nyo na lang ako ng pera, ako na bahala bumili, sasamahan ako nina Carl at Miguel sa mall na bibilhan nila.”

Nagkatinginan na lamang sina Aling Remy at Aling Glenda.

“O sya anak eto ang dalawang libo kasya na siguro yan para sa rubber shoes mo.”

“Naku salamat nay, ang bait mo talaga. Uwi na po ako saten ah.”

Pagkatapos ay umuwi na si Ryan sa kanilang bahay. Samantalang nilapitan naman ni Aling Glenda si Aling Remy.

“Naku Mareng Remy, ikaw talaga kinunsinte mo na naman yang anak mo. Kung ako sayo di ko yun bibigyan eh. Eto at nagkakanda kuba ka na sa pagtitinda ng isda eh puro luho lang ang alam nyan.” sambit ni Aling Glenda

“Hayaan mo na mare, simula kasi nang iwan kame ng tatay nya, pinangako ko sa sarili ko na ibibigay ko sa kanya ang lahat para naman hindi nya isipin na hindi ko sya kayang buhayin.”

“Hayyy ikaw ang bahala basta sinasabi ko lang sayo, masama ang masyadong iniispoil ang anak.”

Pag-uwi ni Aling Remy sa bahay ay nadatnan nya ang anak na naghahain ng hapunan.

“Nay kain na po tayo, pinirito ko na lang po ung tilapia na nasa ref.”

“Sige anak magbibihis lang ako at sabay na tayong kakain.”

- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -

Kinabukasan ay nagpaalam si Ryan sa nanay para bumili nang sapatos para sa basketball team.

“Nay alis muna ko ah, bibili na kame nina Carl at Miguel ng sapatos namen para sa basketball.”

“O sige anak wag kang magpapagabi ah.”

Unang pinuntahan ni Ryan ang bahay nina Miguel at pagkatapos ay sabay silang nagtungo kina Carl. Pagkatapos nito ay dumiretso na sila sa mall. Pagdating sa mall ay agad silang bumili ng kanilang nagustuhang sapatos at pagkatapos makabili ay tumungo ang magkakaibigan sa tindahan ng mga gadyets. Kasabay pala ng pagbili nila ng rubber shoes ay bibili rin ng PSP sina Carl at Miguel. Sa tindahan ng PSP ay panay ang tingin at pili ng dalawa habang nakamata lamang si Ryan. Pagkalipas ng ilang minuto ay nakapili na sila, PSP na kulay itim ang napili ni Carl samantalang kulay asul naman ang kay Miguel. Tuwang tuwa ang mga ito sa bago nilang laruan samantalang si Ryan naman ay ngumuti na lamang ngunit sa loob-loob nya ay nakaramdam ito ng inggit dahil gusto rin sana niyang magkaroon ng ganun.

“Tol ang ganda ano”, sabi ni Carl kay Ryan. “Hindi ka ba bibili para tatlo tayong meron. Bili ka na rin.”

“Ah eh, sige sasabihin ko sa nanay ko, samahan nyo ko pag bili ko ah.” tugon naman ni Ryan.

“Oo ba.” sabay na sagot nina Carl at Miguel

Pagkadaka’y kumain muna ang tatlo sa isang fastfood at umuwi na rin sa kani-kanilang bahay. Tuwang-tuwang pumasok si Ryan sa bahay at nadatnan nya ang inang naghahain.

“Nay eto ung nabili ko na uniporme oh ang ganda diba. Salamat Nay ah.”

“Naku anak ang ganda nga, sige ilagay mo muna yan sa kwarto at tayo’y kakain na.”

Pagkapasok ni Ryan sa kwarto upang ilagay ang pinamili ay biglang may kumalabog sa my kusina. Nabitawan pala ni Aling Remy ang baso na kanyang hawak. Dali daling lumabas si Ryan ng kwarto upang tignan kung anong nangyari. Nakita nya ang basag na baso habang ang ina nya ay nakakapit sa mesa at nakahawak ang kanang kamay sa kanyang noo. Agad tinanong ng anak ang ina.

“Nay ano pong nangyari. may nararamdaman po ba kayong masama.”

“Wala to anak nahilo lang ako, wag mo akong alalahanin, sige na maupo ka na at kakain na tayo, wawalisin ko lang itong mga bubog.”

Lingid sa kaalaman ni Ryan ay may sakit ang kanyang ina. Hindi ito sinasabi ni Aling Remy sa anak dahil ayaw niya itong mag-alala. Tanging si Aling Glenda lamang ang napagsabihan nya tungkol sa kanyang kondisyon.

- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -

Kinabukasan sa eskwelahan, habang nagre-recess ang magkakaibigan, ay naglalaro ng PSP sina Carl at Miguel. Tuwang tuwa ang dalawa habang si Ryan naman ay nakamasid lamang at nagkakasya na sa paghiram nang saglit kapag napagod na ang sino man sa dalawa niyang kaibigan. Ilang araw din na ganito ang gawi ng tatlo tuwing recess. Pinagkukwentuhan din nila kung anong mga bagong laro ang uso na dapat nilang malaro sa PSP nila. Dahil dito lalong umigting ang pagnanais ni Ryan na magkaroon din ng PSP. Sa gayung paraan hindi na sya malilimitahan sa panonood at panghihiram na lamang sa kanyang mga kaibigan. Kaya sa paguwi niya sa kanilang bahay ay agad nya itong ibunungad sa kanyang ina.

“Nay ang ganda ng bagong PSP nina Carl at Miguel, gusto ko rin bumili nun. Lagi na lang kasi akong nakapanood lamang sa kanila eh”

“Anak mahal yata un diba, hindi naten kaya. Alam mo nman tindera lang ako ng isda sa palengke. Tsaka mas maraming mahalagang bagay ang dapat isipin mo kesa sa laruan na yan.”

“Pero nay, di na ko nakakasabay sa mga kaibigan ko, kawawa naman ako, ako lang ang walang PSP.”

“Anak……” yun na lamang ang huling nasambit ni Aling Remy kasabay nang pag-alis ni Ryan at papasok sa kanyang kwarto.

Sa pagpasok niya sa kanyang kwarto ay padabog nitong sinara ang pintuan.

Samantala pagkatapos magligpit ng ina ay bahagya nitong sinilip ang anak at nakita nitong nakatakip ito ng unan sa kanyang ulo. Kinabukasan ay nakasimangot pa rin si Ryan at padabog pa rin itong kumilos sa bahay hanggang makapasok. Sa eskwelahan napansin nina Carl at Miguel na masama ang araw si Ryan.

“Bakit masama yata ang gising mo pre”..tanong ni Miguel

“Yung nanay ko kasi eh, ayaw akong bilhan ng PSP eh. Kesyo hindi nman daw yan importante.”

“Naku pilitin mo sya tol di ka in pag wala ka nito.” sulsol naman ni Carl.

Dahil sa mga sulsol ng kaibigan lalong nag-apoy ang kagustuhan ni Ryan na makabili ng PSP. Kaya pagkalabas ng eskwelahan dumiretso agad si Ryan sa palengke para muling igiit sa ina na bilhan siya ng laruang gusto. Pagdating sa palengke naabutan nyang nagbebenta ng isda ang ina. At pagkatapos maibigay ang isdang binili ng kostumer agad lumapit si Ryan s nanay.

“Nay sige na bilhan mo na ko ng PSP, nahuhuli na ko sa uso eh, sige na po.”

“Ryan diba sinabi ko naman sayo na wala tayong ganung pera, mahina ang kita ngayon eh. Yaan mo pag sinuwerte tayo baka sakali maibili kita pero hindi pa ngayon.”

“Nay naman eh ngayon ko na kelangan eh, NGAYON…” sabay takbo pauwi sa bahay

“Ryan…Ryan…” yun na lamang ang nasambit ng nanay habang tumatakbo papalayo ang anak.

“Yan na nga ba ang sinsabi ko sayo mare eh, inispoil mo kasi yang anak mo tignan mo ngayon kung makapagdabog akala mo anak ng mayaman” sambit ni Aling Glenda

“Mareng Glenda kung ibigay ko kaya kay Ryan ung naipon kong pera na pampaopera ko, para mabili na nya ung laruan na yun.”

“Ano ka ba Remy, nasisiraan ka na ba, inipon mo un para sa operasyon mo. Wag mong pansinin yang anak mo titigil din yan.”

- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -

Pagdating ni Ryan sa bahay, hindi ito mapakali dahil gustong gusto na talaga nitong makabili ng PSP. Labas pasok siya sa kwarto at iniisip kung paano sya makakakuha ng pera na pambili ng laruang gusto. Bigla nitong naisip na pumasok sa kwarto ng ina. Duon hinalughog nya ang damitan ng nanay sa pagbabakasakaling may makikita syang pera. Nang wala siyang nakita tinignan naman nito ang ilalim ng kama. Dito may nakita syang nakalitaw na sobre. Hinugot niya ang sobre at pagbukas nya ay tumambad ang pera. Tuwang tuwa si Ryan dahil may pambili na sya ng pangarap niyang PSP.

Kinabukasan, Sabado, nagpaalam si Ryan sa ina na pupunta lamang sa mga kaibigan. Pagdating sa bahay nina Carl ay andun na rin si Miguel.

“Mga pare tara samahan nyo ko, may pambili na ko ng PSP.” bulalas ni Ryan

“Oh san mo yan kinuha tol.” tanong ni Carl

“Si nanay kasi maraming benta kahapon, tara na wag na kayo maraming tanong.”

Pagdating sa mall ay agad silang pumunta sa bilihan ng mga gadyets. Duon ay pinili agad ni Ryan ang PSP na kulay itim. Subalit dahil itim na ang PSP ni Carl ay pumili nalang ito ng ibang kulay para hindi sila magkapareho. Dahil dun kulay puti na lamang ang kinuha nito. Pagkatapos nila bumili ay umuwi na sila at tumambay sa bahay nina Carl. Duon ay masayang masaya ang tatlo dahil pare-pareho na silang may PSP, at hindi na lamang nakamasid si Ryan. Inabot ng alas otso ang tatlo, at dahil gumagabi na ay nag-aya nang umuwi si Miguel.

Paguwi ni Ryan sa bahay nila ay naabutan nito ang ina na nakaupo sa sala at nanonood ng tv.

“Oh nak ginabi ka yata, kanina pa kita hinihitay para maghapunan.”

“Napatambay lang po kina Carl. Tara nay kain na tayo.”

Pagtayo ni Aling Remy ay nakita nito ang hawak na PSP ni Ryan. Tinanong agad nito ang anak kung saan niya nakuha iyon at sinagot naman ng anak na

“Kay Carl po ito nay, pinahiram lang sa akin”

Magkasabay na kumain ang mag-ina at pagkatapos ay natulog na sila.

- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -

Kinabukasan sa eskwelahan ay panay ang pagyayabang ni Ryan sa bago niyang laruan. Todo ang tawanan ng tatlong magkakaibigan habang naglalaro.

Samantala sa kanilang bahay naman ay biglang natumba si Aling Remy. Buti na lang sakto naman ang pagdating ni Aling Glenda dahil magsasabi sana ito na bantayan muna ni Aling Remy ang pwesto nito sa palengke. Tawag ito nang tawag ngunit walang sumasagot kaya pumasok na lamang ito dahil bukas naman ang pintuan. Tumambad sa kanya ang nakahigang Remy sa sahig ng kanilang kusina. Agad nya itong nilapit at sinubukang gisingin.

“Mare..Mare…gising, anong nangyari sayo.”

Nang hindi magising si Aling Remy ay daglian siyang tumawag nang kapitbahay para tulungan siyang dalhin ito sa ospital. Mabuti na lamang at nakaabang sa may kanto ang tricycle ni Mang Luis kaya naisakay agad sila at agad na nadala sa pagamutan.

Sa ospital na nagising si Aling Remy habang nakasakay siya sa strecher at dadalhin sa emergency room. Tinanong niya si Aling Glenda kung nasaan sya. Sumagot naman ito at sinabing isigunod siya sa ospital dahil nakita niyang itong walang malay sa kanilang bahay. Pagkatapos suriin ng doctor inabisuhan nito sina Aling Remy at Aling Glenda na kailangan na niyang maoperahan sa lalong madaling panahon para maalis ang bukol sa kanyang obaryo.

Samantala pauwi na si Ryan sa kanilang bahay nang makasalubong ito ni Gary.

“Ryan, ung nanay mo sinugod sa ospital, natagpuan kasi ni Aling Glenda na walang malay sa bahay nyo.”

Pagkatapos niya marinig ang balita ay agad na dumiretso si Ryan sa ospital para alamin ang kalagayan ng ina. Pagdating niya sa ospital nadatnan nya ang nakahigang ina katabi si Aling Glenda. Agad niyang nilapitan ang nanay at kinamusta. Sa gitna ng kumustahan ng mag-ina binanggit ni Aling Glenda kay Ryan ang pangangailangan na dagliang maoperahan ang ina. Dahil dito ay inutusan ni Aling Remy si Ryan na umuwi sa kanilang bahay para kunin yung pera na inipon niya sa ilalim nang kanyang kama. Dahil sa narinig ay biglang nanlamig si Ryan. Yung pera na kinuha niya at pinambili ng PSP ay inipon pala ng kanyang nanay upang pampagamot. Sumandali siyang natigilan at tila natulala habang nakatayo sa tabi ng ina. Nakadalawang ulit syang tinawag ng ina at nang tila nahimasmasan na ito ay lumabas na ng kwarto ng ospital at tumungo sa kanilang bahay. Dahil sa narinig tuliro siyang umuwi, hindi niya alam kung anong gagawin dahil wala na ang pera na inaasahan ng ina para sa operasyon nito. Pera na mitsa ng kaligtasan at paggaling ng kanyang ina, na naglaho na dahil sa kagustuhan niyang makabili ng PSP noon.

Paikot ikot sa bahay si Ryan at nagiisip kung anong gagawin. Labas pasok siya sa kanyang kwarto at aligaga kung anong paraan ang kanyang gagawin upang makahanap ng pera. Bigla siyang mapatingin sa PSP na nakapatong sa mesa. Tinitigan nya ito, at sa pagkakatitig nagtatalo ang isip nya kung ibebenta ba niya ito para may pampagamot ang ina o gagawa sya ng ibang paraan. Gustong gusto nya ang laruan na iyon, dahil dun eh nakakasabay sya sa mga kaibigan nya, ngunit sa kabilang banda ay kailangan naman ng pera ng kanyang ina.

“Hindi, hindi kita ibebenta. Maghahanap ako ng ibang paraan para makakuha ng pera pero hindi kita ibebenta” ang sambit nya sa sarili habang hawak at nakatitig sa kanyang PSP.

Dahil ayaw nyang pakawalan ang kanyang laruan, naisip nalang niyang lumapit sa kanyang mga barkada at magbakasakaling makautang para sa operasyon ng ina. Una niyang nilapitan si Carl ngunit hindi sya natulungan nito. Sunod naman niyang nilapitan si Miguel ngunit malamig na hindi rin ang kanyang nakamit, kaya bumalik siya sa bahay nila nang sawi. Hindi na niya alam ang gagawin at hindi rin niya alam ang sasabihin sa ina pagpumunta siya sa ospital na walang dalang pera. Sa kawalan ng ibang paraang maisip, kinuha nya ang PSP, tinitigan at tumungo sya sa pinakamalapit na sanglaan.

“Alam mong mahalaga ka sa’kin, pero mas mahalaga ngayon ang buhay nang nanay ko”

Hindi man kasing halaga ng ipon ng ina ang pera na kanyang nakuha kapalit ng pagsangla nya sa PSP, ang mahalaga ay may pera siyang madadala sa ospital para maumpisahan na ang operasyon ng kanyang nanay.

Pagkatapos magsangla ay dali dali na itong tumungo sa ospital. Natutulog ang ina nang dumating si Ryan. Lumapit sya sa kama nito at hinawakan ang kamay.

“Nay patawarin nyo po ako. Hindi ko sinasadya”

Bahagyang nagising si Aling Remy at iniangat ang ulo ng anak.

“Bakit anak ano bang nagawa mo at humihingi ka nang tawad”

“Yung pera po kasi na inipon nyo, kinuha ko po sa ilalim nang kama nyo nung isang araw at pinambili ko ng PSP. Hindi po totoo ung sinabi ko na hiram ko lang yun kay Carl. Patawad po”

Habang naluluha ang ina…

“Bakit mo ginawa yun anak, binibigay ko naman lahat ng gusto mo, bakit mo ako nagawang pagnakawan. Diba sinabi ko naman sayo kapag nakaluwag tayo baka sakali ay mabili natin yun. Napakahalaga ba talga sayo na maki-uso ka dyan sa mga barkada mo?”

“Tandaan mo Ryan, hindi masamang makiuso pero dapat ay binabatay sa kakayahan. Dapat mong tandaan na dapat tayong makuntento sa kung anong meron ka at wag kang maghangad ng mga bagay na hindi naman naten kaya.”

Iyak nang iyak si Ryan habang sinasabi iyon ng ina, sabay yakap at hingi muli ng tawad. Pagkatapos ay inabot na niya ang pera na pinagsanglaan ng PSP.

“Nay eto po ang pera, sinangla ko na po ung PSP. Hindi man po yan kasing halaga nung inipon nyo, ang mahalaga ay may maibigay tayo sa doktor para maumpisahan na ang operasyon ninyo.”

At nagyakapan ng mahigpit ang mag-ina. Pagkatapos ay dumating na ang doktor upang dalhin si Aling Remy sa operation room. Sa labas nito ay nakabantay naman si Ryan kasama si Aling Glenda. Dasal nang dasal si Ryan habang nasa loob ang ina.

“Lord, iligats nyo po ang nanay ko. Alam kong mali yung nagawa ko, kaya bigyan nyo pa po ako nang isang pagkakataon na makabawi sa kanya. Pakiusap po.”

Makalipas ang 4 na oras ay natapos na rin ang operasyon. Paglabas ng doktor ay agad kinamusta ni Ryan ang lagay ng kanyang nanay. Ayon sa doktor ay maayos naman ang lagay nito at natanggal na ang bukol sa kanyang obaryo. Nakahinga nang maluwag si Ryan matapos itong marinig, at bahagya siyang napatingin sa taas habang nakangiti na nagpapahiwatig ng pagpapasalamat sa Panginoon.

Makalipas ang ilang araw ay lumabas na rin sa ospital si Aling Remy. Ang kakulangang pera sa operasyon ay pinunan muna ni Aling Glenda at sa ibang kasamahan nila sa palengke. Habang palabas ng gate ng ospital ang mag-ina ay niyakap ito ni Ryan at sinabing

“Nay simula ngayon ibang PSP na ang aking ipapakita sayo, PURONG SERBISYO at PAGMAMAHAL

Dahil sa narinig, niyakap ni Aling Remy si Ryan at hinalikan sa ulo. At tuloy-tuloy na silang umuwi sa kanilang bahay.

- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -

Para sa mga kabataaan lalo na sa panahon ngayon, napakahirap talagang tanggihan ang presyur ng barkada. Kung anong uso at in ay parang nagiging batas sa kanila na dapat sundin. Dahil dito marami ang nakagagawa ng mga bagay na kanilang ikinasasama masunod lamang ang idinidikta nang kapaligirang kanilang ginagalawan. Tulad ni Ryan, dahil sa kagustuhan niyang makasabay sa trip nang kanyang mga barkda ay nagawan niya nang kasalanan ang kanyang ina. Ngunit sa ano mang pagkakamali ang pinakamahalaga ay ang pagtanggap, pag-amin at pagwawasto sa kamaliang nagawa. Sabi nga nila wala namang taong perpekto at lahat tayo ay may posibilidad na magkamali, ngunit ang mahalaga sa bawat pagkakamali na ating nagawa ay ang kasunod na pagtatama.


Kalahok para sa kategoryang Maikling Kwento sa Saranggola Blog Awards 2011

———————————————————————————————————————–

*Ang akdang ito ay nagkamit ng ika-4 na karangalan sa Saranggola Blog Awards 2011