Mga Makabagong Laruan

“Sawsaw suka mahuli taya”
“Tagutaguan maliwanag ang buwan”

Ilan lamang yan sa mga linya ng larong aking kinahiligan nuong aking kabataan. Kasama ang aking mga pinsan at mga kaibigan, tuwing hapon pagkalabas sa eskwelahan iba’t ibang laro na ang aming pinagkakaabalahan. Andyan ang habulan, patintero, taguan, agawan base, baseball (na ang gamit na pamalo ay tsinelas or kawayan), luksong baka, luksong tinik at kung ano-ano pa. Sa mga ganoong laro ay kuntento na kame. At animo’y walang pagsidlan ang kasiyahan na aming nadarama kapag kami’y nananalo.

Natatandaan ko pa na minsan inaabot pa ako ng gabi sa kalye o sa kapitbahay at sinusundo pa ng nanay dahil maghahapunan na. At minsan dahil din sa pagkahirati sa paglalaro ay napapalo dahil sa libag ng aking damit pag uwi lalo na’t hindi pa sementado ang aming kalye nuon.

Subalit sa pagdaan ng panahon at pag-usad ng teknolohiya ay ang pagdating nga mga makabagong laruan, kagaya ng computers at iba pang gadyets.  Kung noon ay sikat ka na kapag may FAMILY COMPUTER kayo sa bahay o GAMEBOY, ngayon ay mas sikat ka kapag mayroon kang PSP, PS2, Wii, o XBox. Mawawala ka rin sa sirkulasyon kung di mo alam ang mga usong laro sa computer na kinalolokohan at pinagkakagastusan ng mga kabataan ngayon. Kasabay din ng mga gadyets na ito ang pagsikat ng mga “networking sites” tulad ng Facebook, kung saan ay maraming bata ang nahihikayat na sumali dahil din sa iba’t ibang laro na makikita dito.

Ganyan ang buhay ng mga kabataan ngayon, pagkatapos ng eskwela tiyak na kaharap na agad ang mga “gaming consoles” o kung hindi naman ay sa mga “computer shops” mo na sila makikita. Minsan nga eh tumtakas pa sa klase ang iba, makapaglaro lang nang mga paborito nilang RPG. Ang iba nga eh nakukuha pang magsinungaling sa mga magulang na kesyo pumapasok daw ngunit kung pupuntahan mo sa eskwelahan ay hindi mo makikita sapagkat andun sa mga laruan at nagdo-DOTA.

Dahil sa pagdagsa ng mga makabagong laruan na ito at mga makabagong laro, unti-unti (kung hindi pa man) nang nagkakalimutan ang mga kinagisnan nating laro. Bibihira na tayo makakita ng mga batang naglalaro sa kalye at naghahabulan. Napakadalang na natin marinig sa mga bata ng mga sinaunang linya ng mga laro na dati nating kinagiliwan. Animo’y wala na ngang bata ang naglalaro ng turumpo ngayon o nang lastiko. Kakaunti na rin ang mga batang naglalaro nang taguan sa gabi. Dahil kung di man sila nagkukulong sa kwarto nila at naglalaro ng kanilang PSP at computer o nakalog-in sa Facebook at nagpa-Farmville, eh mga nasa pinakamalapit na computer shops naman.

Ito rin siguro ang dahilan kung bakit ang daming bata ngayon ang nagtatabaan, dahil kulang na sila sa mga aktibidad na huhubog sa kanilang katawan. Palibhasa’y ang mga makagong laruan ngayon ay ginagamit na lang nang nakaupo at mga daliri na lang ang naeehersisyo.

Sa mga pagbabagong ito, hindi ba nakakalungkot isipin na unti-unti na talagang naglalaho ang mga laro na dapat ay isinasalin natin sa mga bagong henerasyon. Oo nga’t malaki din naman ang tulong ng mga makabagong teknolohiya sa ating pag-usad at pag-unlad, ngunit sana’y kasabay nga mga pagbabagong ito ang pagpapanatili ng mga lumang laro na ating kinagisnan. Hindi naman siguro masama na pagsamahin ang makabagong teknolohiya sa lumang kultura. Sa ganoong pamamaraan makaksabay tayo sa pagusad ng panahon ngunit hindi naman natin iiwan at kakalimutan ang kahapon.
———————————————————————————————————————
“Sa pagbabago ng panahon, wag sana tayo makalimot sa kahapon”


Kalahok para sa kategoryang Blog (Freestyle) ng Saranggola Blog Awards 2011

*Ang mga larawan ay hango sa Google,ibinibigay ang kredito sa mga may-ari

———————————————————————————————————————

*Ang akdang ito ay nagkamit ng ika-2 karangalan sa Saranggola Blog Awards 2011 BlogGaling Category at Finalist sa BlogSikat Category