Karapatang Makapaglaro

Oh anong ligaya na tayo’y makakita
Mga batang nagtatakbuhan, duon sa may plasa
Animo’y walang pagod, sa kakalaro
Inaabot na nang gabi, sa pakikihalubilo

Ngunit hindi lahat ng bata, ay may pagkakataon
Na makipaglaro sa kapwa bata, sa lahat ng panahon
Dahil sa kahirapang dinadanas, ng mga Pilipino
Maraming bata ang sadlak, sa pagbabanat ng buto

Mga batang wala pang muwang, ay nagtatrabaho na
Upang makatulong sa kanilang pamilya
Imbes na sa palaruan ang kanilang puntahan
Sa bukid o bundok ng basura sila matatagpuan

Ano kayang naglalaro sa kanilang isipan
Tuwing makakakita sila ng mga batang, nagtatakbuhan
Panibugho o galit, dahil sa kanilang kalagayan
Na ni minsa’y di man lang, nakahawak nang laruan

Imbes na robot at manika ang kanilang libangan
Kariton at basura, ang kanilang tangan-tangan
Dahil sa karukhaan na kanilang kinasadlakan
Wala silang magawa kundi magtiis na lamang

Ngunit ako’y umaasa na darating rin
Ang panahong mga batang ito’y maglalaro din
Hahawak ng laruan, at sa plasa’y magtatakbuhan
Uuwi nang bahay, na puno ng kasiyahan

Pangarap na laruan ay kanilang makukuha
Maraming oras sa paglalaro, ang matatamasa
Karapatang makapaglaro sana’y maisakatuparan
Sa tanong na kung kelan, basta kumapit ka lamang

————————————————————————————————————–
Ang tula na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 2011

Huling Pisi

Isang pagtitipong puno ng kasiyahan ramdam ang tuwa ng mga batang nagiindakan. Kislap sa mata ay banaag sa nagdiriwang. Isang pagkakataon ng masayang pagtitipon nang mga kaibigan at katropang sapol. Sa muling pagkikita hatid ay ligaya masayang okasyon ng muling pagsasama.

Subalit di inakala na siya rin ang araw na ang nananahik na damdamin ay biglang mapupukaw. Animo’y bulkang natutulog na biglang nagising at pagdaka’y napuno ng bagang dahilan ng pagsabog na maigting.

Dagundong ng kulog na ako lang ang nakakarinig. Maingay ng langsanga’y nagmistulang tahimik. Biglang naalala ang linya ng kanta, na ang salitang may apat na letra ay lintik kung tumama nga pala.

Sa pagtahak sa daan patungo sa tahanan, animo’y alimpuyo ng malamig na hangin ang sa akin ay humampas. Binalot ng lamig ang buong katawan sabay daloy nang tubig mula sa durungawan ng kaluluwa.

Di mapigilan ang pagpatak ng ulan, sinasabayan pa nang makabagbag damdaming musika. Minamasdan ang mga taong nagbababa’t sakay, sabay tanaw sa kawalang kay dilim ng kulay. Kaisipan ay naglalakbay pabalik sa nakaraan, walang paliwanag sa nangyayari sa kasalukuyan. Sa pag-iisang naranasan sambit ng panalangin na lamang ang kinapitan.

Sa pagpasok sa silid ibinagsak ang katawan, pagod na isipan gusto nang katahimikan. Taimtim na dalangin muling inusal laman ay panaghoy sa hilahil na dinanas. Sa gabing iyon ay napagtanto kailangan nang palayain ang puso. Kailangan nang bumitaw sa pinanghahawakan dahil NAPIGTAL na ang PISING KINAKAPITAN.

Biglang Gising

Nagulantang sa isang maingay na umaga
Inuulinigan kung saan nagmumula
Boses ng babae at lalaking nagsisigawan
Kasabay ng kalabog sa buong kabahayan

Singhal ng lalaki’y galit na akusa
Sa diumano’y kasalanan ng kanyang asawa
Panaghoy at pagtangis ang tugon ng Eba
Nagsusumamong pakinggan ang kanyang apela

Di alintana ang palahaw ng anak
Na di malaman kung may muwang sa nagaganap
Nakapinid na pintuan at bintanang walang siwang
Ngunit sa lakas ng sigawan animoy kita ang laman

Pangamba at takot ang sa aki’y bumalot
Sa maaaring mangyari sa kanilang sigalot
Aawat ba ako o tatawag ng tulong
Ngunit nag-aalinlangang mapagbalingan ng sumpong

Matamang nakinig at nagobserba
Sabay bukas sa telebisyon upang mag-iba ang timpla
Biglang natahimik at nawala ang ingay
Natapos na pala ang kanilang away