PNoy’s 116th Independence Day Celebration Speech (Full Transcript)

Talumpati ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-116 anibersaryo ng proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas

[Inihayag sa Lungsod Naga, Camarines Sur, noong ika-12 ng Hunyo 2014]

[Mga pagbati]

Mga namomotan ko pong mahimanwa, Dios marhay na aga sa indo gabos. [Palakpakan]

Pinagtulungan po ni Leni at ni John na turuan ako ng Bikolano. Sana po ay tama. Kung mali, solo ko pong kasalanan. [Tawanan] Sarap talagang nababalik sa Naga pero alam n’yo ho meron pa tayong mga ilang pupuntahang lugar itong araw na ito. Baka kung preskong-presko pa ho tayo dito, baka maisipan kong hindi lumitaw doon. Malaki hong issue ‘yan dahil ‘yong diplomatic community ay inimbitahan natin sa Malacañang ng tanghali.

Kaya pasensya na po kayo kung medyo paspasan ang ating biyahe. Sana po’y tama itong ating hinandang talumpati para sa inyo.

Isandaan at labing-anim na taon ang nakalipas, mula noong pormal na pinatugtog ang Pambansang Awit at iwinagayway ang Pambansang Bandila, sa Kawit, Cavite, bilang mga sagisag ng isang malaya at nagkakaisang Pilipinas. Sa araw din pong iyon, idineklara ang kalayaan ng Pilipinas: Isang bansa tayong kalag sa tanikala ng dayuhan, binubuo ng mga mamamayang hawak ang sariling kapalaran.

Ito po ang ginugunita at ipinagdiriwang natin ngayon—itinuturing natin ang ika-12 ng Hunyo bilang kulminasyon ng lahat ng sakripisyo, pakikipagsapalaran, at tagumpay ng ating mga ninuno, upang makamtan ang kasarinlan mula sa Espanya. Mulat po ang lahat: Hindi nangyari sa isang tulugan lang ang katuparan ng mithiin ng ating mga bayani. Bunga ito ng pagbangon mula sa kabiguan at pagsubok, at ng sakripisyo at pag-aambagan ng napakaraming tao, na pinagbuklod ng nag-iisang layunin: Ang mabuhay nang marangal at malaya sa pang-aapi. Nariyan po ang Kilusang Propaganda na nagpunla ng pagbabago sa isip ng mga Pilipino; ang Katipunan na isinilang, kumalat, at naging kanlungan ng mga bayani; ang maraming sagupaan sa pagitan ng mga gerilyang Pilipino at ng hukbo ng Espanya; ang paglalathala ng dalawang nobela ni Gat Jose Rizal, at ang kanyang pagkakabitay o pagkakapaslang sa Bagumbayan noong ika-30 ng Disyembre 1896.

At alam din po natin: Ang tapang, ang kadakilaan, at ang rebolusyon at kasarinlang bunsod nito ay hindi natatangi sa iisang rehiyon. Dugong Pilipino ang dumanak sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, upang diligan ang adhikain ng nagkakaisang bansa. Katunayan nga po, dito mismo, ginugunita tuwing ika-4 ng Enero ang Kinse Martires ng Kabikulan. Matapos dakpin, pahirapan, at hatulan matapos lamang ang isang araw ng paglilitis, binitay sa Bagumbayan ang labing-isa sa labinlimang tinaguriang anak ng Bicol, limang araw matapos barilin si Gat Jose Rizal. At sa apat na natira, dalawa ang namatay sa kulungan, at dalawa ang ipinatapon sa kulungan sa isla ng Fernando Po sa Africa at kalauna’y doon na rin namatay.

Malinaw po sa atin ngayon: Ang mga kaganapan ukol sa inyong Kinse Martires ay nagsilbing mitsa ng rebolusyon dito sa Kabikulan. Bago ito, hindi pa umaapaw ang pagnanasang makalaya raw ng mga Bikolano; malayo pa ang mga kaguluhang nagsisimulang kumulo sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ngunit matapos ang pagpapahirap sa labinlimang Bikolano dahil lamang sa kaba at haka-haka ng iilang Espanyol noon, hindi na nagawang magtimpi ng taumbayan. Ang tanong marahil sa puso ng mga Bikolano noon, “Nasaan ang tamang proseso?” ‘Di po ba’t kahit sinuman ang dakpin at lubos na pahirapan, ay darating ang puntong mapipilitan siyang sabihin ang anumang naisin ng nagpapahirap sa kanya?Kung nangyari ito sa kanila—mga pari, guro, manunulat, abogado, negosyante, at lingkod-bayan—sino ang makakapagsabi na ang karaniwang tao ay hindi maaaring dakpin, pahirapan, ipatapon, ikulong, o bitayin nang ganoon na lamang? Kasapi man sila ng Katipunan o hindi, wasto man ang alegasyon o hindi, hustisya nga po kayang matatawag ang ginawang pagyurak sa proseso at sa karapatan ng Kinse Martires?

Napapanahon naman pong balikan ang mga pangyayaring ito, lalo pa ngayong tinatahak na natin ang landas ng reporma at tunay na hustisya. Alam naman po natin ang isa sa mga pinakamainit na isyu ngayon: May ilang prominenteng personalidad nang sinampahan ng kaso ng Ombudsman ukol sa isyu ng pagkakamkam ng pork barrel. Ang kanilang sinasabi: Pinupulitika lamang raw sila. Ipaalala lang po natin: Panahon ng eleksiyon noong 2013 nang unang lumutang ang balita tungkol sa illegal detention kay Benhur Luy, Marso po, pati na ang tungkol sa mga pekeng NGO at pambubulsa sa pondo ng bayan. Ibinilin po natin sa butihing Kalihim Leila de Lima, huwag kang gagawa ng akusasyon hangga’t walang karampatang patunay.Sinunod natin ang tamang proseso: Nagsagawa ng imbestigasyon, nangalap at nangangalap pa ng mga ebidensiya, at ngayon ay nakasampa ng kaso. Puwede naman itong ginawa noon nang mabilisan at walang matibay na basehan upang masira ang pangalan ng mga kandidatong dawit sa kontrobersiya, pero, at kayo na po ang saksi, idinaan natin sa tamang sistema ang pagpapalabas ng katotohanan. At pagkatapos, tayo pa ngayon ang sinasabihan na namumulitika? Kayo na hong bahalang magpasya kung sino ang papanigan niyo sa usaping ito.

Madalas ko nga pong balikan ang sinabi sa akin noon ng aking ama. Ang sabi niya, “Sa tunay na demokrasya, obligasyon ng bawat isa na ipaglaban na hindi lang ang karapatan ng kanilang mga kaibigan, kundi pati na rin ng kanilang mga kalaban. Kung yoyorakan mo ang karapatan ng sinuman, o kung mayoyorakan ang karapatan ng sinoman, darating ang panahon na karapatan mo naman ang babalewalain.” Siya nga po mismo ay nakaranas din ng kawalan ng hustisya. Isang taon po bago ideklara ang Batas Militar, sinabi na ng aking ama kay Ginoong Marcos, bilang Punong Ehekutibo na nagparatang sa kanya, obligasyon niyang iharap ang aking ama sa husgado. Pero nilitis lang ang aking ama nang ipasailalim ni Ginoong Marcos ang bansa sa Martial Law. Iniharap sa court martial ang aking ama, kung saan ang militar ang lilitis sa isang sibilyan. Sa hukumang binubuo ng mga mahistrado, abugado, at mga testigong itinalaga ng mismong nagsampa ng kaso na si Ginoong Marcos, pilit na binaluktot ng diktadurya ang katarungan. Sa madaling salita po, si Ginoong Marcos ang nag-akusa, siya rin ang naglitis, at siya pa rin ang may kapangyarihan magdesisyon sa kanila. Kitang-kita po dito kung paano binaluktot ng diktador ang sistema ng hustisya, upang makuha ang gusto niya.

Ang karanasan nga po ng aming pamilya ang nagturo sa akin ng kahalagahan ng pakikipaglaban para sa pagkakapantay-pantay upang mawakasan ang siklo ng kawalang katarungan. Ngayon nga pong nasa posisyon na ako para maisabuhay ang mga aral na ito, gagawin ko, at ginagawa ko ang lahat at ginagawa ko ang aking makakaya upang mabigyan ng hustisya hindi lamang ang iilan, kundi ang buong sambayanan.

At ito nga po ang aral ng kasaysayan: Ang mga pangyayari sa isang bahagi ng ating kapuluan ay nakakaapekto sa kapalaran ng buong bansa; ang paglaban sa pang-aapi, sa katiwalian, o sa kahirapan sa isang lalawigan ay may ambag sa kabuuang pagbabagong tinatamasa natin bilang nagkakaisang bayan. Ito rin ang kaisipang isinasabuhay ng mga proyekto at inisyatiba ng inyong pamahalaan. Nariyan po ang ipinapatayo nating Bicol International Airport sa Daraga na magpapasigla sa sektor ng turismo, at magpapaunlad sa ating pakikipag-ugnayan sa loob at labas ng bansa. Ang panukalang one-stop Migrants Resource Center naman po dito sa Naga ay bahagi ng ating agenda upang iangat ang kakayahan ng mga OFW sa iba’t ibang panig ng daigdig; habang ang extension ng PNR charter na ipinasa ng Kongreso ay manganganak ng oportunidad, hindi lamang sa mga lalawigang dadaanan ng riles, kundi sa bawat Pilipino na maaaring makinabang sa mga pagkakataong bubukas dahil sa mas masiglang ekonomiya.

Ang pagwawaksi sa korupsyon at pang-aabuso sa sistema saan man sa Pilipinas—sa lokal mano sa mga pambansang antas—ay magbubunga ng mas matibay na mga institusyong makapaglilingkod sa bawat Pilipino. Bawat isa sa atin ay mayroong maiaambag upang hindi masayang ang isinakripisyo ng ating mga ninuno. Dalawang taon mula ngayon ay kakailanganin na naman nating pumili ng bagong mga pinuno sa ating bansa. Ang hamon sa atin: Piliin ang mga kandidatong kayang ipaglaban ang interes ng bawat mamamayan, sa harap ng anumang hamon. Hindi natin kailangan ng magaling bumigkas ng script, mahusay sumayaw, o kaya magaling kumanta. Pananagutan nating mag-iwan ng mas makatarungan at mas maunlad na Pilipinas kaysa atin pong dinatnan.

Sa pag-usad ng kasaysayan, ipinagtatanggol at patuloy nating nakakamit ang mga adhikain ng ating mga ninuno: Matapos bumagsak ang Unang Republikang itinaguyod sa Malolos, nilabanan natin ang iba pang dayuhang sumakop sa bansa. Bumangon tayo mula sa pinsalang dulot ng digmaan. Tinibag natin ang diktadurya gamit ang mapayapang rebolusyon noong 1986. Patuloy na lumitaw ang mga bayani na magtataguyod ng iba’t ibang anyo ng kalayaan sa maraming bahagi ng bansa: Ang mga marinong nakaistasyon sa Ayungin; si Jesse Robredo dito sa Naga; ang milyun-milyong Pilipinong nagtipon sa EDSA. Ito ang isinasabuhay ng mga gurong nagpapatulo ng pawis upang magabayan ang ating mga mag-aaral; ito ang isinusulong ng mga sundalo at pulis na nangangalaga sa ating teritoryo at seguridad; ito ang itinataguyod ng ating mga propesyunal at lingkod-bayan sa kanilang araw-araw na pagtupad sa kanilang tungkulin.

Bilang mga tagapagmana ng kalayaang ipinaglaban ng mga nauna sa atin, tungkulin po ng bawat isa sa ating hindi na hayaang bumalik ang ating bansa sa dati nitong kalagayan; ang hindi na muling magbunsod ng mga panibagong sakripisyo sa maraming Pilipino. ‘Di po ba’t nasusukat ang tunay na tagumpay sa pagkamit ng pagbabago kung hindi na nangangailangan ng mabibigat na sakripisyo?

Ngayong Araw ng Kalayaan, sama-sama po tayong nagbibigay-pugay sa mga bayaning ipinaglaban ang tama. Gamitin natin silang inspirasyon sa patuloy nating paglalakbay sa daang matuwid. Isapuso natin ang iniwan nilang aral: Ang malasakit sa ating kapwa ang maghahatid sa atin sa mga inaasam-asam natin bilang isang lahi. Sa ganitong paraan lamang po natin masasabing tunay tayong karapat-dapat sa kanilang mga sakripisyo; sa ganitong paraan lamang po natin maitataguyod ang isang Pilipinas na ganap na makatarungan at malaya.

Ulit po, isang magandang umaga po sa lahat, at maraming salamat po.

You can also read this speech in English here.

Advertisements

Post a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s