Kwaderno

Hindi maiwasang maluha ni Janus at Donna habang binabasa ang sulat ng kanilang anak. Magkahalong pagsisisi at panghihinayang ang kanilang naramdaman habang tangan-tangan ang papel na naging hingahan nito ng kanyang mga hinanakit at saloobin.

——————

Masaya nagsimula ang pamilya nina Janus at Donna. Nagkakilala sila sa Arellano University kung saan sila nagtapos ng kolehiyo. Kakapasa pa lamang noon ni Donna sa Nursing Board Exam nang mabuntis ito kaya kinailangan nilang magpakasal. Naging biglaan man ang pagpapakasal nila, masayang masaya naman sila sa pagdating ni Samantha sa kanilang buhay. Ang una nilang anak na nagdagdag ng kulay at sigla sa tahanan na kanilang sinisimulan.

Continue reading

Utol

“Ma, ma, asan na yung blue shirt ko bakit wala na naman dito sa cabinet”

“Alin ba yun? Yung bago ba? Tanungin mo ang kapatid mo baka ginamit na naman”

Pagkaraka’y nagtungo si Michael sa kwarto ni James. Dinatnan niya ito na nakaupo at nakaharap sa computer habang nakasuot ang headset. Tinanong niya ito kung nasa kanya ang hinahanap na shirt, ngunit dahil naka-headset nga ay tila walang ito narinig. Dahil hindi sumagot nilapitan niya ito at tinanggal ang headset.

“Yung tshirt ko ginamit mo na naman ba?” pasigaw na tanong ni Michael.

Pagkatapos marinig ang tanong ng kuya, sinuot ulit nito ang headset at sinagot ito nang:

“Andun sa labahan, kunin mo na lang pag nalabhan na, para damit lang eh”

“Ayus ah, sa susunod magpaalam ka, hindi basta basta mo na lang kinukuha mga gamit ko”

Narinig ng ina ang sagutan ng magkapatid kaya sinaway niya ang mga ito. Pagkatapos ay lumabas na ng kwarto si Michael at nagpaalam na aalis muna upang puntahan ang kanyang girlfriend.

Samantala, habang nakikinig ng music si James ay biglang umilaw ang kanyang cellphone. Kinuha niya ito at binuksan pagkatapos ay binasa ang message ng isa niyang barkada na nag-aaya gumimik. Pagkatapos mabasa ang message ay agad itong nagbihis at nagpaalam sa ina at umalis.

Dinatnan ni James ang mga barkada niya na nag-iinuman. Pagkatapos niya umupo ay nakitagay na rin ito. Habang nag-iinuman sila ay dumating ang isa pa nilang kabarkada. Pagkaupo nito ay biglang may inilabas na maliliit na supot na animo’y mga pakete ng asin. Nilapag niya ang mga ito sa mesa sabay sabing

“Mga pre,pausok, tira na”

Natigilan si James nang marinig ang sinabi ng isang barkada. Alam niya na droga ang tinutukoy nito at hindi niya alam kung makikisali ba siya. Ngunit dahil sa udyok ng mga ito napilitan din si James na tikman ang ipinagbabawal na gamot. Ibang pakiramdam ang bumalot kay James ng mga oras na iyon na animo’y lumilipad ang kanyang pakiramdam.

—————————-

Gabi na rin ng makauwi si Michael sa kanilang bahay. Nanood sila ng sine ng kanyang girlfriend at Masaya itong bumulwag sa kanilang sala at binati ang ina. Pagkatapos magbihis ay napansin nito na wala pa ang kapatid sa bahay kaya hinanap niya ito.

“Ma, gabi na ah, asan si mokong (tawag niya sa kapatid na si James)”

“Umalis kanina pupunta daw sa mga barkada niya may birthday party yata” sagot nito.

Pagkatapos nito ay pumasok na ulit siya sa kwarto upang magpahinga.

—————————–

Madaling araw na nang biglang may nag-doorbell. Dahil dito nagising si Michael at tinignan sa bintana kung sino ang nasa gate. Namataan niya ang kapatid na animo’y lasing na lasing. Binuksan ni Michael ang ilaw at saka lumabas ito upang pagbuksan ang kapatid.

“Ayus ka brad ah, madaling araw na ah”

Hindi na umimik si James at dire-diretso na lamang sa kanyang kwarto. Si Michael naman, pagkatapos muling isara ang mga pintuan ay bumalik na rin sa kanyang pagtulog.

—————————

Kinaumagahan habang nag-aalmusal ang mag-anak ay tinanong ni Michael si James kung saan nanggaling at inumaga na ng uwi. Hindi naman nagbigay ng detalyadong sagot si James at sinabi lamang na nagkainuman sa birthday ng isang barkada niya. Pagkatapos kumain ay nagbihis na rin si James upang pumasok sa school. Si Michael naman ay nagtungo sa banyo upang maligo at mag prepare para sa pagpasok sa opisina.

Pagkatapos nito maligo ay naalala niya na kuhanin sa kwarto ni James yung ginamit nitong blue shirt. Pagpasok niya sa kwarto ay nakita nito ang mga nakakalat na pinagbihisan ng kapatid. Pagkatapos makuha ang damit sa cabinet ay napatingin ito sa pantalon ni James na nakalapag sa sahig. Duon ay nakita niya ang isang maliit na pakete ng plastic na nakausli sa bulsa. Pinulot niya ito upang tignan, at nang mahawakan na niya ito ay napagtanto niya na ito ay shabu. Dahil sa nadiskubre niya, pinili muna nito na hindi sabihin sa ina upang hindi ito mag-alala at naisip niyang kausapin muna ang kapatid tungkol dito.

Dahil malapit lang ang school ni James sa opisina nila Michael ay tinawagan niya ito upang magkita sila at mapag-usapan ang tungkol sa nadiskubre niya. Sa isang restaurant sila nagkita, at duon ay agad na tinanong ni Michael kung kalian pa ito natutuong gumamit ng shabu. Bantulot na sumagot si James at animo’y nagkunwaring walang alam. Dahil dun binanggit na ni Michael na may nakuha siyang isang pakete sa bulsa nito kaninang umaga. Dahil dito hindi na napigilan ni James ang sumagot.

“Pinakialaman mo ang kwarto ko ano?”

Hindi sinagot ni Michael ang tanong nang kapatid at sa halip ay pinaamin niya kung kalian pa ito nagsimulang gumamit

”Kailan pa yan ha? Hindi ka ba nahihiya kay mama, nagpapakahirap yun magtrabaho tapos pinangsa shabu mo lang. Umayos ka nga”

“Wag mo nga ko pakialaman, buhay ko to, bakit pinapakialaman ba kita” sagot ni James

“Aba loko ka ah, pag di mo tinigil yan sasabihin ko yan kay mama”

“Eh di magsumbong ka, sumbungero ka naman talaga eh”.

Pagkatapos nito ay bigla nang tumayo si James at umalis. Naiwan si Michael na nag-iisip kung pano mapapatigil ang kapatid sa tinatahak nitong bisyo.

Pag-uwi ni Michael andun na rin si James at nanonood ng TV. Pagkatapos niya magbihis ay inaya na ang dalawa ng kanilang ina upang maghapunan. Hindi nag-iimikan ang magkapatid at napansin ito nang ina kaya tinanong niya ang mga ito kung mag-kaaway ba sila. Si Michael na ang sumagot at sinabing pagod lamang siya sa trabaho kaya walang gana mag-kwento. Pagkatapos nila kumain ay kanya kanya na silang pumasok sa kani-kanilang mga kwarto.

Ilang lingo din ang lumipas at napansin na naman ni Michael na palaging ginagabi na naman si James sa pag-uwi na kung minsan ay lasing pa. Dahil dito muli nitong kinompronta ang kapatid at tinanong tungkol sa bisyo nito. Sa pagkakataong yun marahil ay nasa ilalim ng impluwensiya ng shabu si James kaya pasigaw itong sumagot sa kanyang kuya. Nagkainitan ang dalawa at nauwi sa suntukan na tumawag ng pansin sa ina na noon ay may ginagawa sa kusina. Dagliang tinungo ng ina ang kwarto ni James upang sawayin ang dalawa. Nahimasmasan si James nang akmang susuntukin muli nito si Michael ngunit pumagitna ang ina.

“Ano bang nangyayari sa inyo, dadalawa na nga lang kayo di pa kayo magkasundo. Dadating ang araw pag may nakaaway kayo, kayong dalawa rin ang magtatanggol sa isa’t-isa”

Pagkatapos marinig ang pangaral ng ina ay lumabas na si Michael at nagtungo sa kanyang kwarto.

Kinabukasan ay hindi pa rin nag-imikan ang dalawa. Animo’y hindi nila nakikita ang isa’t-isa sa loob ng bahay. Samantala hinayaan na lang muna ng ina ang dalawa at umasang lilipas din ang gusot ng mga ito.

———–

Isang gabi muling inaya si James ng mga barkda nito. Dito ay muli nilang ginawa ang nakagawian na nilang pag-iinuman at paghithit ng droga. Dahil wala na sa hustong katinuan napagkatuwaan nila na lumabas sa kalye. Pinagtitripan nila ang mga nakakasalubong at ginagawan ng kalokohan. Hanggang sa may namataan sila na magkasintahan na naglalakad. Kinantiyawan nila ang babae na mistulang binabastos na nila.

“Miss samen ka na sumama walang kwenta yang kasama mo, hindi ka mapapaligaya niyan” kantiyaw nang mga ito.

Hindi pinansin ng magkasintahan ang kantiyaw at tuloy-tuloy lamang ang mga ito sa paglalakad. Ngunit hindi tumigil ang mga barkada ni James hanggang sa hinatak na nang mga ito ang babae at tinangkang halikan. Dahil dito napaharap at pumalag na ang lalaki na kasama nito at tinulak ang humatak sa kanyang kasintahan. At duon nakita ni James na ang kuya Michael pala niya ang lalaki.

“Anong problema niyo, wag ninyong bastusin ang girlfriend ko ha”

Dahil hindi nagustuhan ang pananalita ni Michael nabadtrip ang isa sa kanila at sinuntok ito. Lumaban naman si Michael upang ipagtanggol ang sarili. Sa pagkakataong yun ay nakisali na ang ibang kasama nila sa pagkuyog dito. Habang kinukuyog ng mga barkada ni James si Michael ay iyak ng iyak ang girlfriend nito sa gilid, at si James naman ay nakatayo lamang, hindi alam kung aawatin ba ang mga barkada.

Habang nakatayo si James ay bigla nitong nakita ang isa na bumunot ng patalim. Animo’y biglang nahimasmasan si James at nilapitan ang barkda upang mapigilan sa gagawin nito. Ngunit tila huli na siya dahil pinaguundayan na ng saksak ng isa sa kanila si Michael. Dito bigla nang nagwala si James pingtutulak at pinagsusuntok ang mga kasama niya.

“Tama na, kuya ko yan mga putang ina nyo tama na, kuya ko yan, tama na”

Biglang bumulagta si Michael sa kalye habang hawak-hawak ang parte ng katawan na nasaksak. Samantala biglang nagtakbuhan naman ang mga barkada ni James at naiwan siya kasama ang girlfriend ni Michael. Iyak nang iyak ang babae habang buhat-buhat ni James ang kuyang duguan.

“Kuya, kuya, kuya, wag kang bibitaw, dadalhin ka namen sa ospital” naiiyak na sambit ni James

Buti na lang at may dumaan na taxi at  duon sila sumakay upang dalhin si Michael sa ospital.

Sa ospital habang nakasakay sa stretcher si Michael at dinadala sa emergency room ay hindi ito iniwan ni James

“Kuya, Kuya, lakasan mo loob mo, wag mo kame iwan ni mama. Alam ko marami ako kalokohan na nagawa at marami na kong kasalanan sa’yo, pero mahal na mahal kita, hindi ko pa kayang mawalan ng kuya”

Habang nasa operating room si Michael, nagtungo si James sa kapilya ng ospital at doon nagdasal para sa kaligtasan ng kapatid

“Panginoon, iligtas nyo po ang kuya ko. Alam ko po na marami kaming hindi pinag-kakasunduan pero mahal na mahal ko po sya. Siya na ang nagsilbing tatay sa’kin nung mawala si Papa, hindi ko po kakayanin kung pati sya mawawala pa. Iligtas nyo po siya Lord. Pangako hindi ko na sya aawayin at ititigil ko na ang bisyo ko pag iniligtas ninyo sya”

Luhaaang lumabas si James sa kapilya at sinalubong ito nang kanilang ina sa pasilyo ng ospital.

“Ma, ma sorry po” naiiyak na sambit ni James

Niyakap ng ina nila si James at sabay sila nag-iyakan nang biglang dumating ang doctor.

“Kayo po ba ang pamilya nang pasyente?” tanong ng doktor

“Ako po ang nanay nya.”

“Ligtas na po ang anak ninyo, buti na lang at hindi sya napuruhan.”

Dahil sa narinig nagyakapan ang mag-ina at nagpasalamat sa Diyos sa pagkaligtas kay Michael.

Ilang araw pa ay nakalabas na rin si Michael sa ospital at umuwi na sa kanilang bahay.  Kasama ang girlfriend nito, naghanda ng isang munting salu-salo ang kanilang ina para sa pagbabalik ni Michael sa bahay. Magkatabi ang magkapatid sa mesa at nagbibiruan na animo’y walang pinagdaanan. Habang ang ina naman ay nakatitig sa kanila na halatang-halatang tuwang-tuwa dahil magkasundo na ulit ang kanyang mga anak. Napatingin ito sa itaas at kinausap ang namayapang asawa sa isip.

“Pa, salamat. Alam ko ginagabayan mo pa rin kame at alam ko katulong ka ni God para pagkasunduin ang mga anak naten”

Nagpatuloy ang kulitan ng mag-anak sa hapag-kainan nang biglang nagseryoso si James

“Tol magkakampi na tayo lagi. Kahit sinong umaway sa’yo ako ang resbak mo. Walang iwanan, utol magpakailanman”

Pagkatapos marinig ito ay inakbayan ni Michael si James at mistulang kinusot ang buhok kasabay ang isang malaking ngiti. Pagkaraka’y lumapit naman ang naiiyak na ina at niyakap ang dalawa. Duon ay nagkayakapan ang tatlo habang pinapanood sila ng kasintahan ni Michael. Dahil sa tuwa hindi na rin napigilan ni Trisha ang mapaluha habang nangingiti, kaya tinawag ito ni Michael at naki-yakap na rin sa mag-anak.

Bus Ticket

Napakasarap naman talaga na bumiyahe kasama ang iyong minamahal. Yung tipong magkayakap kayo sa bus o sa jeep o magkahawak kamay habang pinagkukuwentuhan ninyo yung mga bagay-bagay na makikita sa daan. Di ko tuloy mapigilan na maalala yung mga araw na sabay kami mag-biyahe ni Jazzie. Kulitan sa bus at kwentuhan buong duration ng byahe. Kami kasi yung tipo ng magkasintahan na lahat napagkukwentuhan , at mahilig kami magbuo ng mga kwento sa mga nakikita namin. Minsan nga muntik na kami mapaaway kasi may pinagtawanan siyang isang pasahero dahil ang baduy daw pumorma. Buti na lang at napaniwala namin yung babae na hindi naman siya yung pinag-uusapan namin.

Pareho kaming estudyante ni Jazzie sa isang unibersidad sa Maynila, kaya tuwing uuwi kami sa Batangas, palagi ko siyang sinusundo sa inuupahan niyang boarding house sa Makati. Tuwing pupunta ako sa kanila ay buong lugod akong tinatanggap at pinapapasok ng kanyang mga pinsan. Kasama kasi niya ang mga pinsan niya sa boarding house. Madalas kong maabutan doon si Nerisa, ang makulit at kikay na pinsan ng aking girlfriend. Madalas kapag pumupunta at tumatambay ako sa kanila, lagi kaming tampulan ng tukso mula sa kanya. Lagi niyang tinatanong kung kelan daw kami magpapakasal at ginagantihan naman namin siya ng kailan naman siya magkaka-boyfriend.

Ganoon ang naging takbo ng relasyon namin ni Jazzie, palagi kaming magkasama o kung hindi man palagi ay madalas na kapiling namin ang isa’t-isa, hilig din kasi namin ang gumala. Aspiring photographer kasi ako, kaya gusto namin puntahan yung mga lugar kung saan pwede kami magpicture-picture. Syempre sayang naman yung DSLR ko kung hindi mapapakinabangan. Ayun kahit sa daan pa lang at nakasakay kami ng bus o jeep eh pinupicturan ko na yung mga tanawin na aming nadadaanan. Ito namang si Jazzie napakahilig mangolekta ng mga ticket ng bus. Halos lahat na yata ng mga bus na sinakyan namin sa Metro Manila or maging pauwi sa amin sa Batangas ay itinago nya. Minsan nga niloloko ko siya na dapat di na lang siya nag-aral at namasura nalang hehehe. Pero syempre hilig niya yun eh, dahil mahal ko siya hinahayaan ko na lang siya sa mga hilig niya.

Marami na rin kaming napuntahan na magkasama, at sa lahat nang mga biyahe na yun hindi pwedeng hindi niya itatago yung mga ticket ng bus. Nagpunta na kami sa Luneta, sa Tagaytay, sa Antipolo, sa Quezon at yung isa sa pinakamemorable, sa Baguio. Sa dami ng mga lugar na yun, marami na ring kwento kaming naipon hindi lamang sa mga litrato na aming nakunan ngunit maging sa aming alaala. At ang hindi ko makakalimutan sa lahat ng biyahe namin ay noong October 8, 2010.

Start na kasi ng sem-break noon so pauwi na kami ng Batangas. Bago kami umuwi ay napagkasunduan namin na magsimba muna sa EDSA Shrine. Sinundo ko siya sa boarding house nung umaga na yun at pagdating ko sa kanila, si Nerisa ang nagbukas ng pinto.

“Gara mo ngayon pare ah, mukhang may date kayo ni Jazzie ah” bungad niya.

“Haha, ayus ba Nerisa. Pogi naman ako lagi ah, ikaw talaga. Simba kami ni Jazzie eh, asan na ba yang mahal ko”. Pagkadaka’y naupo na ako sa sofa at inilapag yung bag na dala ko.

“Andyan sa kwarto nagpapaganda pa,hintayin mo na lang.”

Pagkatapos magsalita ni Nerisa ay namataan ko na lumalabas na nang kwarto si Jazzie. Tumayo na rin ako para kunin yung bag na dala niya. Ako kasi pinagbibitbit niya ng kanyang bag pag umaalis kami. Pagkatapos nun ay umalis na kami at dumiretso sa simbahan. Pagkatapos ng misa, bumalik kami sa kanilang bahay upang kunin yung mga gamit namin para umuwi na sa Batangas. Pagkakuha namin ng aming mga gamit ay tumungo na kami sa bus terminal.

Pagdating namin sa terminal ay bumili muna kami ng makakain sa bus. Pareho kaming mahilig sa chichirya kaya isang malaking potato chips at 2 bote ng mineral water ang binili ko. Pagkatapos noon ay sumakay na kami sa bus. Nakasanayan na namin na pag bumibiyahe kami ay ako ang nasa gawi ng bintana ngunit sa pagkakataong ito ay nagprisinta si Jazz na siya naman daw ang uupo doon. Mga ilang minuto pa rin ang itinagal ng bus sa terminal dahil pinupuno pa. Habang hinihintay namin na umalis ang bus ay nagkwentuhan muna kami. Nagumpisa kami sa makukulit na topic hanggang mauwi sa seryosong usapan. Kinuha niya sa akin yung camera tapos binuksan yung mga picture na kuha namin.

“Galing mo talaga kumuha ng picture JL, gumaganda ako” sambit ni Jazz habang tinitignan ang mga litrato at napapangiti

“Maganda ka naman talaga mahal ko hindi lang sa picture pati sa personal” ang sabi ko naman

“Ayus makabola naman to wagas” sabay tapik sa braso ko.

Sa mga sandaling yun ay umaandar na ang bus kaya’t isinara ni Jazz ang camera at inabot sa akin sabay sandal sa aking balikat. Bilang ganti inakbayan ko naman siya at hinalikan ang mababango niyang buhok. Kinuha ko at binuksan yung chips na binili namin at sinubuan ko Jazz. Habang kumakain kami biglang nagsalita si Jazz..

“JL salamat sa pagmamahal mo sa’kin ha. Sobra kong naapreciate yung mga ginagawa mo. Mahal na mahal din kita”

“Ano ka ba mahal, siyempre mahal din kita kaya ko ginagawa yun. Ano bang nangyayri sa’yo at bigla kang naging seryoso”

“Wala lang para maiba lang.hehehe” pagkasambit nito ay pinaabot ni Jazz ang tubig para uninom. Habang umiinom sila ng tubig dumating na ang kundoktor para bigyan sila ng tiket.

“2 Lipa po kuya” ang sabi ko sa kundoktor sabay abot ang 2 tiket ng bus.

Iniaabot ko agad kay Jazz ang mga tiket dahil alam ko naman na kokolektahin niya iyon. Ngunit habang inaabot ko sa kanya ang mga tiket ay hinawakan nya ang aking braso.

“Ikaw na magtago niyan JL, madami naman na akong nakolekta eh. Sa’yo na yan. Itago mo at ingatan mo yan ha tulad nung mga itinago kong tiket”

Medyo nagtaka ako kung bakit hindi niya kinuha yung mga tiket pero naisip ko na lang baka nagsawa na siya sa pangongolekta, kaya nilagay ko na lang sa bag ko yung 2 tiket namin at pagkatapos namin magbayad sa kunduktor ay umidlip muna kami na magkayakap.

Naalimpungatan ako nang nasa STAR tollway na kami at sobrang lakas ng ulan. Tinignan ko ng bahagya si Jazz at tulog na tulog pa rin siya. Habang nakayakap ako sa kanya ay sumandal ulit ako para umidlip ulit. Ilang sandali pa isang malakas na kalabog at kalampag ang gumimbal sa akin. Pagkatapos ay bumaligtad at nagpaikot-ikot na yung bus na sinasakyan namin at nawalan na ako ng malay.

Nang magkamalay ako, rinig na rinig ko ang malalakas na mga ingay. Ngunit madilim ang paligid ko animo’y may nakatakip sa mga mata ko. Agad akong tumawag ng tulong at saktong may tao pala sa tabi ko. Lumapit sya sa akin at tinanong kung anong kailangan ko. Tinanong ko siya kung nasaan ako at bakit madilim. Nurse pala ang lumapit sa akin at sinabing nasa ospital ako. Dun daw kami dinala pagkatapos maaksidente ang aming bus. Agad kong hinanap si Jazz subalit wala naman siyang maisagot sa akin. Nagpaalam na aalis daw muna siya para magattend sa ibang pasyente.

Ilang segundo pagkatapos kong marinig na sumara ang pinto ay bigla naman itong bumukas.

“JL, JL anong nangyari sa inyo” sambit ng babae habang papalapit sa akin

“Ma, ikaw ba yan ma”

“Oo anak,andito kami ni Papa mo” sagot ni Mama habang umiiyak.

“JL nakausap na namin ng Mama mo yung doctor mo at sinabi niya na natamaan daw ng mga bubog yung mata mo kaya nabulag na daw ang mga ito” sabi ni Papa

Bago pa magsink-in sa akin ang sinabi ni Papa, hinanap ko muna si Jazz.

“Eh si Jazz Ma, Pa? Asan si Jazz?”

“Wala na si Jazz JL, nakausap namin kanina yung magulang niya, wala na si Jazz” sagot ni Papa

Bigla na lang tumulo ang luha sa mata ko. Gusto kong sumigaw ng malakas pero pinipigilan ko ang sarili ko at pinipilit na maging malakas. Ngunit hindi ko na rin kinaya, napahagulgol na ako at sa tagpong iyon, niyakap ako ni Mama at Papa.

Pagkalipas ng isang linggo ay pinayagan na akong lumabas ng doctor. Agad akong nagtungo sa burol ni Jazz. Pagdating namen sa chapel agad akong sinalubong ng umiiyak na Nanay ni Jazz.

“JL wala na si Jazz, iniwan na tayo ni Jazz” sabay yakap sa akin.

Muling tumulo ang mga luha sa aking mata. Inakay ako ng nanay ni Jazz palapit sa kabaong nito. Hinawakan ko at hinaplos haplos ang kabaong niya at lalong nagtuloy-tuloy ang pagtulo ng aking luha. Habang nakatayo ako sa harap ng kabaong niya may lumapit sa akin at tumapik sa aking balikat. Si Nerisa pala na nagsabing nasasayangan daw siya kasi hindi na matutupad yung palagi naming biruan sa boarding house nila na aabay siya sa kasal namin.

Paglipas ng 40 araw ng pagkamatay ni Jazz, dinalaw ko ang kanyang puntod. Doon dala-dala ko yung ticket ng bus na pinatago niya sa’kin. Inilatag ko yun sa kanyang lapida tsaka ko siya kinausap.

“Ayan mahal ha, iningatan ko yung bus ticket na pinatago mo sa akin ah. Miss na miss na kita Jazz. Wala na kong makulit na kasama sa mga biyahe. Wala ng nangungurot sa hita at braso ko pag nag-aasaran tayo. Pero alam kong masaya ka na dyan”

Pagkatapos nito ay dumiretso na kami sa ospital para sa operasyon ng aking mata. Meron na daw kasing nakuhang match ang mata ko sa eye bank. Pagdating sa ospital ay pinatungo na ako sa operation room para sa eye transplant. Makalipas ang ilang oras, successful ang operation at maari na daw muli akong makakita at makabalik sa pag-aaral. Nang mailipat na ako sa hospital room kung saan ako magpapahinga bago umuwi, tinanong ko ang dotor kung pwede malaman ang donor ng aking mata para naman mapasalamatan. Inabot ng doctor kay Mama ang donation card at sa pagbasa ni Mama..

“JL, JL” habang nanginginig ang boses at halatang naiiyak “Si Jazzie, si Jazzie”

“Bakit Ma, andito ba si Jazz? Minumulto ka ba niya?” pabiro kong tanong habang napapangisi pa ako

“Loko ka talagang bata ka, si Jazzie anak ang donor mo.” sabay hawak sa kamay ko si Mama

Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko nung oras na yun. Naluluha ako na natatawa, ngunit kasabay nun ay ang pananalangin at pasalamat sa Diyos at ang pagkausap ko kay Jazz sa aking isipan.

“Salamat mahal ko dahil sa’yo makakakita na ako muli. At simula ngayon hindi na ko mag-iisa sa mga biyahe kasi kasama na ulit kita parati.”

Pagkaraan ng isang taon ng pagbabalik ko sa pag-aaral ay nakagraduate ako. At ngayon ay nagtatrabaho na bilang isang freelance photographer. Sa pamamagitan ng mga mata ni Jazzie, binibigyan ko ng buhay ang mga kwento sa likod ng mga larawan na aking kinukunan.

The Parekoys Online – 2 (Ang Unang Sabado)

Pagkatapos ng isang linggong pagtatrabaho, dumating na naman ang araw ng bakasyon. Sabado nang umaga at tanghali na nagising si Ian. Dahil nga wala namang pasok hinayaan na lang nito ang sarili na magtagal sa higaan. Bandang alas-10 na ito bumangon at kumain nang almusal. Pupungas-pungas pa ito nang lumabas ng kanilang boarding house upang bumili nang almusal sa paborito niyang karinderia. As usual tapsilog ang binili nya dahil isa ito sa mga paborito niyang kainin sa umaga. Pagkatapos magtake-out nang tapsilog ay bumalik na sya uli ng bahay at duon nag-agahan. Habang kumakain sya ay biglang tumunog ang kanyang celphone. Sa pag-angat nito ay nabasa nya sa screen ang pangalang Loriz. Dali dali nyang binuksan ang text upang malaman ang laman nito na isa palang forwarded morning greetings. Si Loriz ay officemate ni Ian na crush na crush nya, subalit hindi nya magawang pormahan dahil may boyfriend na ito.

Pagkatapos nya kumain at mailigpit ang pinagkainan ay bumalik na ulit sya sa kanyang kwarto. Nahiga ulit ito at sinalpak sa tenga ang earphone ng kayang iPod.

————————————————————-

Samantala si Puroy naman ay abala sa paglalaba, Sabado kasi ang araw ng kanyang paglalaba. Nangangalahati na ang kanyang nilalabhan nang biglang tumunog ang kanyang celphone, at nang basahin ay si Chris pala, nag-aaya na maglaro daw dun sa computer shop na malapit sa kanila. Tuwing sabado din kasi, kapag natapos na ang mga gawaing bahay ni Puroy ay pinapayagan sya nang kanyang amo na lumabas. At ang isa sa mga pinagkakaabalahan nya ay ang online gaming. Dahil nga may malapit naman na computer shop sa kanila ay madali lang itong nakakapunta duon at nakakabalik ng bahay kung kinakailangan.

Dahil sa nabasang text ay pinagpatuloy na nito ang paglalaba upang makatapos agad at nang makapaglaro na sya.

————————————————————-

Sa Dubai nman, normal na araw lang din ang sabado para kay Eman, dahil walang pasok, kundi pasyal sa mall, or bisita sa mga kakilalang pinoy duon, ay nagstay lang din sya sa bahay para maginternet at makipagkumustahan sa kanyang pamilya dito sa Pilipinas. Sa tulong ng Skype, pakiramdam nya ay malapit lang sya sa kanyang mga magulang , kapatid at lalo na sa mahal nyang si Angela. At kasama na rin sa kanyang pinagkakaabalahan ay ang paglalaro ng Evony, isang online game.

————————————————————-

Bandang alas-4 ng hapon dahil wala naman syang magawa sa boarding house ay naligo at nagbihis si Ian upang pumunta sa computer shop na malapit sa kanila. Isa rin kasi sa hilig nya ang paglalaro ng computer games kaya agad itong tumungo duon upang balikan ang kanyang naumpisahang laro.

Samantala, si Puroy ay nakatapos na rin magligpit sa bahay at tumulak na papunta sa kapitbahay nilang computer shop upang maglaro.

————————————————————-

Pagpasok ni Ian sa pinto ay nakita nyang maraming mga naglalaro at tila walang bakante kaya tinanong nya ang taga bantay kung may pwesto pa.

“Brad, pa rent ng isang computer may available pa ba?”

“Sige sir sa number 8 nalang matatapos na yung nakaupo dun”

Mga 2 minuto siguro naghintay si Ian, at nang makitang tumayo na ang nasa #8 ay agad na sya pumunta at umupo. Syempre una muna nyang binuksan ang FB at yahoo upang magcheck nang mga messages at notifications at matapos magcheck ay naglog-in na sya sa Evony.com

————————————————————-

“Uy pareng Chris kanina ka pa ba dito?”

“Mga kalahating oras palang dre, bat natagalan ka”

“Dami kasing labahin sa bahay eh, alam mo naman isa lang akong houseboy, tsaka may inutos pa si ate bago ako nakaalis, ano may pwesto pa ba”

“Oo dre, meron pa yan, sabihin mo na dun sa bantay”

Matapos makakuha nang pwesto ay agad na naglog-in si Puroy sa Evony upang maglaro. Pagbukas nya ay nakita nya na sinalakay yung city nya at konting resources at mga tauhan nalang ang natira. Dahil sa nangyari naisipan nyan maghanap ng ibang alliance na masasamahan upang may mga kakampi sya sa pakikigyera sa ibang mga manlalaro. Yung kasalukuyang alliance kasi nya, kalimitan ay puro foreigner kaya hindi sya masyado nakkikipagusap.

————————————————————-

Si Ian naman palibhasa’y panibagong umpisa muli sa paglalaro dahil medyo matagal din syang nagpahinga sa Evony ay wala pang alliance na kinaaaniban. Kumbaga back to zero sya kaya nagpaparami muna sya nang structures at mga tauhan.

Habang naglalaro si Ian ay biglang may nabasa sya sa chat section na ganito

“racer19 : Anak ng teteng, nilusob ang city ko, ubos. Makapagpalit nga nang alliance”. (racer19 ang codename ni Puroy sa Evony)

Pagkatapos nun, may isang player naman ang nagreply kay racer19

“astroboy12 : uy pare kelan ka nalusob? dun ka nalang sa alliance namen, puro pinoy kame dun. KKK ung alliance namen, send ka nalang ng request, sabihin ko narin sa leader na accept ka” (si astroboy12 naman ay si Eman)

Pagkatapos nang ilang palitan ng chat, nakisali na rin sa usapan si Ian, at gamit ang kanyang codename na otso8 kinausap nya ang 2.

“otso8 : Mga parekoy, kakaumpisa ko lang ulit dito eh,tagal kong nagbakasyon,pede rin ba ko sumali sa alliance nyo”

“astroboy12 : sige sige tol, request ka na lang mas marami tayo mas ok, para tayo maging top alliance”

“racer19 : oo nga pare, sali ka na rin sa kanila, para sama-sama tayo dun. ako parang back to zero nga din eh, nalusob kasi ako kagabi”

“otso8 : ayus pre salamat, san ka ba kayo dito sa pinas, Laguna ako eh, pero dito ko Sampaloc nagboboard”

“astroboy12 : ah dubai ako now pards, dito ko nagtatrabaho pero taga Batangas talaga kame”

“racer19 : ako naman Quezon city tsong, houseboy, pero taga Pangasinan talaga ko”

“otso8 : ah OFW ka pala astroboy12, astig ah, sige pards hintayin ko nalang ma-accept sa alliance nyo. salamat ulit. salamat din pareng racer19″

Pagkatapos ng usapan ay nagpatuloy sa paglalaro ang 3. Pagkatapos nang isang oras ay tumayo na si Puroy at nagbayad at pagdaka’y umuwi na sa bahay na kanyang pinamamasukan. Si Ian naman ay inabot nang 2 oras sa paglalaro dahil nga naguumpisa muli siya. Samantalang si Eman naman dahil may sariling internet ito sa bahay ay tuloy tuloy lang ang laro.

…Itutuloy…

<<The Parekoys Online – Ang Simula

The Parekoys Online – Ang Simula

You can count on me like 1-2-3, I’ll be there and I know when I need it, I can count on you like 4-3-2, and you’ll be there ’cause that’s what friends are supposed to do…..yan ang kantang pumailanglang sa kapaligiran habang magkakaakbay at nakaupo ang 3 sa gilid ng isang puntod sa sementeryo.

———————————————

Alas sais ng lunes nang umaga, kasunod nang pagtunog ng alarm clock ay ang pag-gising ni Ian sabay pindot sa alarm clock at naginat-inat.

“Ahhhh, lunes na naman, hayy kelangan na naman pumasok”

Bumangon ito sa kama at kinuha ang tuwalya sabay diretso sa banyo para maligo. Pagkatapos magbihis ay dumiretso na sya patungo sa kanilang opisina.

Yan ang normal na buhay ni Ian sa araw-araw. Isa syang probinsyanong napadpad sa Maynila upang maghanap buhay. Isang tipikal na binata na hindi naman kagwapuhan pero may appeal din naman sa mga kababaihan dahil sa kwela niyang pagkatao.

———————————————

“Puroy pagkatapos mo magluto pakibili nga itong nasa listahan dun sa grocery ah”

“Opo ate sige po iwan nyo nalang po dyan yung listahan”

Ito naman ang pang-araw araw na buhay ni Puroy. Nagtatrabaho siya bilang isang houseboy sa isang may kayang pamilya sa Maynila. Taga probinsya din si Puroy ngunit dahil sa mahirap lamang ang kanilang pamilya, naisipan niyang sumama sa kanyang tiyahin na namamasukan bilang kasambahay upang makaipon sya at balang araw ay maipagpatuloy ang pangarap na makapagkolehiyo. Isang tipikal na kabataan si Puroy, mabarkada at masayahin kaya kinagiliwan na rin sya ng kanyang mga amo.

———————————————

Samantala, sa kabilang panig ng mundo…

“Hello hon, eto papasok na ko sa office musta na dyan sa Pinas, ako ok naman dito, miss na miss na kita. Love you hon. Ingat ka lagi dyan ah, Sige na sige na bye hon, love you.”

Pagkababa nang celphone ay sumakay na sa bus si Eman para pumasok sa kanilang opisina. Isang architect si Eman sa isang construction firm sa Dubai. Isang mapagmahal na anak at kapatid at isang sweet at responsableng kasintahan sa kanyang babes na si Angela.

———————————————

Sa kabila nang pagkakaiba sa buhay nang tatlo, isang bagay naman ang nag-uugnay sa kanila at yun ay ang hilig sa online gaming. Katulad ng ibang mga kabataan ngayon, pare-pareho nilang kinahihiligan ang paglalaro ng mga online games kung saan nahahasa ang kanilang thinking skills at pagiging team player.

…Itutuloy…

                                                                                               >>The Parekoys Online – 2

PSP

“Ryan…gising na anak, may pasok ka pa. Nakahanda na ang almusal, bangon na dyan”

Ganito ang pangkaraniwang araw sa buhay nang mag-inang Ryan at Remy. Nag-iisang anak si Ryan nina Aling Remy at Mang Ramon. Ngunit noong dalawang taong gulang pa lamang si Ryan ay iniwan na sila nito at sumamasa na sa ibang babae. Dahil duon napilitan si Aling Remy na kumayod para maitaguyod ang nag-iisang anak. At dahil din dun ay sinisikap niya na maibigay ang lahat ng naisin nito.

Nagtatrabaho bilang tindera ng isda sa palengke si Aling Remy at ito ang kanyang pinangbubuhay sa kanilang mag-ina. Dahil sa kagustuhan niya na mabigyan ng magandang buhay si Ryan, sa pribadong eskwelahan nya ito pinag-aral, ngunit dahil dun ay nakasanayan ni Ryan na makipagsabayan sa mga kaklase nya na nakakaangat sa buhay. Gusto niya na kung anong meron ang mga kaklase ay magkaroon din siya; palagi siyang nakikisabay sa mga uso na nakikita niya sa eskwelahan at ibang mga kabataan.

Isang hapon pagkalabas sa eskwelahan dumaan si Ryan sa palangke. Nadatanan niya ang ina na kausap si Aling Glenda (ang kaibigan ng kanyang ina sa palengke).

“Nay sasali ako sa basketball team sa eskwelahan namen penge nman pambili ng bagong rubber shoes”.

“Magkano ba anak ang kelangan mo, medyo mahina kasi ang kita ngayon eh? Baka pedeng yung lumang sapatos mo na lang ang gamitin mo o di kaya bibilhan nalang kita sa Divisoria” ang sabi ng ina.

“Nay naman, ayoko na nun luma na yun eh tsaka may butas na. Tsaka ano na lang sasabihin nina Carl at Miguel. Sa kanila bagong sapatos tapos saken galing Divisoria. Bigyan nyo na lang ako ng pera, ako na bahala bumili, sasamahan ako nina Carl at Miguel sa mall na bibilhan nila.”

Nagkatinginan na lamang sina Aling Remy at Aling Glenda.

“O sya anak eto ang dalawang libo kasya na siguro yan para sa rubber shoes mo.”

“Naku salamat nay, ang bait mo talaga. Uwi na po ako saten ah.”

Pagkatapos ay umuwi na si Ryan sa kanilang bahay. Samantalang nilapitan naman ni Aling Glenda si Aling Remy.

“Naku Mareng Remy, ikaw talaga kinunsinte mo na naman yang anak mo. Kung ako sayo di ko yun bibigyan eh. Eto at nagkakanda kuba ka na sa pagtitinda ng isda eh puro luho lang ang alam nyan.” sambit ni Aling Glenda

“Hayaan mo na mare, simula kasi nang iwan kame ng tatay nya, pinangako ko sa sarili ko na ibibigay ko sa kanya ang lahat para naman hindi nya isipin na hindi ko sya kayang buhayin.”

“Hayyy ikaw ang bahala basta sinasabi ko lang sayo, masama ang masyadong iniispoil ang anak.”

Pag-uwi ni Aling Remy sa bahay ay nadatnan nya ang anak na naghahain ng hapunan.

“Nay kain na po tayo, pinirito ko na lang po ung tilapia na nasa ref.”

“Sige anak magbibihis lang ako at sabay na tayong kakain.”

- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -

Kinabukasan ay nagpaalam si Ryan sa nanay para bumili nang sapatos para sa basketball team.

“Nay alis muna ko ah, bibili na kame nina Carl at Miguel ng sapatos namen para sa basketball.”

“O sige anak wag kang magpapagabi ah.”

Unang pinuntahan ni Ryan ang bahay nina Miguel at pagkatapos ay sabay silang nagtungo kina Carl. Pagkatapos nito ay dumiretso na sila sa mall. Pagdating sa mall ay agad silang bumili ng kanilang nagustuhang sapatos at pagkatapos makabili ay tumungo ang magkakaibigan sa tindahan ng mga gadyets. Kasabay pala ng pagbili nila ng rubber shoes ay bibili rin ng PSP sina Carl at Miguel. Sa tindahan ng PSP ay panay ang tingin at pili ng dalawa habang nakamata lamang si Ryan. Pagkalipas ng ilang minuto ay nakapili na sila, PSP na kulay itim ang napili ni Carl samantalang kulay asul naman ang kay Miguel. Tuwang tuwa ang mga ito sa bago nilang laruan samantalang si Ryan naman ay ngumuti na lamang ngunit sa loob-loob nya ay nakaramdam ito ng inggit dahil gusto rin sana niyang magkaroon ng ganun.

“Tol ang ganda ano”, sabi ni Carl kay Ryan. “Hindi ka ba bibili para tatlo tayong meron. Bili ka na rin.”

“Ah eh, sige sasabihin ko sa nanay ko, samahan nyo ko pag bili ko ah.” tugon naman ni Ryan.

“Oo ba.” sabay na sagot nina Carl at Miguel

Pagkadaka’y kumain muna ang tatlo sa isang fastfood at umuwi na rin sa kani-kanilang bahay. Tuwang-tuwang pumasok si Ryan sa bahay at nadatnan nya ang inang naghahain.

“Nay eto ung nabili ko na uniporme oh ang ganda diba. Salamat Nay ah.”

“Naku anak ang ganda nga, sige ilagay mo muna yan sa kwarto at tayo’y kakain na.”

Pagkapasok ni Ryan sa kwarto upang ilagay ang pinamili ay biglang may kumalabog sa my kusina. Nabitawan pala ni Aling Remy ang baso na kanyang hawak. Dali daling lumabas si Ryan ng kwarto upang tignan kung anong nangyari. Nakita nya ang basag na baso habang ang ina nya ay nakakapit sa mesa at nakahawak ang kanang kamay sa kanyang noo. Agad tinanong ng anak ang ina.

“Nay ano pong nangyari. may nararamdaman po ba kayong masama.”

“Wala to anak nahilo lang ako, wag mo akong alalahanin, sige na maupo ka na at kakain na tayo, wawalisin ko lang itong mga bubog.”

Lingid sa kaalaman ni Ryan ay may sakit ang kanyang ina. Hindi ito sinasabi ni Aling Remy sa anak dahil ayaw niya itong mag-alala. Tanging si Aling Glenda lamang ang napagsabihan nya tungkol sa kanyang kondisyon.

- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -

Kinabukasan sa eskwelahan, habang nagre-recess ang magkakaibigan, ay naglalaro ng PSP sina Carl at Miguel. Tuwang tuwa ang dalawa habang si Ryan naman ay nakamasid lamang at nagkakasya na sa paghiram nang saglit kapag napagod na ang sino man sa dalawa niyang kaibigan. Ilang araw din na ganito ang gawi ng tatlo tuwing recess. Pinagkukwentuhan din nila kung anong mga bagong laro ang uso na dapat nilang malaro sa PSP nila. Dahil dito lalong umigting ang pagnanais ni Ryan na magkaroon din ng PSP. Sa gayung paraan hindi na sya malilimitahan sa panonood at panghihiram na lamang sa kanyang mga kaibigan. Kaya sa paguwi niya sa kanilang bahay ay agad nya itong ibunungad sa kanyang ina.

“Nay ang ganda ng bagong PSP nina Carl at Miguel, gusto ko rin bumili nun. Lagi na lang kasi akong nakapanood lamang sa kanila eh”

“Anak mahal yata un diba, hindi naten kaya. Alam mo nman tindera lang ako ng isda sa palengke. Tsaka mas maraming mahalagang bagay ang dapat isipin mo kesa sa laruan na yan.”

“Pero nay, di na ko nakakasabay sa mga kaibigan ko, kawawa naman ako, ako lang ang walang PSP.”

“Anak……” yun na lamang ang huling nasambit ni Aling Remy kasabay nang pag-alis ni Ryan at papasok sa kanyang kwarto.

Sa pagpasok niya sa kanyang kwarto ay padabog nitong sinara ang pintuan.

Samantala pagkatapos magligpit ng ina ay bahagya nitong sinilip ang anak at nakita nitong nakatakip ito ng unan sa kanyang ulo. Kinabukasan ay nakasimangot pa rin si Ryan at padabog pa rin itong kumilos sa bahay hanggang makapasok. Sa eskwelahan napansin nina Carl at Miguel na masama ang araw si Ryan.

“Bakit masama yata ang gising mo pre”..tanong ni Miguel

“Yung nanay ko kasi eh, ayaw akong bilhan ng PSP eh. Kesyo hindi nman daw yan importante.”

“Naku pilitin mo sya tol di ka in pag wala ka nito.” sulsol naman ni Carl.

Dahil sa mga sulsol ng kaibigan lalong nag-apoy ang kagustuhan ni Ryan na makabili ng PSP. Kaya pagkalabas ng eskwelahan dumiretso agad si Ryan sa palengke para muling igiit sa ina na bilhan siya ng laruang gusto. Pagdating sa palengke naabutan nyang nagbebenta ng isda ang ina. At pagkatapos maibigay ang isdang binili ng kostumer agad lumapit si Ryan s nanay.

“Nay sige na bilhan mo na ko ng PSP, nahuhuli na ko sa uso eh, sige na po.”

“Ryan diba sinabi ko naman sayo na wala tayong ganung pera, mahina ang kita ngayon eh. Yaan mo pag sinuwerte tayo baka sakali maibili kita pero hindi pa ngayon.”

“Nay naman eh ngayon ko na kelangan eh, NGAYON…” sabay takbo pauwi sa bahay

“Ryan…Ryan…” yun na lamang ang nasambit ng nanay habang tumatakbo papalayo ang anak.

“Yan na nga ba ang sinsabi ko sayo mare eh, inispoil mo kasi yang anak mo tignan mo ngayon kung makapagdabog akala mo anak ng mayaman” sambit ni Aling Glenda

“Mareng Glenda kung ibigay ko kaya kay Ryan ung naipon kong pera na pampaopera ko, para mabili na nya ung laruan na yun.”

“Ano ka ba Remy, nasisiraan ka na ba, inipon mo un para sa operasyon mo. Wag mong pansinin yang anak mo titigil din yan.”

- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -

Pagdating ni Ryan sa bahay, hindi ito mapakali dahil gustong gusto na talaga nitong makabili ng PSP. Labas pasok siya sa kwarto at iniisip kung paano sya makakakuha ng pera na pambili ng laruang gusto. Bigla nitong naisip na pumasok sa kwarto ng ina. Duon hinalughog nya ang damitan ng nanay sa pagbabakasakaling may makikita syang pera. Nang wala siyang nakita tinignan naman nito ang ilalim ng kama. Dito may nakita syang nakalitaw na sobre. Hinugot niya ang sobre at pagbukas nya ay tumambad ang pera. Tuwang tuwa si Ryan dahil may pambili na sya ng pangarap niyang PSP.

Kinabukasan, Sabado, nagpaalam si Ryan sa ina na pupunta lamang sa mga kaibigan. Pagdating sa bahay nina Carl ay andun na rin si Miguel.

“Mga pare tara samahan nyo ko, may pambili na ko ng PSP.” bulalas ni Ryan

“Oh san mo yan kinuha tol.” tanong ni Carl

“Si nanay kasi maraming benta kahapon, tara na wag na kayo maraming tanong.”

Pagdating sa mall ay agad silang pumunta sa bilihan ng mga gadyets. Duon ay pinili agad ni Ryan ang PSP na kulay itim. Subalit dahil itim na ang PSP ni Carl ay pumili nalang ito ng ibang kulay para hindi sila magkapareho. Dahil dun kulay puti na lamang ang kinuha nito. Pagkatapos nila bumili ay umuwi na sila at tumambay sa bahay nina Carl. Duon ay masayang masaya ang tatlo dahil pare-pareho na silang may PSP, at hindi na lamang nakamasid si Ryan. Inabot ng alas otso ang tatlo, at dahil gumagabi na ay nag-aya nang umuwi si Miguel.

Paguwi ni Ryan sa bahay nila ay naabutan nito ang ina na nakaupo sa sala at nanonood ng tv.

“Oh nak ginabi ka yata, kanina pa kita hinihitay para maghapunan.”

“Napatambay lang po kina Carl. Tara nay kain na tayo.”

Pagtayo ni Aling Remy ay nakita nito ang hawak na PSP ni Ryan. Tinanong agad nito ang anak kung saan niya nakuha iyon at sinagot naman ng anak na

“Kay Carl po ito nay, pinahiram lang sa akin”

Magkasabay na kumain ang mag-ina at pagkatapos ay natulog na sila.

- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -

Kinabukasan sa eskwelahan ay panay ang pagyayabang ni Ryan sa bago niyang laruan. Todo ang tawanan ng tatlong magkakaibigan habang naglalaro.

Samantala sa kanilang bahay naman ay biglang natumba si Aling Remy. Buti na lang sakto naman ang pagdating ni Aling Glenda dahil magsasabi sana ito na bantayan muna ni Aling Remy ang pwesto nito sa palengke. Tawag ito nang tawag ngunit walang sumasagot kaya pumasok na lamang ito dahil bukas naman ang pintuan. Tumambad sa kanya ang nakahigang Remy sa sahig ng kanilang kusina. Agad nya itong nilapit at sinubukang gisingin.

“Mare..Mare…gising, anong nangyari sayo.”

Nang hindi magising si Aling Remy ay daglian siyang tumawag nang kapitbahay para tulungan siyang dalhin ito sa ospital. Mabuti na lamang at nakaabang sa may kanto ang tricycle ni Mang Luis kaya naisakay agad sila at agad na nadala sa pagamutan.

Sa ospital na nagising si Aling Remy habang nakasakay siya sa strecher at dadalhin sa emergency room. Tinanong niya si Aling Glenda kung nasaan sya. Sumagot naman ito at sinabing isigunod siya sa ospital dahil nakita niyang itong walang malay sa kanilang bahay. Pagkatapos suriin ng doctor inabisuhan nito sina Aling Remy at Aling Glenda na kailangan na niyang maoperahan sa lalong madaling panahon para maalis ang bukol sa kanyang obaryo.

Samantala pauwi na si Ryan sa kanilang bahay nang makasalubong ito ni Gary.

“Ryan, ung nanay mo sinugod sa ospital, natagpuan kasi ni Aling Glenda na walang malay sa bahay nyo.”

Pagkatapos niya marinig ang balita ay agad na dumiretso si Ryan sa ospital para alamin ang kalagayan ng ina. Pagdating niya sa ospital nadatnan nya ang nakahigang ina katabi si Aling Glenda. Agad niyang nilapitan ang nanay at kinamusta. Sa gitna ng kumustahan ng mag-ina binanggit ni Aling Glenda kay Ryan ang pangangailangan na dagliang maoperahan ang ina. Dahil dito ay inutusan ni Aling Remy si Ryan na umuwi sa kanilang bahay para kunin yung pera na inipon niya sa ilalim nang kanyang kama. Dahil sa narinig ay biglang nanlamig si Ryan. Yung pera na kinuha niya at pinambili ng PSP ay inipon pala ng kanyang nanay upang pampagamot. Sumandali siyang natigilan at tila natulala habang nakatayo sa tabi ng ina. Nakadalawang ulit syang tinawag ng ina at nang tila nahimasmasan na ito ay lumabas na ng kwarto ng ospital at tumungo sa kanilang bahay. Dahil sa narinig tuliro siyang umuwi, hindi niya alam kung anong gagawin dahil wala na ang pera na inaasahan ng ina para sa operasyon nito. Pera na mitsa ng kaligtasan at paggaling ng kanyang ina, na naglaho na dahil sa kagustuhan niyang makabili ng PSP noon.

Paikot ikot sa bahay si Ryan at nagiisip kung anong gagawin. Labas pasok siya sa kanyang kwarto at aligaga kung anong paraan ang kanyang gagawin upang makahanap ng pera. Bigla siyang mapatingin sa PSP na nakapatong sa mesa. Tinitigan nya ito, at sa pagkakatitig nagtatalo ang isip nya kung ibebenta ba niya ito para may pampagamot ang ina o gagawa sya ng ibang paraan. Gustong gusto nya ang laruan na iyon, dahil dun eh nakakasabay sya sa mga kaibigan nya, ngunit sa kabilang banda ay kailangan naman ng pera ng kanyang ina.

“Hindi, hindi kita ibebenta. Maghahanap ako ng ibang paraan para makakuha ng pera pero hindi kita ibebenta” ang sambit nya sa sarili habang hawak at nakatitig sa kanyang PSP.

Dahil ayaw nyang pakawalan ang kanyang laruan, naisip nalang niyang lumapit sa kanyang mga barkada at magbakasakaling makautang para sa operasyon ng ina. Una niyang nilapitan si Carl ngunit hindi sya natulungan nito. Sunod naman niyang nilapitan si Miguel ngunit malamig na hindi rin ang kanyang nakamit, kaya bumalik siya sa bahay nila nang sawi. Hindi na niya alam ang gagawin at hindi rin niya alam ang sasabihin sa ina pagpumunta siya sa ospital na walang dalang pera. Sa kawalan ng ibang paraang maisip, kinuha nya ang PSP, tinitigan at tumungo sya sa pinakamalapit na sanglaan.

“Alam mong mahalaga ka sa’kin, pero mas mahalaga ngayon ang buhay nang nanay ko”

Hindi man kasing halaga ng ipon ng ina ang pera na kanyang nakuha kapalit ng pagsangla nya sa PSP, ang mahalaga ay may pera siyang madadala sa ospital para maumpisahan na ang operasyon ng kanyang nanay.

Pagkatapos magsangla ay dali dali na itong tumungo sa ospital. Natutulog ang ina nang dumating si Ryan. Lumapit sya sa kama nito at hinawakan ang kamay.

“Nay patawarin nyo po ako. Hindi ko sinasadya”

Bahagyang nagising si Aling Remy at iniangat ang ulo ng anak.

“Bakit anak ano bang nagawa mo at humihingi ka nang tawad”

“Yung pera po kasi na inipon nyo, kinuha ko po sa ilalim nang kama nyo nung isang araw at pinambili ko ng PSP. Hindi po totoo ung sinabi ko na hiram ko lang yun kay Carl. Patawad po”

Habang naluluha ang ina…

“Bakit mo ginawa yun anak, binibigay ko naman lahat ng gusto mo, bakit mo ako nagawang pagnakawan. Diba sinabi ko naman sayo kapag nakaluwag tayo baka sakali ay mabili natin yun. Napakahalaga ba talga sayo na maki-uso ka dyan sa mga barkada mo?”

“Tandaan mo Ryan, hindi masamang makiuso pero dapat ay binabatay sa kakayahan. Dapat mong tandaan na dapat tayong makuntento sa kung anong meron ka at wag kang maghangad ng mga bagay na hindi naman naten kaya.”

Iyak nang iyak si Ryan habang sinasabi iyon ng ina, sabay yakap at hingi muli ng tawad. Pagkatapos ay inabot na niya ang pera na pinagsanglaan ng PSP.

“Nay eto po ang pera, sinangla ko na po ung PSP. Hindi man po yan kasing halaga nung inipon nyo, ang mahalaga ay may maibigay tayo sa doktor para maumpisahan na ang operasyon ninyo.”

At nagyakapan ng mahigpit ang mag-ina. Pagkatapos ay dumating na ang doktor upang dalhin si Aling Remy sa operation room. Sa labas nito ay nakabantay naman si Ryan kasama si Aling Glenda. Dasal nang dasal si Ryan habang nasa loob ang ina.

“Lord, iligats nyo po ang nanay ko. Alam kong mali yung nagawa ko, kaya bigyan nyo pa po ako nang isang pagkakataon na makabawi sa kanya. Pakiusap po.”

Makalipas ang 4 na oras ay natapos na rin ang operasyon. Paglabas ng doktor ay agad kinamusta ni Ryan ang lagay ng kanyang nanay. Ayon sa doktor ay maayos naman ang lagay nito at natanggal na ang bukol sa kanyang obaryo. Nakahinga nang maluwag si Ryan matapos itong marinig, at bahagya siyang napatingin sa taas habang nakangiti na nagpapahiwatig ng pagpapasalamat sa Panginoon.

Makalipas ang ilang araw ay lumabas na rin sa ospital si Aling Remy. Ang kakulangang pera sa operasyon ay pinunan muna ni Aling Glenda at sa ibang kasamahan nila sa palengke. Habang palabas ng gate ng ospital ang mag-ina ay niyakap ito ni Ryan at sinabing

“Nay simula ngayon ibang PSP na ang aking ipapakita sayo, PURONG SERBISYO at PAGMAMAHAL

Dahil sa narinig, niyakap ni Aling Remy si Ryan at hinalikan sa ulo. At tuloy-tuloy na silang umuwi sa kanilang bahay.

- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -

Para sa mga kabataaan lalo na sa panahon ngayon, napakahirap talagang tanggihan ang presyur ng barkada. Kung anong uso at in ay parang nagiging batas sa kanila na dapat sundin. Dahil dito marami ang nakagagawa ng mga bagay na kanilang ikinasasama masunod lamang ang idinidikta nang kapaligirang kanilang ginagalawan. Tulad ni Ryan, dahil sa kagustuhan niyang makasabay sa trip nang kanyang mga barkda ay nagawan niya nang kasalanan ang kanyang ina. Ngunit sa ano mang pagkakamali ang pinakamahalaga ay ang pagtanggap, pag-amin at pagwawasto sa kamaliang nagawa. Sabi nga nila wala namang taong perpekto at lahat tayo ay may posibilidad na magkamali, ngunit ang mahalaga sa bawat pagkakamali na ating nagawa ay ang kasunod na pagtatama.


Kalahok para sa kategoryang Maikling Kwento sa Saranggola Blog Awards 2011

———————————————————————————————————————–

*Ang akdang ito ay nagkamit ng ika-4 na karangalan sa Saranggola Blog Awards 2011