Bus Ticket

Napakasarap naman talaga na bumiyahe kasama ang iyong minamahal. Yung tipong magkayakap kayo sa bus o sa jeep o magkahawak kamay habang pinagkukuwentuhan ninyo yung mga bagay-bagay na makikita sa daan. Di ko tuloy mapigilan na maalala yung mga araw na sabay kami mag-biyahe ni Jazzie. Kulitan sa bus at kwentuhan buong duration ng byahe. Kami kasi yung tipo ng magkasintahan na lahat napagkukwentuhan , at mahilig kami magbuo ng mga kwento sa mga nakikita namin. Minsan nga muntik na kami mapaaway kasi may pinagtawanan siyang isang pasahero dahil ang baduy daw pumorma. Buti na lang at napaniwala namin yung babae na hindi naman siya yung pinag-uusapan namin.

Pareho kaming estudyante ni Jazzie sa isang unibersidad sa Maynila, kaya tuwing uuwi kami sa Batangas, palagi ko siyang sinusundo sa inuupahan niyang boarding house sa Makati. Tuwing pupunta ako sa kanila ay buong lugod akong tinatanggap at pinapapasok ng kanyang mga pinsan. Kasama kasi niya ang mga pinsan niya sa boarding house. Madalas kong maabutan doon si Nerisa, ang makulit at kikay na pinsan ng aking girlfriend. Madalas kapag pumupunta at tumatambay ako sa kanila, lagi kaming tampulan ng tukso mula sa kanya. Lagi niyang tinatanong kung kelan daw kami magpapakasal at ginagantihan naman namin siya ng kailan naman siya magkaka-boyfriend.

Ganoon ang naging takbo ng relasyon namin ni Jazzie, palagi kaming magkasama o kung hindi man palagi ay madalas na kapiling namin ang isa’t-isa, hilig din kasi namin ang gumala. Aspiring photographer kasi ako, kaya gusto namin puntahan yung mga lugar kung saan pwede kami magpicture-picture. Syempre sayang naman yung DSLR ko kung hindi mapapakinabangan. Ayun kahit sa daan pa lang at nakasakay kami ng bus o jeep eh pinupicturan ko na yung mga tanawin na aming nadadaanan. Ito namang si Jazzie napakahilig mangolekta ng mga ticket ng bus. Halos lahat na yata ng mga bus na sinakyan namin sa Metro Manila or maging pauwi sa amin sa Batangas ay itinago nya. Minsan nga niloloko ko siya na dapat di na lang siya nag-aral at namasura nalang hehehe. Pero syempre hilig niya yun eh, dahil mahal ko siya hinahayaan ko na lang siya sa mga hilig niya.

Marami na rin kaming napuntahan na magkasama, at sa lahat nang mga biyahe na yun hindi pwedeng hindi niya itatago yung mga ticket ng bus. Nagpunta na kami sa Luneta, sa Tagaytay, sa Antipolo, sa Quezon at yung isa sa pinakamemorable, sa Baguio. Sa dami ng mga lugar na yun, marami na ring kwento kaming naipon hindi lamang sa mga litrato na aming nakunan ngunit maging sa aming alaala. At ang hindi ko makakalimutan sa lahat ng biyahe namin ay noong October 8, 2010.

Start na kasi ng sem-break noon so pauwi na kami ng Batangas. Bago kami umuwi ay napagkasunduan namin na magsimba muna sa EDSA Shrine. Sinundo ko siya sa boarding house nung umaga na yun at pagdating ko sa kanila, si Nerisa ang nagbukas ng pinto.

“Gara mo ngayon pare ah, mukhang may date kayo ni Jazzie ah” bungad niya.

“Haha, ayus ba Nerisa. Pogi naman ako lagi ah, ikaw talaga. Simba kami ni Jazzie eh, asan na ba yang mahal ko”. Pagkadaka’y naupo na ako sa sofa at inilapag yung bag na dala ko.

“Andyan sa kwarto nagpapaganda pa,hintayin mo na lang.”

Pagkatapos magsalita ni Nerisa ay namataan ko na lumalabas na nang kwarto si Jazzie. Tumayo na rin ako para kunin yung bag na dala niya. Ako kasi pinagbibitbit niya ng kanyang bag pag umaalis kami. Pagkatapos nun ay umalis na kami at dumiretso sa simbahan. Pagkatapos ng misa, bumalik kami sa kanilang bahay upang kunin yung mga gamit namin para umuwi na sa Batangas. Pagkakuha namin ng aming mga gamit ay tumungo na kami sa bus terminal.

Pagdating namin sa terminal ay bumili muna kami ng makakain sa bus. Pareho kaming mahilig sa chichirya kaya isang malaking potato chips at 2 bote ng mineral water ang binili ko. Pagkatapos noon ay sumakay na kami sa bus. Nakasanayan na namin na pag bumibiyahe kami ay ako ang nasa gawi ng bintana ngunit sa pagkakataong ito ay nagprisinta si Jazz na siya naman daw ang uupo doon. Mga ilang minuto pa rin ang itinagal ng bus sa terminal dahil pinupuno pa. Habang hinihintay namin na umalis ang bus ay nagkwentuhan muna kami. Nagumpisa kami sa makukulit na topic hanggang mauwi sa seryosong usapan. Kinuha niya sa akin yung camera tapos binuksan yung mga picture na kuha namin.

“Galing mo talaga kumuha ng picture JL, gumaganda ako” sambit ni Jazz habang tinitignan ang mga litrato at napapangiti

“Maganda ka naman talaga mahal ko hindi lang sa picture pati sa personal” ang sabi ko naman

“Ayus makabola naman to wagas” sabay tapik sa braso ko.

Sa mga sandaling yun ay umaandar na ang bus kaya’t isinara ni Jazz ang camera at inabot sa akin sabay sandal sa aking balikat. Bilang ganti inakbayan ko naman siya at hinalikan ang mababango niyang buhok. Kinuha ko at binuksan yung chips na binili namin at sinubuan ko Jazz. Habang kumakain kami biglang nagsalita si Jazz..

“JL salamat sa pagmamahal mo sa’kin ha. Sobra kong naapreciate yung mga ginagawa mo. Mahal na mahal din kita”

“Ano ka ba mahal, siyempre mahal din kita kaya ko ginagawa yun. Ano bang nangyayri sa’yo at bigla kang naging seryoso”

“Wala lang para maiba lang.hehehe” pagkasambit nito ay pinaabot ni Jazz ang tubig para uninom. Habang umiinom sila ng tubig dumating na ang kundoktor para bigyan sila ng tiket.

“2 Lipa po kuya” ang sabi ko sa kundoktor sabay abot ang 2 tiket ng bus.

Iniaabot ko agad kay Jazz ang mga tiket dahil alam ko naman na kokolektahin niya iyon. Ngunit habang inaabot ko sa kanya ang mga tiket ay hinawakan nya ang aking braso.

“Ikaw na magtago niyan JL, madami naman na akong nakolekta eh. Sa’yo na yan. Itago mo at ingatan mo yan ha tulad nung mga itinago kong tiket”

Medyo nagtaka ako kung bakit hindi niya kinuha yung mga tiket pero naisip ko na lang baka nagsawa na siya sa pangongolekta, kaya nilagay ko na lang sa bag ko yung 2 tiket namin at pagkatapos namin magbayad sa kunduktor ay umidlip muna kami na magkayakap.

Naalimpungatan ako nang nasa STAR tollway na kami at sobrang lakas ng ulan. Tinignan ko ng bahagya si Jazz at tulog na tulog pa rin siya. Habang nakayakap ako sa kanya ay sumandal ulit ako para umidlip ulit. Ilang sandali pa isang malakas na kalabog at kalampag ang gumimbal sa akin. Pagkatapos ay bumaligtad at nagpaikot-ikot na yung bus na sinasakyan namin at nawalan na ako ng malay.

Nang magkamalay ako, rinig na rinig ko ang malalakas na mga ingay. Ngunit madilim ang paligid ko animo’y may nakatakip sa mga mata ko. Agad akong tumawag ng tulong at saktong may tao pala sa tabi ko. Lumapit sya sa akin at tinanong kung anong kailangan ko. Tinanong ko siya kung nasaan ako at bakit madilim. Nurse pala ang lumapit sa akin at sinabing nasa ospital ako. Dun daw kami dinala pagkatapos maaksidente ang aming bus. Agad kong hinanap si Jazz subalit wala naman siyang maisagot sa akin. Nagpaalam na aalis daw muna siya para magattend sa ibang pasyente.

Ilang segundo pagkatapos kong marinig na sumara ang pinto ay bigla naman itong bumukas.

“JL, JL anong nangyari sa inyo” sambit ng babae habang papalapit sa akin

“Ma, ikaw ba yan ma”

“Oo anak,andito kami ni Papa mo” sagot ni Mama habang umiiyak.

“JL nakausap na namin ng Mama mo yung doctor mo at sinabi niya na natamaan daw ng mga bubog yung mata mo kaya nabulag na daw ang mga ito” sabi ni Papa

Bago pa magsink-in sa akin ang sinabi ni Papa, hinanap ko muna si Jazz.

“Eh si Jazz Ma, Pa? Asan si Jazz?”

“Wala na si Jazz JL, nakausap namin kanina yung magulang niya, wala na si Jazz” sagot ni Papa

Bigla na lang tumulo ang luha sa mata ko. Gusto kong sumigaw ng malakas pero pinipigilan ko ang sarili ko at pinipilit na maging malakas. Ngunit hindi ko na rin kinaya, napahagulgol na ako at sa tagpong iyon, niyakap ako ni Mama at Papa.

Pagkalipas ng isang linggo ay pinayagan na akong lumabas ng doctor. Agad akong nagtungo sa burol ni Jazz. Pagdating namen sa chapel agad akong sinalubong ng umiiyak na Nanay ni Jazz.

“JL wala na si Jazz, iniwan na tayo ni Jazz” sabay yakap sa akin.

Muling tumulo ang mga luha sa aking mata. Inakay ako ng nanay ni Jazz palapit sa kabaong nito. Hinawakan ko at hinaplos haplos ang kabaong niya at lalong nagtuloy-tuloy ang pagtulo ng aking luha. Habang nakatayo ako sa harap ng kabaong niya may lumapit sa akin at tumapik sa aking balikat. Si Nerisa pala na nagsabing nasasayangan daw siya kasi hindi na matutupad yung palagi naming biruan sa boarding house nila na aabay siya sa kasal namin.

Paglipas ng 40 araw ng pagkamatay ni Jazz, dinalaw ko ang kanyang puntod. Doon dala-dala ko yung ticket ng bus na pinatago niya sa’kin. Inilatag ko yun sa kanyang lapida tsaka ko siya kinausap.

“Ayan mahal ha, iningatan ko yung bus ticket na pinatago mo sa akin ah. Miss na miss na kita Jazz. Wala na kong makulit na kasama sa mga biyahe. Wala ng nangungurot sa hita at braso ko pag nag-aasaran tayo. Pero alam kong masaya ka na dyan”

Pagkatapos nito ay dumiretso na kami sa ospital para sa operasyon ng aking mata. Meron na daw kasing nakuhang match ang mata ko sa eye bank. Pagdating sa ospital ay pinatungo na ako sa operation room para sa eye transplant. Makalipas ang ilang oras, successful ang operation at maari na daw muli akong makakita at makabalik sa pag-aaral. Nang mailipat na ako sa hospital room kung saan ako magpapahinga bago umuwi, tinanong ko ang dotor kung pwede malaman ang donor ng aking mata para naman mapasalamatan. Inabot ng doctor kay Mama ang donation card at sa pagbasa ni Mama..

“JL, JL” habang nanginginig ang boses at halatang naiiyak “Si Jazzie, si Jazzie”

“Bakit Ma, andito ba si Jazz? Minumulto ka ba niya?” pabiro kong tanong habang napapangisi pa ako

“Loko ka talagang bata ka, si Jazzie anak ang donor mo.” sabay hawak sa kamay ko si Mama

Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko nung oras na yun. Naluluha ako na natatawa, ngunit kasabay nun ay ang pananalangin at pasalamat sa Diyos at ang pagkausap ko kay Jazz sa aking isipan.

“Salamat mahal ko dahil sa’yo makakakita na ako muli. At simula ngayon hindi na ko mag-iisa sa mga biyahe kasi kasama na ulit kita parati.”

Pagkaraan ng isang taon ng pagbabalik ko sa pag-aaral ay nakagraduate ako. At ngayon ay nagtatrabaho na bilang isang freelance photographer. Sa pamamagitan ng mga mata ni Jazzie, binibigyan ko ng buhay ang mga kwento sa likod ng mga larawan na aking kinukunan.