Salamat Inay at Itay

576542_3122826392692_1168647458_nSanay na sanay tayo sa ganito, yung dinadaan sa sulat o text yung mga gusto natin iparating sa isa’t-isa. Hindi kasi tayo masalita pagdating sa pagsasabi ng ating mga nararamdaman eh. Simula pagkabata namin ni utol hanggang ngayon ganito pa rin yung pamamaraan natin sa pag-papabatid ng laman ng ating mga puso. At bilang nabigyan ako ng pagkakataon para kausapin kayo sa pamamagitan ng liham na ito, nais kong ipabatid sa inyo ang taos-puso kong pagkilala, pagpapahalaga, pasasalamat at pagmamahal sa inyong dalawa.

Itay, ikaw na nagtaguyod sa amin mula pagkabata hanggang sa kaya na naming tumayo sa sarili naming mga paa, maraming salamat po. Maraming salamat sa lahat ng sakripisyo na inyong ginawa para mabigyan kami ng maayos na pamumuhay. Hindi man ako lumaki na kasama ka dahil kinailangan mong mangibang-bansa para magtrabaho, ramdam na ramdam ko naman ang pagmamahal at pagkalinga mo. Sa mga sulat at “greeting cards” na pinapadala mo noon tuwing kaarawan namin at pasko, alam kong sobra ang pangungulila at pag-aasam mo na sana’y kasama mo kaming magdiwang ngunit tiniis mo ang lahat ng iyon para sa aming kinabukasan. Alam kong hindi naging madaling desisyon ang ginawa mong pag-alis noon kahit ipinagbubuntis pa lamang ako ni Inay, ngunit tiniis mo ang lahat ng lungkot at hirap dahil alam mong iyon ang mas makakabuti para sa atin. Hindi man kita nakasama noong nag-graduate ako ng elementary at high school, alam ko naman na masayang-masaya ka at ipinagmamalaki mo ang mga karangalang natamo ko. Hindi man tayo sobrang malapit sa isa’t-isa noon dahil tuwing bakasyon mo lamang, kita nakakasama, alam kong alam nating dalawa na sobrang mahal natin ang isa’t-isa. Ngunit ngayon nga ay bumabawi na tayo dahil ikaw pa ang isa sa mga nagturo sa akin kung paano magmaneho, maraming salamat Itay dahil ngayon ay nagiging mas malapit na magkaibigan na rin tayo. Ikaw para sa akin ang pinaka the best na tatay sa buong mundo.

Sa’yo naman Inay, na kasama ko mula sa aking pagsilang, maraming salamat sa walang sawang pag-aaruga at pagmamahal. Ikaw talaga ang nagsilbing ilaw namin at patuloy paring ilaw ng ating tahanan. Hindi naging madali para sa’yo na mag-isang palakihin kami ng kapatid ko (dahil nga nasa ibang bansa si itay), pero nakayanan mo yun at dahil doon ay sobrang nagpapasalamat ako dahil ikaw ang nagsilbing nanay at tatay namin sa mahaba-haba ring panahon. Maraming salamat sa pagiging unang guro ko, sa pagtuturo sa akin kung paano magbasa at magsulat. Ikaw ang unang nag-tiyaga para matutunan ko ang mga iyan bago pa man ako mag-umpisang mag-aral sa eskwelahan. Natatandaan ko pa noon kahit walang ilaw (dahil uso pa ang brown-out) ay hindi pedeng matapos ang isang araw na hindi tayo magbabasa at magsusulat. Kahit pa may mga pagkakataon na napapalo mo ang aking mga kamay pag may mga hindi ako maisulat, yun ang nagsilbing motibasyon ko para talagang matuto. Salamat sa pagtatanim sa akin ng kahalagahan ng pag-aaral. Lagi mong sinasabi noon na dahil nga sa kahirapan ng buhay ninyo ay hindi ka nabigyan ng pagkakataon na makapagtapos ng kolehiyo at tanging elementarya lamang ang natapos mo, dapat pagsumikapan namin at seryosohin ang pag-aaral at pagtatapos dahil tanging yun lamang ang maipapamana ninyo sa amin. Hindi man tayo “showy” sa isa’t isa at tanging sa text lang tayo nakaka-pagsabihan ng “I Love You”, ramdam na ramdam ko naman sa mga ginagawa mo ang pagmamahal at pagkalinga para sa ating pamilya. Kahit minsan ay OA ka na sa pag-aalala dahil kahit trenta na ako ngayon ay parang hayskul pa rin ang turing mo, alam ko naman na iyon ay dahil sobrang mahal na mahal mo lamang ako. Kaya maraming salamat Inay mahal na mahal din kita.

Sa inyong dalawa, maraming salamat po sa pagpapakita sa’min sa kahalagahan ng isang pamilya. Maraming salamat sa lahat ng mga sakripisyo ninyo, sa mga pagtitiis at pagtitiyaga para maitaguyod kaming dalawa ng kapatid ko. Hindi man tayo sobrang rangya at hindi ko rin naman masasabing perpekto, ngunit ang lahat ng mga aral na itinuro ninyo ay naging malaking impluwensiya sa pagbuo ng aking pagkatao. Ang inyong walang sawang pagmamahal at pag-aaruga sa amin ang patuloy naming nagiging lakas at kanlungan. Kayo ang aming inspirasyon sa paglalakabay namin patungo sa aming kinabukasan.

At ngayong nalalapit na rin akong bumuo ng sariling kong pamilya, ang inyong pagsasama ang gagawin kong modelo at huwaran upang maging matagumpay din ako sa bubuuin kong tahanan. Ang inyong mga sakripisyo at pangaral ang magsisilbi kong paalala na kahit ano mang pagsubok ang aming pagdaanan sa hinaharap ay mananatili itong matibay at puno ng pagmamahalan. Maraming salamat Inay at Itay dahil sa inyong pinamalas na pagmamahalan alam kong naihanda ninyo ako ng mahusay para makabuo ng isang tahanan na matibay at hindi kaagad-agad mabubuwag.

Maraming, maraming salamat po at mahal na mahal ko po kayo.

——————————————————————————————————————–

Ito ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5 para sa kategoryang Sanaysay.

Saranggola 336x280dmci homes logo

Advertisements

Post a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s