President Aquino III National Address Feb 6, 2015 [Full Text]

Mensahe
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Para sa sambayanang Pilipino

[Inihayag sa Palasyo ng Malacañan noong ika-6 ng Pebrero 2015]

Hindi po madali ang landas tungo sa kapayapaan. Marami nang Pilipino ang nagbuwis ng buhay para labanan ang mga nais magpatuloy ang dahas at hidwaan. Ang pinakaayaw magkaroon ng digmaan ay ang mga pulis at sundalo, dahil sila ang una at pinakamalaki ang sakripisyo kapag nagkagulo. At bilang Pangulo at Commander-in-Chief, pasan ko naman po ang responsibilidad para sa anumang resulta, sa anumang tagumpay, pasakit, o trahedya, na maaari nating matamasa sa paghahangad ng pangmatagalang seguridad at kapayapaan.

Noong ika-24 ng Enero, nagsagawa ng operasyon ang ating Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao. Target nila ang dalawang kilabot na terorista: Pangunahin ang Malaysian na si Zulkifli Bin Hir, alias Abu Marwan, at si Basit Usman. Tagumpay po ang operasyon laban kay Marwan.

Mabigat ang naging kapalit ng tagumpay na ito. 44 na bayani ng Special Action Force ang nagbuwis ng buhay. Sa mga pamilya ng nasawi: Noong nakaraang Biyernes po, nakiusap akong makapanayam kayo, at salamat naman at pinagbigyan ninyo ako, sa panahong puwede ko na kayong makausap nang may dalang sapat na kaalaman sa nangyari, at mga mungkahi para sa inyong kinabukasan. At gaya po ng responsibilidad ko sa inyong mga mahal sa buhay, responsibilidad ko rin kayo; tungkulin kong siguruhing masusuklian nang tama ang sakripisyo ng inyong mga kaanak. Iyon pa rin po ang panata ko sa inyo: Sa nalalabi kong labimpitong buwan sa puwesto, ginagawa ko na at gagawin ko pa ang lahat ng nararapat para tiyaking nasa maayos ang inyong kalagayan.

Ako ang Ama ng Bayan, at 44 sa aking mga anak ang nasawi. Hindi na sila maibabalik; nangyari ang trahedya sa ilalim ng aking panunungkulan; dadalhin ko po hanggang sa huling mga araw ko ang pangyayaring ito. Responsibilidad ko po sila, kasama ang buong puwersa ng SAF sa operasyong ito, pati na ang mga nagligtas sa kanila na nalagay din sa panganib ang buhay.

Ang mga teroristang tulad nina Marwan at Usman ay walang-pakundangan at walang-konsensiyang pumapatay ng mga inosente, kaya sadyang mapanganib ang tugisin sila. International terrorist po itong si Marwan, na matagal nang pinaghahanap hindi lang natin, kundi pati ng ibang bansa. Hindi natin inaasahan na para silang maamong tupang basta na lang sasama kapag pinakitaan mo ng warrant.

Sa mga operasyong iniuulat sa atin, parati nating binabalikan ang mga leksiyon o aral na dala nito, lalo na kung tayo’y nalalagasan ng tropa. Kaya nga po, patuloy ang pagtatanong ko: Mayroon pa bang maaaring nagawa, para naiwasan sana ang trahedya?

2002 pa po wanted sina Marwan at Usman. Marami nang operasyon para tugisin sila, bago pa tayo maging Pangulo. Itong pinakahuling bersiyon ng plano ay makailang ulit na rin pong in-abort. Tulad ninyo, gusto ko ring malaman ang buong nangyari sa pagkakataong ito, at buo ang tiwala kong lilitaw ito sa isang masusi at walang-kinikilingang imbestigasyon ng Board of Inquiry. Inaabangan po natin ang resulta nito. Pero bilang Pangulo, kasama po sa aking responsibilidad ang matukoy, ngayon na, ang mga nangyaring mali, upang maitama agad ito. Tungkulin kong mahanap ang katarungan sa lalong madaling panahon.

Dahil nga po dito, nagsagawa ako ng sariling pagsisiyasat at panayam sa mga kasama sa operasyong ito. Malinaw pong lumalabas: Malayo na ang sitwasyong dinatnan ng mga tropa, sa inasahan sa plano.

Mulat po dapat dito ang commander ng operasyon, lalo pa’t matagal siyang nakadestino sa Mindanao. Inaasahan sa kanya ang tinatawag na situational awareness. Bilang commander, siya ang nakakaalam ng kabuuang plano, at sa mga panganib na dala nito; siya ang unang nakakaalam kung naipapatupad ito nang tama. Alam niya dapat ang nangyayari sa bawat sandali.

Sa ating pag-aaral sa talagang nangyari, dahil nga malaki na ang ipinagbago ng sitwasyong dinatnan sa inaasahan na plano, may di-bababa sa tatlong pagkakataon kung kailan maaaring in-abort o pinagpaliban ang operasyon, o di kaya’y binago nang husto ang plano. Tumindi pa ang pangangailangang gawin iyon, dahil alam niyang walang koordinasyon sa inaasahang ayuda, at manipis, kung mayroon man, ang maitutulong ng Sandatahang Lakas dahil walang sapat na panahon na makapaghanda.

Bakit nangyaring walang koordinasyon? Bakit itinuloy ang misyon gayong napakalihis na nito sa orihinal na plano, at napakalaking peligro na ang kinakaharap ng ating mga tropa? Iyan po, at marami pang iba, ang mga tanong na bumabagabag sa aking isip. Magkakaroon po ng pagkakataon ang dating SAF commander na ipaliwanag ang mga ito sa kanyang pagharap sa kinauukulan.

Naging malaking bahagi din po ng layunin nating tugisin sina Marwan at Usman ang papel ni General Alan Purisima. Marami siyang iniambag sa mahabang proseso at maraming operasyon na pinlano para dito. Hindi rin naman po lingid sa kaalaman ng publiko na mahaba ang aming pinagdaanan. Noon pong coup d’etat, o iyong attempted coup d’etat ng 1987, panatag ang loob ko bago kami na-ambush na may sapat na kakayahan ang aming security personnel. Dahil nga po halos naubos ang mga kasamahan ko, nayanig ang aking kompiyansa. Si Alan Purisima po ang nag-design, nagpatupad, nagtrain sa amin ng isang modified VIP protection course; malaki ang naitulong nito sa panunumbalik ng aking kompiyansa. Mula noon, hanggang ngayon, marami kaming pinagdaanan; kasama ko siya sa pakikipagtunggali sa mga makapangyarihang interes na maaari kaming ipahamak. Noong mga panahong bahagi ako ng oposisyon, bagama’t peligroso sa kanyang karera ang pagiging malapit sa akin, hindi po ako iniwan ni Alan.

Kaya nga po, siguro naman ay maiintindihan ninyo kung bakit masakit para sa akin na aalis siya sa serbisyo sa ilalim ng ganitong pagkakataon. Tinatanggap ko po, effective immediately, ang resignation ni General Purisima. At nagpapasalamat ako sa mahabang panahon ng kanyang paglilingkod bago mangyari ang trahedyang ito.

Tinitiyak ko naman po sa inyo: Ginagawa natin ang lahat para malaman ang buong katotohanan. Anumang mabubuong ulat ay magbibigay sa atin ng mahahalagang aral, upang masigurong hindi na mauulit pa ang trahedyang ito. Magkakaroon ng mga pagbabago.

Ginagampanan ko, at gagampanan ko pa ang aking mga tungkulin. Kailangang ibangon muli ang morale ng mga tropa ng Special Action Force. Kailangang maibalik ang kanilang kalagayan bilang isang fully operational unit. Bagama’t may gustong gumawa ng hidwaan sa pagitan ng AFP at PNP, titiyakin nating hindi sila magtatagumpay; hindi dapat masayang ang napakaganda na nilang ugnayan, na nakikita na natin na natin sa rescue operations tuwing may kalamidad, o sa iba pang mga operasyon kung saan magkatuwang silang rumeresponde sa mga banta sa ating seguridad, tulad ng nangyari sa Zamboanga siege. Alalahanin po natin, hindi pa tapos ang ating trabaho: Malaya pa si Usman.

Sa mga kasapi at liderato ng MILF: Mula pa noong umpisa, tinuturing ko kayo bilang mga kapatid sa paghahangad ng kapayapaan. At hanggang ngayon, umaasa ako na tutulong kayo na hanapin ang hustisya; kailangang panagutin ang lahat ng may sala, lalo na kung totoong may mga sugatan at hindi makalaban na tuluyan pa ring pinatay. Magandang unang hakbang ang pagkilos ninyo upang limitahan ang kilos ng BIFF.

Ukol naman kay Usman, nais kong ipahayag: Kung nasa loob siya ng inyong teritoryo o nasa ilalim siya ng pangangalaga ng sinuman sa inyo, inaasahan kong isusuko ninyo siya sa mga awtoridad. Kung hindi, ay gawin ang lahat upang tumulong sa pagdakip sa kanya. At kung hindi pa rin maaari ito, ay huwag makialam sa aming pag-uusig kay Usman.

Magsilbi sana itong babala at paalala: Huhulihin namin si Usman, anuman ang maging desisyon ninyo, sino man ang kumukupkop sa kanya, at saan man siya nagtatago. Walang dapat magduda: Magkatuwang ang adhikain natin para sa kapayapaan at katarungan. Sa mga naliligaw naman ng landas, na magtatangka pang humadlang sa pagtugis namin kay Usman, tandaan  na ninyo: Estado ang kalaban ninyo, at sasagasaan namin kayo.

Sa mga miyembro ng ating unipormadong hanay: Kasama ninyo kami, sa harap, tabi, o likod man, kung saan ninyo kami kailangan; anumang hihilingin sa inyo, handa kaming gawin ito kasama ninyo. Sinisiguro ko sa inyo: Hindi kayo nag-iisa.

Muli po, sa mga pamilya ng nasawing kasapi ng SAF: Walang salitang sasapat upang ibsan ang sakit ng nawalan. Sa bawat isa sa inyo, at sa bawat isang nalalagay sa peligro ang buhay, tulad ng sinabi sa amin ng bayang Pilipino noong kami’y naulila, sinasabi ko sa inyo ngayon: Hindi rin kayo nag-iisa.

Sa lahat po ng nakikisanib sa atin sa paghahangad ng kapayapaan: Desidido kaming ituloy ang laban. At gusto ko rin naman pong sabihin sa mga humaharang sa ating adhikain, lalo na ang mga gumagamit ng dahas: Itaga ninyo sa bato, lalo pa ninyong madarama ang pinatalas at pinatinding lakas ng nagkakaisang sambayanang Pilipino.

Manatili sana tayong nakatutok sa ating pangunahing layunin: Ang malawakan at pangmatagalang kapayapaan. Ito ang ipinaglaban ng Special Action Force sa Mamasapano. Ito ang patuloy na ipinaglalaban ng bawat disenteng Pilipinong gustong mag-iwan ng mas magandang kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan, matatamo natin ang katarungan, masusuklian natin ang sakripisyo ng ating kapulisan, at matutupad natin ang ating kolektibong mga pangarap.

Magandang gabi po, maraming salamat sa inyong lahat.

*Photo from http://www.gov.ph

Post a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s