Malungkot na Araw

Itong buong linggo bumalandra sa ating mga mata ang mga balitang patayan at krimen. Kabi-kabilang balita mula sa mga premier newscast ng mga broadcasting stations ang may patungkol sa mga malalagim at malulungkot na pagkamatay. Andyan ang pagkamatay ng mga sundalong nakikipaglaban para sa kapayapaan sa Mindanao. Hindi ba nakakalungkot isipin na dahil sa kanilang kagustuhan na mabigyan ng kapayapaan ang ating mga kababayan sa pinakatimog na bahagi ng ating bansa ay kakailanganin naman nilang gumamit ng armas at makipagbarilan, na ang kinahantungan ay kanilang kamatayan.

Isa rin sa pumukaw ng ating kamalayan ay ang kabikabilang pagpapakamatay at pagpatay sa mga sariling pamilya. Kung ating susuriin anong lipunan ba meron na tayo ngayon at nagreresulta na sa pagpapakamatay ang mga tao. Maaring sarili nila itong desisyon ngunit hindi maiaalis na hanapan natin ito ng kaugnayan sa kalagayan ng kanilang pamumuhay. Nakakalungkot lamang na kinailangan pa nila tapusin ang kanilang buhay dahil lamang sa hindi nila nakayanang problema.

Isa pa sa mga balita ay ang pagkamatay ng Libyan Leader na si Moammar Gaddafi. Ikinatuwa man o ipinagbunyi ito ng nakakarami pero hindi rin naman natin maiaalis ang kalungkutan sa pamilya at mga tagsuporta nitong naiwan. Ano pa man ang ating sabihin tungkol sa kaniyang nagawang masasama, sa mata ng kanyang kaanak, pamilya at mga tagasuporta ay kalungkutan dahil isa itong kawalan para sa kanila.

Ngunit naisulat ko itong post na ito hindi dahil sa mga malulungkot na balitang yan, ngunit dahil sa malungkot na pangyayari ngayon hapon. NADELETE ko ang buong inbox ko dahil sa katangahan.hehehe. Dahil sa pagmamadali sa paggamit ng celphone at sa bilis ng daliri sa pagpindot, ang SENTBOX na dapat i-dedelete dahil puno na ang memory ay INBOX pala. Habang nadedelete ang mga messages bigla kong naalala na may recycle bin ang aking phone kaya bahagya akong nabuhayan ng pag-asa. Ngunit anong saklap nang puntahan ko na ang recycle bin para i-restore ang mga nabura na 10% or 50 messages lang pala ang nakakayang isalba ng recycle bin. Dahil dun tuluyan nang nalugmok ang aking diwa sa lungkot. Wala na ang mga mensaheng matagal na iningatan at wala na rin paraan para sila’y muling masilayan.

Hindi ba napakalungkot isipin na ang mga bagay na ating iningatan ay ganun-ganun na lamang mawawala. Na yung mga bagay na pinaglaanan natin ng pagiingat at pagpapahalaga ay tuluyan nang maglalaho. Sa kahit anong bagay maliit man or malaki, ang pagkawala at paglisan at isang bagay na talaga namang nakakalungkot, lalo na kung ang mga bagay na yun ay minsang nagpasaya at nagpangiti sa atin. Maliit na bagay nga siguro ang isang text message ngunit ang mga alaala na nakapaloob sa simpleng mensahe na iyon ay walang kapalit. Mga mensaheng iningatan at inalagaan sa paglipas ng panahon na siyang dahilan ng mga ngiti noon.

Kaya sa susunod dapat hindi na tatanga-tanga. Basahin muna kung saang section ng phone napunta at huwag agad-agad gagamitin nang delete all, dahil ang katumbas nito’y mistulang hagulgol. hehehe. #LEARNED

———————————————————————————————————————-
“Mas masarap alalahanin ang mga alaala lalo na kung meron kang binabasa”