Ako si Ron Mia, Laking Majayjay

Sabi nila ang iyong kinalakihan ang magtuturo sa’yo kung paano ka mamuhay sa kasalukuyan.

Ako si Ron Mia, lumaki sa isang payak na bayan sa Laguna na matatagpuan sa paanan ng Bundok Banahaw. Sagana ang aming bayan sa mga luntiang gubat, bundok, mga ilog at talon. Dito matatagpuan ang kilalang Majayjay Falls kung saan binabalik-balikan ang tubig nito na nagbabaga sa lamig. Hindi nyo na nga kailangan magdala ng malamig na mga inumin dahil ilubog nyo na lamang ito sa tubig ay para nyo na rin itong nilagay sa cooler o sa ref.

Kabilang din sa ipinagmamalaki ng aming bayan ang luma nitong simbahan; ang Parokya ni San Gregorio Papa Magno o Majayjay Church. Kilala ito bilang isa sa pinakamatanda sa buong Laguna at maging sa buong bansa, kaya napabilang ito sa mga National Historical Sites ng bansa. Dinadayo ito tuwing Mahal na Araw dahil isa ito sa mga paboritong puntahan ng mga nagbibisita Iglesia.

Sa isang maliit na baranggay ng Majayjay ako lumaki. Taga-bukid nga ang tawag sa’min dahil napapaligiran ng mga bukirin at gubat ang aming baranggay. At dahil nga bukid, lumaki ako sa hindi sementadong daan at walang sasakyan na dumadaan maliban sa kabayo at kalabaw. Nasa kolehiyo na ako nang matapos na sementuhin ang aming kalsada. Kaya tuwing may pupuntahan kame, maging sa bayan man o sa eskwelahan ay walang pagpipilian kundi lakbayin ang maputik na daan kung tag-ulan at maalikabok naman kung tag-init. At ang daan na yun ang nagturo sa akin kung paano maging matiyaga.

Araw-araw tuwing papasok sa eskwelahan, putikan o alikabukan ang aking tinatahak. Ilang tsinelas rin ang nasira ko dahil tuwing maputik ang daan ay dumidikit ito sa putik na nagiging dahilan para ito ay mapigtal. Dahil dun napipilitan na lamang akong maglakad nang naka-paa. Masarap din naman maglakad sa putikan ng nakapaa eh, at tuwing uwian di maiiwasan na paglaruan namin ang putikan na aming dinadaanan. Andun na magsulat sa putik gamit ang mga daliri sa paa at mag-drawing ng kung ano-anong hugis at marami pa. Ang karanasan na iyon ang naturo sa’kin ng kahalagahan ng paa sa paglalakbay ng isang tao. Natapos ko ang elementary na hindi nakaranas sumakay ng sasakyan papasok at pauwi ng eskwelahan.

Mas mahirap pa nuong nasa sekondarya na, dahil hanggang elementarya lamang ang eskwelahan sa aming baranggay at nasa bayan ang lahat ng mga mataas na paaralan. Sa unang taon ay nakikituloy ako sa bahay ng kamag-anak sa bayan para hindi ko na kailanganing maglakad ng malayo para pumasok. Sa ikalawang taon ay may nangahas nang bumiyahe sa baku-bako at putikang kalsada namin patungong bayan, kaya di ko na kinailangan na makituloy. Ang mahirap lang noon ay may oras ang byahe kaya dapat maabutan mo ang pagdaan nito dahil matagal na ulit bago dumaan ang kasunod. Isa pa ay dahil marami ang mga mag-aaral na sumasakay sa unang byahe ay punuan ang jeep kaya mapipilitan kang sumabit, umupo sa gitna ng jeep o sa bubong nito. Masaya naman ang ganung sistema dahil tila araw-araw ay may fieldtrip kayo sa dami ng estudyante na makakasabay mo sa byahe. Ngunit hindi rin maiiwasan na kapag masyadong malakas ang ulan ay walang naglalakas loob na bumiyahe, kaya walang ibang paraan para pumasok kundi maglakad ng anim na kilometro papuntang bayan para lamang makarating sa eskwelahan.

Dahil rin sa putikan ang dinadaanan ng sasakyan, hindi maiiwasan na minsan ay mabahura at mabalahaw ito. Dito ko nakita ang pagtutulungan at pagbabayanihan ng mga tao sa’min. Dahil tuwing may mababahura na jeep ay tulong-tulong sila sa pagtutulak nito para makawala sa pagkalubog sa putik. Doon ko nakita ang pagkakaisa ng mga taong baranggay para lamang magpatuloy ang pagbyahe ng jeep at maibisan kahit papano ang hirap sa paglalakbay ng mga tao papuntang bayan. Nagpatuloy ang ganung sitwasyon hanggang matapos ako ng hayskul. Nasa pangalawang taon na ako ng kolehiyo ng matapos ang pagsesemento ng kalsada samen. At simula noon ay naging maganda at maayos na ang pagbyahe ng mga tao samen. Hindi na mahirap pumunta sa bayan at sa ibang lugar dahil hindi na kailangang maglakad ng malayo at marami-rami na ring sasakyan na bumibyahe.

Ang mga karanasan na yun ang nagturo sa’kin na maging matatag sa mga lakaran. Kahit noong nasa Maynila na ako at naghahanap ng trabaho hindi ko alintana ang maglakad ng malayong distansya para puntahan ang mga opisinang aaplyan ko, dahil nga sanay na sanay na ang mga paa ko sa paglalakad. Nagamit ko rin ang tiyaga sa paglalakad ng maging miyembro na ako ng isang mountaineering group. Dahil sanay na ako sa lakaran sa mga putikan at bulubunduking lugar, hindi na ako nahirapan na mag-adjust sa pag-akyat sa mga bundok na aming pinupuntahan.

Kung ang ilan ay kinakahiya o kinakalimutan ang kanilang pinagmulan nang mapadpad na sa Maynila o siyudad, ako ay hindi ko kailanman maaring kalimutan at ikahiya ang bukid na aking kinalakihan. Dahil doon ko natutunan ang mga bagay na nagagamit ko sa pang-kasalukuyan. Sabi ko nga, laki man ako sa bundok at putikan marunong din naman akong mamuhay at makibagay sa siyudad. At kung dumating ang panahon na magsawa na sa buhay lungsod kayang-kaya kong mamuhay at bumalik sa bundok.
———–
“Saan ka man mapunta at gaano man kalayo ang iyong malakbay, sa sariling bayan pa rin mas masarap mamuhay”

Ang Sanaysay na ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 4 sa Kategoryang Blog / Sanaysay (freestyle).

Advertisements

Post a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s