PSP

“Ryan…gising na anak, may pasok ka pa. Nakahanda na ang almusal, bangon na dyan”

Ganito ang pangkaraniwang araw sa buhay nang mag-inang Ryan at Remy. Nag-iisang anak si Ryan nina Aling Remy at Mang Ramon. Ngunit noong dalawang taong gulang pa lamang si Ryan ay iniwan na sila nito at sumamasa na sa ibang babae. Dahil duon napilitan si Aling Remy na kumayod para maitaguyod ang nag-iisang anak. At dahil din dun ay sinisikap niya na maibigay ang lahat ng naisin nito.

Nagtatrabaho bilang tindera ng isda sa palengke si Aling Remy at ito ang kanyang pinangbubuhay sa kanilang mag-ina. Dahil sa kagustuhan niya na mabigyan ng magandang buhay si Ryan, sa pribadong eskwelahan nya ito pinag-aral, ngunit dahil dun ay nakasanayan ni Ryan na makipagsabayan sa mga kaklase nya na nakakaangat sa buhay. Gusto niya na kung anong meron ang mga kaklase ay magkaroon din siya; palagi siyang nakikisabay sa mga uso na nakikita niya sa eskwelahan at ibang mga kabataan.

Isang hapon pagkalabas sa eskwelahan dumaan si Ryan sa palangke. Nadatanan niya ang ina na kausap si Aling Glenda (ang kaibigan ng kanyang ina sa palengke).

“Nay sasali ako sa basketball team sa eskwelahan namen penge nman pambili ng bagong rubber shoes”.

“Magkano ba anak ang kelangan mo, medyo mahina kasi ang kita ngayon eh? Baka pedeng yung lumang sapatos mo na lang ang gamitin mo o di kaya bibilhan nalang kita sa Divisoria” ang sabi ng ina.

“Nay naman, ayoko na nun luma na yun eh tsaka may butas na. Tsaka ano na lang sasabihin nina Carl at Miguel. Sa kanila bagong sapatos tapos saken galing Divisoria. Bigyan nyo na lang ako ng pera, ako na bahala bumili, sasamahan ako nina Carl at Miguel sa mall na bibilhan nila.”

Nagkatinginan na lamang sina Aling Remy at Aling Glenda.

“O sya anak eto ang dalawang libo kasya na siguro yan para sa rubber shoes mo.”

“Naku salamat nay, ang bait mo talaga. Uwi na po ako saten ah.”

Pagkatapos ay umuwi na si Ryan sa kanilang bahay. Samantalang nilapitan naman ni Aling Glenda si Aling Remy.

“Naku Mareng Remy, ikaw talaga kinunsinte mo na naman yang anak mo. Kung ako sayo di ko yun bibigyan eh. Eto at nagkakanda kuba ka na sa pagtitinda ng isda eh puro luho lang ang alam nyan.” sambit ni Aling Glenda

“Hayaan mo na mare, simula kasi nang iwan kame ng tatay nya, pinangako ko sa sarili ko na ibibigay ko sa kanya ang lahat para naman hindi nya isipin na hindi ko sya kayang buhayin.”

“Hayyy ikaw ang bahala basta sinasabi ko lang sayo, masama ang masyadong iniispoil ang anak.”

Pag-uwi ni Aling Remy sa bahay ay nadatnan nya ang anak na naghahain ng hapunan.

“Nay kain na po tayo, pinirito ko na lang po ung tilapia na nasa ref.”

“Sige anak magbibihis lang ako at sabay na tayong kakain.”

– – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – –

Kinabukasan ay nagpaalam si Ryan sa nanay para bumili nang sapatos para sa basketball team.

“Nay alis muna ko ah, bibili na kame nina Carl at Miguel ng sapatos namen para sa basketball.”

“O sige anak wag kang magpapagabi ah.”

Unang pinuntahan ni Ryan ang bahay nina Miguel at pagkatapos ay sabay silang nagtungo kina Carl. Pagkatapos nito ay dumiretso na sila sa mall. Pagdating sa mall ay agad silang bumili ng kanilang nagustuhang sapatos at pagkatapos makabili ay tumungo ang magkakaibigan sa tindahan ng mga gadyets. Kasabay pala ng pagbili nila ng rubber shoes ay bibili rin ng PSP sina Carl at Miguel. Sa tindahan ng PSP ay panay ang tingin at pili ng dalawa habang nakamata lamang si Ryan. Pagkalipas ng ilang minuto ay nakapili na sila, PSP na kulay itim ang napili ni Carl samantalang kulay asul naman ang kay Miguel. Tuwang tuwa ang mga ito sa bago nilang laruan samantalang si Ryan naman ay ngumuti na lamang ngunit sa loob-loob nya ay nakaramdam ito ng inggit dahil gusto rin sana niyang magkaroon ng ganun.

“Tol ang ganda ano”, sabi ni Carl kay Ryan. “Hindi ka ba bibili para tatlo tayong meron. Bili ka na rin.”

“Ah eh, sige sasabihin ko sa nanay ko, samahan nyo ko pag bili ko ah.” tugon naman ni Ryan.

“Oo ba.” sabay na sagot nina Carl at Miguel

Pagkadaka’y kumain muna ang tatlo sa isang fastfood at umuwi na rin sa kani-kanilang bahay. Tuwang-tuwang pumasok si Ryan sa bahay at nadatnan nya ang inang naghahain.

“Nay eto ung nabili ko na uniporme oh ang ganda diba. Salamat Nay ah.”

“Naku anak ang ganda nga, sige ilagay mo muna yan sa kwarto at tayo’y kakain na.”

Pagkapasok ni Ryan sa kwarto upang ilagay ang pinamili ay biglang may kumalabog sa my kusina. Nabitawan pala ni Aling Remy ang baso na kanyang hawak. Dali daling lumabas si Ryan ng kwarto upang tignan kung anong nangyari. Nakita nya ang basag na baso habang ang ina nya ay nakakapit sa mesa at nakahawak ang kanang kamay sa kanyang noo. Agad tinanong ng anak ang ina.

“Nay ano pong nangyari. may nararamdaman po ba kayong masama.”

“Wala to anak nahilo lang ako, wag mo akong alalahanin, sige na maupo ka na at kakain na tayo, wawalisin ko lang itong mga bubog.”

Lingid sa kaalaman ni Ryan ay may sakit ang kanyang ina. Hindi ito sinasabi ni Aling Remy sa anak dahil ayaw niya itong mag-alala. Tanging si Aling Glenda lamang ang napagsabihan nya tungkol sa kanyang kondisyon.

– – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – –

Kinabukasan sa eskwelahan, habang nagre-recess ang magkakaibigan, ay naglalaro ng PSP sina Carl at Miguel. Tuwang tuwa ang dalawa habang si Ryan naman ay nakamasid lamang at nagkakasya na sa paghiram nang saglit kapag napagod na ang sino man sa dalawa niyang kaibigan. Ilang araw din na ganito ang gawi ng tatlo tuwing recess. Pinagkukwentuhan din nila kung anong mga bagong laro ang uso na dapat nilang malaro sa PSP nila. Dahil dito lalong umigting ang pagnanais ni Ryan na magkaroon din ng PSP. Sa gayung paraan hindi na sya malilimitahan sa panonood at panghihiram na lamang sa kanyang mga kaibigan. Kaya sa paguwi niya sa kanilang bahay ay agad nya itong ibunungad sa kanyang ina.

“Nay ang ganda ng bagong PSP nina Carl at Miguel, gusto ko rin bumili nun. Lagi na lang kasi akong nakapanood lamang sa kanila eh”

“Anak mahal yata un diba, hindi naten kaya. Alam mo nman tindera lang ako ng isda sa palengke. Tsaka mas maraming mahalagang bagay ang dapat isipin mo kesa sa laruan na yan.”

“Pero nay, di na ko nakakasabay sa mga kaibigan ko, kawawa naman ako, ako lang ang walang PSP.”

“Anak……” yun na lamang ang huling nasambit ni Aling Remy kasabay nang pag-alis ni Ryan at papasok sa kanyang kwarto.

Sa pagpasok niya sa kanyang kwarto ay padabog nitong sinara ang pintuan.

Samantala pagkatapos magligpit ng ina ay bahagya nitong sinilip ang anak at nakita nitong nakatakip ito ng unan sa kanyang ulo. Kinabukasan ay nakasimangot pa rin si Ryan at padabog pa rin itong kumilos sa bahay hanggang makapasok. Sa eskwelahan napansin nina Carl at Miguel na masama ang araw si Ryan.

“Bakit masama yata ang gising mo pre”..tanong ni Miguel

“Yung nanay ko kasi eh, ayaw akong bilhan ng PSP eh. Kesyo hindi nman daw yan importante.”

“Naku pilitin mo sya tol di ka in pag wala ka nito.” sulsol naman ni Carl.

Dahil sa mga sulsol ng kaibigan lalong nag-apoy ang kagustuhan ni Ryan na makabili ng PSP. Kaya pagkalabas ng eskwelahan dumiretso agad si Ryan sa palengke para muling igiit sa ina na bilhan siya ng laruang gusto. Pagdating sa palengke naabutan nyang nagbebenta ng isda ang ina. At pagkatapos maibigay ang isdang binili ng kostumer agad lumapit si Ryan s nanay.

“Nay sige na bilhan mo na ko ng PSP, nahuhuli na ko sa uso eh, sige na po.”

“Ryan diba sinabi ko naman sayo na wala tayong ganung pera, mahina ang kita ngayon eh. Yaan mo pag sinuwerte tayo baka sakali maibili kita pero hindi pa ngayon.”

“Nay naman eh ngayon ko na kelangan eh, NGAYON…” sabay takbo pauwi sa bahay

“Ryan…Ryan…” yun na lamang ang nasambit ng nanay habang tumatakbo papalayo ang anak.

“Yan na nga ba ang sinsabi ko sayo mare eh, inispoil mo kasi yang anak mo tignan mo ngayon kung makapagdabog akala mo anak ng mayaman” sambit ni Aling Glenda

“Mareng Glenda kung ibigay ko kaya kay Ryan ung naipon kong pera na pampaopera ko, para mabili na nya ung laruan na yun.”

“Ano ka ba Remy, nasisiraan ka na ba, inipon mo un para sa operasyon mo. Wag mong pansinin yang anak mo titigil din yan.”

– – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – –

Pagdating ni Ryan sa bahay, hindi ito mapakali dahil gustong gusto na talaga nitong makabili ng PSP. Labas pasok siya sa kwarto at iniisip kung paano sya makakakuha ng pera na pambili ng laruang gusto. Bigla nitong naisip na pumasok sa kwarto ng ina. Duon hinalughog nya ang damitan ng nanay sa pagbabakasakaling may makikita syang pera. Nang wala siyang nakita tinignan naman nito ang ilalim ng kama. Dito may nakita syang nakalitaw na sobre. Hinugot niya ang sobre at pagbukas nya ay tumambad ang pera. Tuwang tuwa si Ryan dahil may pambili na sya ng pangarap niyang PSP.

Kinabukasan, Sabado, nagpaalam si Ryan sa ina na pupunta lamang sa mga kaibigan. Pagdating sa bahay nina Carl ay andun na rin si Miguel.

“Mga pare tara samahan nyo ko, may pambili na ko ng PSP.” bulalas ni Ryan

“Oh san mo yan kinuha tol.” tanong ni Carl

“Si nanay kasi maraming benta kahapon, tara na wag na kayo maraming tanong.”

Pagdating sa mall ay agad silang pumunta sa bilihan ng mga gadyets. Duon ay pinili agad ni Ryan ang PSP na kulay itim. Subalit dahil itim na ang PSP ni Carl ay pumili nalang ito ng ibang kulay para hindi sila magkapareho. Dahil dun kulay puti na lamang ang kinuha nito. Pagkatapos nila bumili ay umuwi na sila at tumambay sa bahay nina Carl. Duon ay masayang masaya ang tatlo dahil pare-pareho na silang may PSP, at hindi na lamang nakamasid si Ryan. Inabot ng alas otso ang tatlo, at dahil gumagabi na ay nag-aya nang umuwi si Miguel.

Paguwi ni Ryan sa bahay nila ay naabutan nito ang ina na nakaupo sa sala at nanonood ng tv.

“Oh nak ginabi ka yata, kanina pa kita hinihitay para maghapunan.”

“Napatambay lang po kina Carl. Tara nay kain na tayo.”

Pagtayo ni Aling Remy ay nakita nito ang hawak na PSP ni Ryan. Tinanong agad nito ang anak kung saan niya nakuha iyon at sinagot naman ng anak na

“Kay Carl po ito nay, pinahiram lang sa akin”

Magkasabay na kumain ang mag-ina at pagkatapos ay natulog na sila.

– – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – –

Kinabukasan sa eskwelahan ay panay ang pagyayabang ni Ryan sa bago niyang laruan. Todo ang tawanan ng tatlong magkakaibigan habang naglalaro.

Samantala sa kanilang bahay naman ay biglang natumba si Aling Remy. Buti na lang sakto naman ang pagdating ni Aling Glenda dahil magsasabi sana ito na bantayan muna ni Aling Remy ang pwesto nito sa palengke. Tawag ito nang tawag ngunit walang sumasagot kaya pumasok na lamang ito dahil bukas naman ang pintuan. Tumambad sa kanya ang nakahigang Remy sa sahig ng kanilang kusina. Agad nya itong nilapit at sinubukang gisingin.

“Mare..Mare…gising, anong nangyari sayo.”

Nang hindi magising si Aling Remy ay daglian siyang tumawag nang kapitbahay para tulungan siyang dalhin ito sa ospital. Mabuti na lamang at nakaabang sa may kanto ang tricycle ni Mang Luis kaya naisakay agad sila at agad na nadala sa pagamutan.

Sa ospital na nagising si Aling Remy habang nakasakay siya sa strecher at dadalhin sa emergency room. Tinanong niya si Aling Glenda kung nasaan sya. Sumagot naman ito at sinabing isigunod siya sa ospital dahil nakita niyang itong walang malay sa kanilang bahay. Pagkatapos suriin ng doctor inabisuhan nito sina Aling Remy at Aling Glenda na kailangan na niyang maoperahan sa lalong madaling panahon para maalis ang bukol sa kanyang obaryo.

Samantala pauwi na si Ryan sa kanilang bahay nang makasalubong ito ni Gary.

“Ryan, ung nanay mo sinugod sa ospital, natagpuan kasi ni Aling Glenda na walang malay sa bahay nyo.”

Pagkatapos niya marinig ang balita ay agad na dumiretso si Ryan sa ospital para alamin ang kalagayan ng ina. Pagdating niya sa ospital nadatnan nya ang nakahigang ina katabi si Aling Glenda. Agad niyang nilapitan ang nanay at kinamusta. Sa gitna ng kumustahan ng mag-ina binanggit ni Aling Glenda kay Ryan ang pangangailangan na dagliang maoperahan ang ina. Dahil dito ay inutusan ni Aling Remy si Ryan na umuwi sa kanilang bahay para kunin yung pera na inipon niya sa ilalim nang kanyang kama. Dahil sa narinig ay biglang nanlamig si Ryan. Yung pera na kinuha niya at pinambili ng PSP ay inipon pala ng kanyang nanay upang pampagamot. Sumandali siyang natigilan at tila natulala habang nakatayo sa tabi ng ina. Nakadalawang ulit syang tinawag ng ina at nang tila nahimasmasan na ito ay lumabas na ng kwarto ng ospital at tumungo sa kanilang bahay. Dahil sa narinig tuliro siyang umuwi, hindi niya alam kung anong gagawin dahil wala na ang pera na inaasahan ng ina para sa operasyon nito. Pera na mitsa ng kaligtasan at paggaling ng kanyang ina, na naglaho na dahil sa kagustuhan niyang makabili ng PSP noon.

Paikot ikot sa bahay si Ryan at nagiisip kung anong gagawin. Labas pasok siya sa kanyang kwarto at aligaga kung anong paraan ang kanyang gagawin upang makahanap ng pera. Bigla siyang mapatingin sa PSP na nakapatong sa mesa. Tinitigan nya ito, at sa pagkakatitig nagtatalo ang isip nya kung ibebenta ba niya ito para may pampagamot ang ina o gagawa sya ng ibang paraan. Gustong gusto nya ang laruan na iyon, dahil dun eh nakakasabay sya sa mga kaibigan nya, ngunit sa kabilang banda ay kailangan naman ng pera ng kanyang ina.

“Hindi, hindi kita ibebenta. Maghahanap ako ng ibang paraan para makakuha ng pera pero hindi kita ibebenta” ang sambit nya sa sarili habang hawak at nakatitig sa kanyang PSP.

Dahil ayaw nyang pakawalan ang kanyang laruan, naisip nalang niyang lumapit sa kanyang mga barkada at magbakasakaling makautang para sa operasyon ng ina. Una niyang nilapitan si Carl ngunit hindi sya natulungan nito. Sunod naman niyang nilapitan si Miguel ngunit malamig na hindi rin ang kanyang nakamit, kaya bumalik siya sa bahay nila nang sawi. Hindi na niya alam ang gagawin at hindi rin niya alam ang sasabihin sa ina pagpumunta siya sa ospital na walang dalang pera. Sa kawalan ng ibang paraang maisip, kinuha nya ang PSP, tinitigan at tumungo sya sa pinakamalapit na sanglaan.

“Alam mong mahalaga ka sa’kin, pero mas mahalaga ngayon ang buhay nang nanay ko”

Hindi man kasing halaga ng ipon ng ina ang pera na kanyang nakuha kapalit ng pagsangla nya sa PSP, ang mahalaga ay may pera siyang madadala sa ospital para maumpisahan na ang operasyon ng kanyang nanay.

Pagkatapos magsangla ay dali dali na itong tumungo sa ospital. Natutulog ang ina nang dumating si Ryan. Lumapit sya sa kama nito at hinawakan ang kamay.

“Nay patawarin nyo po ako. Hindi ko sinasadya”

Bahagyang nagising si Aling Remy at iniangat ang ulo ng anak.

“Bakit anak ano bang nagawa mo at humihingi ka nang tawad”

“Yung pera po kasi na inipon nyo, kinuha ko po sa ilalim nang kama nyo nung isang araw at pinambili ko ng PSP. Hindi po totoo ung sinabi ko na hiram ko lang yun kay Carl. Patawad po”

Habang naluluha ang ina…

“Bakit mo ginawa yun anak, binibigay ko naman lahat ng gusto mo, bakit mo ako nagawang pagnakawan. Diba sinabi ko naman sayo kapag nakaluwag tayo baka sakali ay mabili natin yun. Napakahalaga ba talga sayo na maki-uso ka dyan sa mga barkada mo?”

“Tandaan mo Ryan, hindi masamang makiuso pero dapat ay binabatay sa kakayahan. Dapat mong tandaan na dapat tayong makuntento sa kung anong meron ka at wag kang maghangad ng mga bagay na hindi naman naten kaya.”

Iyak nang iyak si Ryan habang sinasabi iyon ng ina, sabay yakap at hingi muli ng tawad. Pagkatapos ay inabot na niya ang pera na pinagsanglaan ng PSP.

“Nay eto po ang pera, sinangla ko na po ung PSP. Hindi man po yan kasing halaga nung inipon nyo, ang mahalaga ay may maibigay tayo sa doktor para maumpisahan na ang operasyon ninyo.”

At nagyakapan ng mahigpit ang mag-ina. Pagkatapos ay dumating na ang doktor upang dalhin si Aling Remy sa operation room. Sa labas nito ay nakabantay naman si Ryan kasama si Aling Glenda. Dasal nang dasal si Ryan habang nasa loob ang ina.

“Lord, iligats nyo po ang nanay ko. Alam kong mali yung nagawa ko, kaya bigyan nyo pa po ako nang isang pagkakataon na makabawi sa kanya. Pakiusap po.”

Makalipas ang 4 na oras ay natapos na rin ang operasyon. Paglabas ng doktor ay agad kinamusta ni Ryan ang lagay ng kanyang nanay. Ayon sa doktor ay maayos naman ang lagay nito at natanggal na ang bukol sa kanyang obaryo. Nakahinga nang maluwag si Ryan matapos itong marinig, at bahagya siyang napatingin sa taas habang nakangiti na nagpapahiwatig ng pagpapasalamat sa Panginoon.

Makalipas ang ilang araw ay lumabas na rin sa ospital si Aling Remy. Ang kakulangang pera sa operasyon ay pinunan muna ni Aling Glenda at sa ibang kasamahan nila sa palengke. Habang palabas ng gate ng ospital ang mag-ina ay niyakap ito ni Ryan at sinabing

“Nay simula ngayon ibang PSP na ang aking ipapakita sayo, PURONG SERBISYO at PAGMAMAHAL

Dahil sa narinig, niyakap ni Aling Remy si Ryan at hinalikan sa ulo. At tuloy-tuloy na silang umuwi sa kanilang bahay.

– – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – –

Para sa mga kabataaan lalo na sa panahon ngayon, napakahirap talagang tanggihan ang presyur ng barkada. Kung anong uso at in ay parang nagiging batas sa kanila na dapat sundin. Dahil dito marami ang nakagagawa ng mga bagay na kanilang ikinasasama masunod lamang ang idinidikta nang kapaligirang kanilang ginagalawan. Tulad ni Ryan, dahil sa kagustuhan niyang makasabay sa trip nang kanyang mga barkda ay nagawan niya nang kasalanan ang kanyang ina. Ngunit sa ano mang pagkakamali ang pinakamahalaga ay ang pagtanggap, pag-amin at pagwawasto sa kamaliang nagawa. Sabi nga nila wala namang taong perpekto at lahat tayo ay may posibilidad na magkamali, ngunit ang mahalaga sa bawat pagkakamali na ating nagawa ay ang kasunod na pagtatama.


Kalahok para sa kategoryang Maikling Kwento sa Saranggola Blog Awards 2011

———————————————————————————————————————–

*Ang akdang ito ay nagkamit ng ika-4 na karangalan sa Saranggola Blog Awards 2011

10 thoughts on “PSP

  1. puro serbisyo at pagmamahal. heto talaga ang abot kayang laruan na kapag inihandog natin sa ating mga mahal sa buhay, hinding hindi maaaring maluma ang kahulugan nun sa puso nila. magandang kwento at kapupulutan ng aral lalo na ng mga kabataan ngayon. goodluck sa entry!

    Like

    • thanks.hehe. hahaha. sabihin mo sa kapatid mo pag ayaw nya ng Puro Serbisyo at Pagmamahal, Palo Sa Pwet ang makukuha nya. lol

      anyways thanks for visiting my simple space. 🙂 till next time :-). saw your blog too, nose bleed ako. hehe

      Like

  2. Magandang kwento, good job! Pero payong kaibigan lang: kung isasali mo ito sa isang patimpalak, mas mainam kung tama rin ang paggamit mo ng balarilang Filipino. May nakita akong ilang mali sa paggamit ng panlapi pati na rin sa nakakalitong ‘ng’ at ‘nang’. Check mo lang …Para siguradong panalo! Good luck! 🙂

    Like

    • maraming salamat po sa inyong payo. i’ll check on that. hehe. hirap magtagalog. :-). yup nakakalito nga talaga ung ‘ng’ at ‘nang’ na yan. hehehe. at ung mga panlapi, i think it comes with regionalism hehehe. hindi ko naconsider. pero sige next time i’ll check on those. salamat po ulit for taking time to read the story. :-). comment pa po kayo ah para ma enhance ko pa ang pagsusulat. :-). ano pala site nyo para mabisita ko rin?. dead link na kasi ung nakalagay na address eh.

      Like

Post a comment