Matatag na Lokal na Pamahalaan para sa Maunlad na Lipunan

“Pilipinas 2000”, “Pagkain sa Bawat Hapag-kainan”, at “Tuwid na Daan”, ilan lamang iyan sa mga slogan ng mga pangulong namuno at kasalukuyang namumuno sa ating bansa. Mga slogan na inilatag upang humikayat ng inspirasyon para sa mga mamamayan na mangarap para sa isang maunlad na Pilipinas. Ngunit nasunod nga ba o nasusunod nga ba ang mga slogan na ito?

Lumagpas na tayo sa taong 2000 at sa kasalukuyan nga ay nasa 2014 na tayo, ngunit umangat na ba ang ating pamumuhay? Bawat pamilya ba ay may sapat na pagkain na sa kanilang mga hapag-kainan? At tinatahak na nga ba natin ang tuwid na daan?

Ayon sa nilagdaang kasunduan ng Pilipinas kasama ang iba pang mga bansa sa buong mundo, sa taong 2015 dapat ay nasolusyunan na ang kahirapan, kagutuman, pangangailangang pang-edukasyon at pang-kalusugan. Parte ito ng tinatawag na “Millenium Development Goals” para sa taong 2015. Ngunit ilang buwan na lamang ang nalalabi at inamin na rin naman ng pamahalaan na hindi natin magagawang maabot ang target na ito sa susunod na taon.

Saan kaya tayo nagkulang, ano kayang mga kadahilanan ang naging sagabal para ito ay hindi maisakatuparan at ano ang ating magagawa para makatulong sa pagsasakatuparan nito?

Sa maraming taon ng aking pagsubaybay sa mga kaganapang pang-lipunan, isa sa mga nakikita kong dahilan kung bakit hanggang ngayon ay naghahabol pa rin tayo sa inaasam na pag-unlad ay ang mahinang pamamahala sa mga lokal na pamahalaan.

Kahit gaano karaming proyekto ang isalang ng pamahalaang nasyonal kung hindi naman ito naipatutupad ng maayos ng mga lokal na pamahalaan ay walang mangyayari. Ang mga lokal na pamahalaan ang dapat nagsisilbing gulong upang umarangkada ang pasulong ng ating bansa. Bagamat gobyernong nasyonal ang nagsisilbing makina, hinding hindi tayo kailanman uusad kung palyado o flat ang gulong nito.

Totoo naman na marami pa talagang mahihirap na bayan at probinsya sa ating bansa na nangangailangan ng tulong mula sa nasyonal na gobyerno, subalit ang tanong, naisasakatuparan ba ng mga namumuno sa mga lokal na pamahalaang ito ang kanilang mandato na ipatupad ang mga proyekto?

Taon-taon ay parte ng National Budget ang Internal Revenue Allotment o IRA na ibinibigay sa lahat ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa. Para ito sa pagpapatupad ng proyekto pang-lipunan na tutulong upang maiangat ang pamumuhay sa kanilang mga pamayanan lalong-lalo na sa mga probinsya, bayan o munisipalidad na hindi sapat ang budget.

Ang mahalagang tanong, nagagamit ba ito ng tama ng mga namumuno sa lokal na pamahalaan? Alam kong hindi tama ang agarang pagsasabi na nakukurakot lamang ang mga pondong ito kaya nananatili pa rin mahirap ang ibang mga bayan at probinsya, ngunit bakit nga ba sila nananatiling mahirap pa rin?

Hindi ba sapat ang ibinibigay ng gobyerong para sa kanila? O sadyang hindi lang talaga ginagampanan ng mga namumuno doon ang kanilang mga tungkulin?

Ayon sa mga nag-aanalisa sa takbo ng pulitika sa ating bansa, maraming lokal na lider ang sinasadyang pakapusin ang serbisyo sa kanilang nasasakupan upang maging depende ang mga mamamayan nito sa kanila. Syempre patuloy na aasa ang mga tao sa mga pulitiko at katumbas nito ang patuloy ring pagtangkilik sa mga ito tuwing eleksyon. Ang resulta, matagalang pag-aangkin sa pwesto na tinatawag na “Political Dynasty”.

Dahil pinapalabas na utang na loob ng mga mamamayan ang mga ginagawa nila, napipilitan ang mga ito na ihalal nang ihalal ang mga pulitikong iyon kahit na hindi naman nila natutupad ang mandato nilang itaas at tuluyang iangat ang pamumuhay ng mga mamamayan.

Ang pagsasamantalang ito ng mga lokal na lider sa mamamayan at sa pondo ng bayan ang ang siyang nagiging tanikala upang patuloy tayong umalagwa sa pag-unlad.

Isa pa ay ang sobrang pamumulitika nang mga lokal na lider lalo na yung mga sinasabing hindi kaalyado ng gobyerno. Dahil sa “pride”, hindi naipatutupad ang mga proyektong inihahain ng gobyerno para sa kanilang nasasakupan at kapalit nito ang pag-sasakripisyo sa serbisyong panlipunan.

Isang halimbawa ay ang nangyari sa Tacloban, dahil hindi mag-kaalyado ang namumuno dito at ang nasyonal na gobyerno ay naiipit ang mga mamamayan sa dapat na serbisyong kanilang kinakamtan. Nakakagalit isipin na dahil lamang sa pamumulitika ng mga lider na ito ay naaantala ang pag-usad nang rehabilitasyon sa mga lugar doon. Dahil sa pride ng lider na maungusan ang kaya niyang gawin ay hinahayaan ang mamamayan na maghirap sa kanilang sitwasyon.

Kaya nararapat lamang na kung nais nating makamtan ang pag-unlad na ating hinahangad para sa ating bansa ay dapat umpisahan ito ng mga lokal na pamahalaan.

Ngayong inuumpisahan na ng gobyernong nasyonal ang paglilinis sa byurokrasya, sana ay makiisa ang lahat ng lokal na pamahalaan sa pagtupad sa kanilang tungkulin. Nawa’y isapuso rin nila ang pagbabagong hinahangad ng ating pamahalaan. Maging kaanib sana sila sa pagpaparating sa kanilang mga nasasakupan ng kung ano mang kasaganaang tinatamasa ng ating ekonomiya sa ngayon, dahil sila ang may direktang kontak sa mga tao. Sila ang mas nakakaalam ng sitwasyon sa ground ika nga, sila ang pinakamalapit na makapaghahatid ng serbisyong kinakailangan ng mga tao dahil sila mismo ang nakakakita ng mga problema at pangangailangan ng mga ito.

Kaakibat din ng pagpapalakas na ito sa mga lokal na pamahalaan ay ang pag-papalakas sa mga mamamayan. Hangga’t hindi natututo ang mga mamamayan na maki-sangkot, maki-salamuha at maki-isa sa pagbabago sa kanilang lipunan ay mananatili na lang tayong talunan. Tamang pag-pili ng mga mamamahala sa lokal na pamahalaan at tamang pagmamatyag sa pamumuno nito ang isang susi upang palakasin hindi lamang ang pamahalaang lokal kundi maging ang kanilang komunidad. Hangga’t mayroong mga mamamayan na nagbebenta ng kanilang boto, hangga’t may mga mamamayan na walang pakialam sa pamamahala ng kanilang pamunuan, hangga’t may mga mamamayan na tikom lamang ang bibig sa mga kakulangan ng gobyerno ay mananatili tayong bigo sa layuning makamit ang pag-unlad na ating hinahangad.

Sabi nga ng Pangulo sa isang talumpati, ito ang panahon na dapat lahat ay nakikilahok at nakikisangkot sa usaping panlipunan dahil tayo rin naman ang makikinabang. Tapos na dapat ang panahon na walang imik at walang kibo sa mga pangyayari sa gobyerno dahil marami nang paraan para maki-lahok tayo at iparating ang ating mga opinyon at suhestiyon sa pamahalaan. Andyan ang mga bagong teknolohiya gaya ng social media para iparating natin ang ating mga hinaing kaya wala na tayong dahilan upang hindi maki-sangkot at maki-alam. Wala na tayong dahilan upang mag-sawalang kibo, wala na tayong dahilan upang maging tau-tauhan, wala na tayong dahilan upang sabihing “bahala na sila dyan, basta ako magtatrabaho para sa sarili ko”. Dapat umpisahan na nating maging mamamayan para sa ating kapwa at mamamayan para sa ating bansa.

Maayos na pamahalang lokal at nakikilahok na mamamayan ang kailangan ng ating bansa upang ito ay umusad. Kahit maging malinis ang nasyonal na gobyerno, kung mananatiling bulok ang sistema sa pamahalaang lokal ay wala rin tayong mararating sa hinaharap. Ika nga “Ang sakit ng kalingkingan, dama ng buong katawan”.

Kaya sa isang maulad na bayan, matatag ng lokal na pamahalaan at pamayanan ang kailangan.

——————————————————

Ang blog na ito ay aking lahok para sa Saranggola Blog Awards 2014, sa kategoryang Sanaysay.

Saranggola 336x280

Post a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s