iPad

“Pepe gising na, yung mga kaklase mo, nagsisipaglaruan na sa labas. Bangon na anak.”

“Inaantok pa po ako Ma, tsaka mainit sa labas dito na lang po ako sa loob maglalaro ng PSP at iPAD.”

“Hay naku, puro ka na lang computers. Bangon na dyan at mag-almusal ka na.”

Ilang saglit lang ay bumangon na rin si Pepe. Dumiretso ito sa banyo, at pagkatapos ay bumaba sa kusina para mag-almusal. Habang nasa hapag-kainan ay kaharap nito ang  iPAD at naglalaro habang kumakain. Nang mapansin ito ng Ina ay sinaway siya at kinuha ito para makapag-patuloy sa pagkain. Dahil dun ay napaangal si Pepe, pero dahil marespeto naman siya ay hinayaan na lang at tinapos na ang pagkain.

Matapos kumain ay pumuwesto ito sa may bintana sa sala. Doon, nakita niya ang mga kaklase na naglalaro sa kalye. Inaya siya ng mga ito na sumama sa kanila papunta sa parke ngunit tumanggi siya dahil mas gusto niya na maglaro na lamang ng iPad. Pagkatapos umalis ng mga bata ay pumasok na siya sa kuwarto at naglaro ng iPAD.

**

Sa eskwelahan, ibInalita ng kanilang guro ang nalalapit nilang fieldtrip. Tuwang-tuwa ang mga mag-aaral dahil makakapasyal sila sa Maynila. Ngunit kakaiba si Pepe, animo’y wala lang sa kanya ang balita at hindi sya kinakitaan ng saya at pagkasabik. Palibhasa’y sanay sa loob ng bahay at tamad na gumala sa ibang lugar, hindi niya ikinagalak ang balita tungkol sa fieldtrip.

Pag-uwi sa bahay, agad niyang binanggit sa Ina ang tungkol sa fieldtrip. Natuwa ang Ina, dahil sa wakas ay makakaranas na rin ang anak na makarating sa malayu-layong lugar, at hindi na lamang puro eskwelahan at bahay. Ngunit napansin nito na tila hindi masaya si Pepe.

“Oh eh bakit parang hindi ka naman natuwa sa fieldtrip n’yo anak? Hindi ka ba nasasabik makapunta sa Maynila? Maganda doon lalo na sa Luneta, marami kang makikita, tiyak matutuwa ka. Andun yung bantayog ni Dr. Jose Rizal at may malaki ding estatwa doon si Lapu-lapu”

“Nakakatamad po mag-biyahe Ma, ang layo nun diba? Pwede ko naman po ‘yan makita sa internet.”

Sa patuloy na pangungumbinsi ng Ina ay napapayag din si Pepe, ngunit inigiit nito na dapat dala niya ang kanyang iPad.

**

Dumating ang araw ng fieldtrip at lahat ng mag-aaral ay tuwang-tuwa. Maaga silang umalis papuntang Maynila sakay ng mga inarkilang bus. Pagdating doon, una nilang pinuntahan ang Manila Cathedral upang magsimba. Manghang-mangha ang mga bata sa istruktura nito. Tuwang-tuwa sila na naglibot sa loob at labas ng simbahan at kanya-kanyang pwesto sa pagpapa-litrato.

“Oh anak bakit nakaupo ka lang, ayaw mo ba magpicture-picture?”

“May simbahan din naman po sa atin Ma eh, pare-pareho lang yan.” ani Pepe

Pagkatapos magsimba ay pinuntahan nila ang iba pang lugar sa loob ng Intramuros at pagkaraka’y tinungo na ang Luneta. Tuwang-tuwa ang mga bata pagdating doon, takbuhan sila pababa ng bus at kanya-kanyang punta sa iba’t-ibang sulok ng pasyalan.

“Pepe tara, dun tayo sa harap ng monumento ni Rizal, papicture tayo” aya ng mga kaklase

“Oo nga anak sama ka sa kanila para naman may litrato ka kasama si Rizal tapos ipapadala natin kay Papa.” dagdag ng Ina

“Nakakatamad po Ma, lagi ko naman po iyan nakikita sa mga libro at internet eh”

Dahil sa pamimilit ng Ina at mga kaklase, pumayag din si Pepe na sumama at magpalitrato. Pumuwesto sila sa harap ng bantayog at kanya-kanya pose habang kinukunan. Pagkatapos ng ilang kuha, biglang naisipan ni Pepe na magpakuha ng solo gamit ang kanyang iPAD. Pagkatapos kunan ay napangiti si Pepe habang nakatingin sa kanyang larawan sa iPad.

Gabi na nang makauwi sila ng bahay. Pagod na pagod ang mag-ina sa naging byahe kaya’t mabilis silang nakatulog.

**
Dahil sa pagod tinanghali nang gising si Pepe. Nagtaka siya kung bakit hindi siya ginising ng Ina, ngunit naisip na marahil napagod ito at napasarap nang tulog. Agad niyang binuksan ang iPAD at bumungad sa kanya ang litrato kasama si Rizal. Pipikit-pikit pa ang kanyang mata habang nakatingin sa larawan ng biglang kumindat ito sa kanya. Nagulat si Pepe sa nakita kaya kinusot niya ang kanyang mata. Sa muling pagtingin sa larawan ay kumindat na naman ito at ngumiti pa. Dahil sa pagka-gulat ay nabitawan ni Pepe ang iPAD. Bigla siyang napatayo sa gilid ng kama at sumigaw para tawagin ang ina. Ngunit tila wala ang Ina sa bahay at walang nakakarinig sa kanya. Habang nakatayo si Pepe ay biglang nagsalita si Rizal.

“Wag kang matakot Pepe, hindi kita sasaktan.” sabi ni Rizal

“Bakit ka po nakakapagsalita eh litrato ka, taga Hogwarts ka ba? Kaklase ka ni Harry Potter?”

“Anong Hogwarts? Sinong Harry Potter? Bayani din ba yun?”

“Ah hindi mo nga pala siya naabutan.” pabulong na sambit ni Pepe.

“Karakter po ‘yun sa libro. Bakit ka po ba nakakapagsalita eh litrato ka?”

“Nakita ko kasi nung pumunta kayo sa Luneta na gusto mong maglakbay sa iba’t-ibang lugar ngunit tinatamad ka lang. Kaya naisipan kong samahan kang libutin ang magagandang lugar dito sa’tin, tiyak akong matutuwa ka sa mga pupuntahan natin.”

Isang malaking liwanag ang bumalot sa kwarto, at nang maglaho ang nakakasilaw na liwanag ay lulan na sila ng malaking iPad na lumilipad. Noong una ay natatakot si Pepe na baka mahulog sila ngunit nawala rin iyon dahil sa paniniguro ni Rizal. Tuwang-tuwa si Pepe dahil mula sa himpapawid ay kitang-kita niya ang malalawak na kalupaan at katubigan.

Una nilang pinuntahan ang Ilocos. Manghang-mangha si Pepe sa kanyang mga nakita. Pinuntahan nila ang mga lumang bahay sa Vigan, at ang sikat na Paoay Church.

“Ang ganda naman ng simbahan nila Dr. Jose. Mas maganda sa simbahan namin sa bayan.”

“Kuya Pepe na lang ang itawag mo sa’kin. Oo maganda talaga ang simbahan na ‘yan. Ang saya mamasyal ano? Una pa lang yan marami pa tayong pupuntahan.”

Sunod nilang pinuntahan ang Paoay Sand Dunes at ang Bangui Wind Farm. Matapos doon, pinuntahan naman nila ang Baguio. Pinasyalan nila ang Botanical Garden, Burnham Park, Wright Park, PMA at The Mansion. Dumayo din sila sa Bicol, dinaanan nila ang Cagsawa Ruins at pinagmasdan ang Bulkang Mayon. Tuwang-tuwa si Pepe sa mga pinuntahan nila dahil marami siyang natutunan tungkol sa mga ito.

Pagkatapos ng Luzon, Visayas naman ang kanilang tinungo. Dumaan sila ng Bohol kung saan tuwang-tuwa si Pepe sa Chocolate Hills at mga Tarzier. Sumunod dito ang Palawan, pinuntahan nila ang Coron at ang Underground River ng Puerto Prinsesa. Hindi rin nila kinalimutan ang Cebu at nagpalitrato pa sila sa Magellan’s Cross. Tila walang kapaguran ang dalawa sa kanilang paglalakbay dahil matapos ang Visayas ay Mindanao naman ang isinunod nila. Ngunit sa puntong ‘yon ay nagpahayag ng pangamba si Pepe.

“Kuya Pepe, Mindanao? Diba nakakatakot dun? Maraming kidnapan at giyera dun diba?”

“Hindi naman lahat ng lugar doon ay magulo. Makikita mo mamaya, tiyak magbabago ang tingin mo sa Mindanao”. sagot ni Rizal habang nakangiti kay Pepe

Lumapag sila sa Davao kung saan nakita nila ang ganda at linis ng lugar. Pagkatapos nito ay pinuntahan nila ang Maria Cristina Falls ng Iligan. Hindi rin nila pinalagpas ang taniman ng pinya sa Bukidnon at ang nakalubog na sementeryo ng Camiguin. Pang-huli nilang dinayo ang Cotabato kung saan nababalita ang mga kaguluhan. Pinuntahan nila dito ang pinakamalaking moske sa bansa, ang Sultan Hassanal Bolkiah Masjid.

Masayang-masaya si Pepe sa kanilang mga pinuntahan. Doo’y napagtanto niya na masaya nga pala ang maglakbay at maglibot sa iba’t-ibang lugar. Napagtanto niya na mas marami siyang matututunan kung pupuntahan niya ng personal ang mga lugar na noon ay nakikita lamang niya sa mga libro at internet. Natutunan din niya na hindi lamang sa iPad at computers siya dapat tumutok, dapat ay lumabas at tuklasin ang mga lugar na maipagmamalaki natin.

Halos gabi na nang bumalik ang dalawa at habang nakasakay sila sa iPad pauwi ay nakatulog si Pepe. Nagising na lamang ito na nasa Luneta na sila.

“Nasiyahan ka ba sa mga pinuntahan natin Pepe?” tanong ni Rizal

“Opo Kuya Pepe. Tama nga si Mama at mga kaklase ko, masaya nga gumala at maglakbay sa ibat-ibang lugar. Simula ngayon hindi na’ko magkukulong sa bahay, sasama na ko sa mga kalaro ko at kay Mama pag may pinupuntahan sila. Mas magugustuhan mo pala ang isang lugar kung personal mo itong napuntahan. Salamat po Kuya Pepe, the best ka talaga.” malugod na sagot nito habang nakangiti at naka-thumbs-up.

Ngiti lamang ang naging tugon ni Rizal kay Pepe, at sa puntong iyon ay nagpaalam na ito para umalis. Pero bago siya umalis ay hinawakan niya si Pepe sa ulo at kinusot-kusot ang buhok.  Ngumiti naman si Pepe sa kanya at inaya na nagpakuha muna sila ng litrato. Pagkatapos noon ay tumalikod na si Rizal at tuloy-tuloy na naglakad palayo.

**

“Pepe, gising na anak at mag-almusal ka na.”

Nagising si Pepe sa tawag ng Ina. Pagmulat ng kanyang mata, nakita niya ang iPad sa kanyang tabi. Pagbukas niya nito ay picture niya sa Luneta kasama ang monumento ni Rizal ang bumungad sa kanya. Napatingala na lamang sya sa kisame at namutawi ang isang matamis na ngiti.

Ang akdang ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 4 sa Kategoryang Kwentong Pambata.

Advertisements

Post a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s