Rep. Leni Robredo accepts VP Challenge

leniAfter several weeks of contemplation, consultation and personal reflection, Camarines Sur Rep. Leni Robredo has accepted the offer of the Liberal party to be the running name of their presidential candidate Mar Roxas.

In an event held Monday October 5 at Club Filipino in San Juan, Robredo said yes to Mar and offered herself to be part of the Vice Presidential race in the coming 2016 Philippine elections.

A very reluctant Robredo then, was finally convinced of joining the VP race after considering her call to serve the country.

“Kaya matapos po nang malalim na pag-iisip, malawak na konsultasyon, at sobrang taimtim na dalangin – buong puso, buong pananampalataya at buong tapat ko pong tinatanggap ang hamon na tumakbo bilang pangalawang pangulo ni Mar Roxas. Ibinibigay ko po ang aking sarili nang buong-buo sa ating mga kababayan, lalong lalo na sa inyong mga naka-tsinelas na nasa labas, nasa ibaba at nasa laylayan ng lipunan”. – Rep. Leni Robredo

Here’s the full text of Rep. Leni Robredo’s acceptance speech at Club Filipino.

Magandang umaga po sa inyong lahat.

Dumating na po ang araw na sinusubukan naming mag-iina na harapin nang buong tapang. Hindi po madali ang paglalakbay naming patungo sa araw na ito. Ang mga nakaraang linggo po ang pinakamahirap na dinaanan naming pamilya mula noong pumanaw si Jesse.

Sa tagal nga po ng prosesong pinagdaanan upang makapagdesisyon, ang kantiyaw na po sa akin ng iba sa inyo, nagpa-pabebe na lang daw po ako.

Noong una pong lumitaw ang pangalan ko na isa sa naiisip na puwedeng maging kasama ni Sec. Mar sa laban na ito, aaminin ko po na ang una kong tanong sa sarili ko, “Bakit ako? Sa dinami-rami ng puwedeng pagpilian, bakit ako pa?”

Dalawampu’t limang taon po kaming mag-asawa ni Jesse at sa matagal naming pagsasama, siya lamang parati ang nasa harap – habang ako ay nasa likod niya, nasasandalan niya – kuntento at lubos na sumusuporta.

Sa amin pong mga agam-agam, tinatanong po namin ng aking mga anak kung ano kaya ang gagawin ni Jesse kung siya ang nalalagay sa ganitong pagsubok. Alam po namin agad ang kasagutan.

Kahit gaano kahirap, hindi niya tatalikuran ang kahit sinumang humihingi ng tulong, hindi po siya matutulog hangga’t hindi niya pa nagagawa lahat ng puwede pang magawa para sa bayan.

Magsasakripisyo, ibibigay ang lahat gaya ng pagbigay niya ng kanyang buhay noong siya ay naglilingkod pa para sa bayan.

Kung nahaharap po siya sa tanong na kung bayan o sarili, malinaw po sa aming mag-iina kung ano ang magiging sagot niya.

Kagaya po ng tanong ni Pangulong Aquino sa kaniyang sarili noong siya ay nasa kanyang sariling sangandaan: “Makakatulog ba ako sa gabi na alam ko na may magagawa sana ako para sa bayan, ngunit ito ay tinalikuran ko at hindi ko ginawa?”

Ang pangarap ko lamang noon ay makapag-abogado kagaya ng tatay ko. Kahit maaga po akong nag-asawa, siniguro po ni Jesse na matutupad ko pa rin ang aking pangarap.

Nag-aral po ako ng abogasiya sa gabi habang nagtratrabaho ako sa araw, nag-aasikaso ng pamilya, at ginagampanan ang papel bilang asawa at ina. Kahit po pinakahuli sa aking prayoridad ang pag-aabogado dahil sa maraming obligasyon na aking ginagampanan, nakamit ko pa rin po ang aking pangarap pagkatapos ng mahabang panahon ng paglalakbay.

Noon pong nakamit ko ang matagal ko nang minimithi, ipinangako ko po sa aking sarili na gagamitin ko sa tama ang ipinagkaloob sa akin. Nagtrabaho muna po ako sa Public Attorney’s Office. Doon po ay dumipensa ako ng ating mga kababayang nasasakdal ngunit walang perang pambayad sa abogado.

Pagkatapos po noon ay sumapi ako sa Sentro ng Alternatibong Lingap Panligal, isang NGO ng mga abogado na tumutulong sa mga mahihirap at mga basehang sektor.

Mahabang panahon po ang iginugol ko sa pakikisalamuha sa mga magsasaka, mga mangingisda, mga manggagawa, mga maralitang panlungsod, mga kababaihan, mga kabataan, at mga katutubo.

Kahit po alam ko na ang ganoong klaseng pag-aabugado ay hindi magdudulot ng materyal na kaginhawahan sa aming pamilya, marami po akong mga mahahalagang aral na napulot sa mahabang panahon ng paninilbihan ko sa mga mahihirap.

Namulat po ako sa katotohanan na ang karaniwang Pilipino ang tunay na lakas at pag-asa natin bilang bansa. Nakita ko po ang kanilang likas na dignidad, galing, at kakayahang makilahok sa pamumuno.

Naranasan at nakita ko po na kung mabibigyan lamang sila ng kaunting tulong sa kapasidad, sila ang mas may magagandang solusyon sa mga problemang kanilang hinaharap. Sila ang kailangan nating bigyan ng boses at ng mas malaking puwang sa ating bansa.

Eksaktong tatlong taon po ngayong araw, noong October 5, 2012, inihain ko po ang aking kandidatura bilang kinatawan ng pangatlong distrito na Camarines Sur. Isa pong pagdedesisyon na tiwala at lakas ng loob lamang ang pinag-ugatan; dala ng pangangailangan at pagkakataon na mahinto ang mahabang panahon ng panunungkulan ng isang political dynasty sa aming lugar.

Gaya po ngayon, marami po sa nagmamahal sa akin ang nangamba sa aking desisyon dahil sa kawalan ko ng preparasyon. Marami pong nagmamahal sa asawa ko ang sumubok na pigilan ako sa pagkatakot na baka mayurakan lamang ang magandang pangalan na kanyang iniwan sa pagpasok ko sa maruming mundo ng pulitika.

Ngunit noong panahon pong iyon, buo ang aking kalooban. Iyon ang laban na hindi dapat talikuran hindi dahil sa kagustuhang magkaroon ng kapangyarihan, kundi dahil sa pagkakataong manilbihan nang mahusay para sa ating bayan.

Hindi po ako si Jesse. Ngunit noong namatay po siya, maliwanag po sa aming mag-iina na siya ay umaasa, na sa abot ng aming makakaya, susubukan din naming magsakripisyo, gaya ng kanyang pagsasakripisyo, para makapag-ambag para sa ating bayan.

Iyong nakalipas na mahigit na dalawang taon po ang saksi na aking nasuklian naman ang anumang kakulangan ko sa paghahanda ng matapat na panunungkulan. Sa aking paninilbihan bilang Kinatawan, ipinaglaban ko po ang karapatan ng mga nakatsinelas, iyong mga nasa ibaba, iyong nasa labas, at nasa laylayan ng ating lipunan.

Isinulong natin ang mga panukalang batas na nagbibigay ng puwang para pakinggan ang boses ng karaniwang Pilipino at bigyan sila ng pagkakataong makilahok sa pamumuno.

Gumawa rin po tayo ng mga panukalang batas na magsusulong ng mga sistema kung saan sinisiguro na ang ating mga pinuno ay hindi maliligaw ng landas o mabubulag ng kapangyarihan.

Tapat, malinis at bukas na pamamahala ang buod ng ating mga isinusulong, dahil sa paniniwala ko na sa ganitong paraan lamang tayo tunay na makapagsisilbi at sa ganitong paraan lamang natin masisigurong mabigyan ng halaga ang lahat ng umaasa sa atin.

Patuloy po naming binibigyan ng lunas ang mga kakulangan ng mga silid-aralan, maayos ang aming paghahanda sa mga sakuna, at nabago ang aming kahinaan sa pangangalaga ng kalusugan ng aming taga-distrito.

Gumagawa po kami ng mga paraan upang magkaroon ng maayos na sistema na magbibigay ng sapat na kabuhayan sa mga kababaihan at mga manggagawa, na siyang magbibigay rin ng oportunidad na kumain nang maayos at sapat ang ating mga kababayan.

Linggo-linggo po, bumababa ako sa aking distrito at umiikot, sinisiguro na nabibisita ang pinakamalalayong mga barangay na matagal nang hindi nabibigyan ng pansin. Ito po ay sa paniniwalang magkakaroon lamang ng puso at mabibigyan ng lalim ang aking paninilbihan kung personal kong nararamdaman ang kahirapan na pinagdaraanan ng aking mga kababayan.

Araw-araw, ramdam ko pa rin ang pagkawala ni Jesse. Pero araw-araw, ramdam ko rin na buhay na buhay pa rin ang mga pangarap niya para sa ating bayan. Ang mga pangarap na ito, nakikita ko ito sa mga anak namin.

Nakikita ko ito sa mga nakasasalamuha ko araw-araw na hindi pumapayag na hanggang dito na lang tayo; na patuloy nangangarap kung anong puwede tayong maging.

Ang kanyang pamana at mga pangarap para sa bayan ay buhay na buhay pa po sa isip at puso ng karamihan sa atin. Tuwid na daan, malinis na pamumuno, pamahalaan na bukas sa pakikilahok ng karaniwang Pilipino, pagtataguyod ng mga sistema na magsisiguro na ang magkakaroon lamang ng puwang sa ating pamahalaan ay iyon lamang mga tapat at matitinong lingkod-bayan.

Noong buhay pa po si Jesse, matagal na panahon niyang katuwang si Sec. Mar Roxas sa maraming pagsubok na hinarap sa pagsulong ng daang matuwid. Magkasabay po silang nangarap ng maganda para sa ating bayan.

Malinaw po sa akin na si Sec. Mar Roxas ang magpapatuloy sa daang matuwid na sinumulan ng administrasyon ng ating mahal na Pangulo.

Ang daang matuwid po ang magsisiguro na hinding-hindi makalilimutan ang mga taong madalas napag-iiwanan.

Hindi po kumpleto ang trabaho ng daang matuwid hangga’t may napag-iiwanan sa laylayan. Malinaw po na ang daan patungo sa kaunlaran ay ang daang nagtataguyod nang maayos na buhay para sa lahat.

Sa lahat po nang nagpahayag ng suporta, nagpahayag ng pangamba, ng pagkatakot, pati na pakikiramay at sa lahat na nag-alay ng dasal para sa akin at para sa aking pamilya, mula sa ating mga tinitingala at lalong lalo na sa karaniwan nating mga kababayan, taos puso po akong nagpapasalamat sa lahat sa inyo. Kayo po ngayon ang pinaghuhugutan ko ng lakas.

Sa akin pong pamilya sa Pangatlong Distrito ng Camarines Sur, nais ko pong malaman ninyo na hinding-hindi ko po naman kayo tatalikuran at iiwan. Nasaan man po ako, ang pagkalinga at pagsisilbi ko sa inyo ay patuloy pa rin.

Hinihingi ko po sa inyo na sabay-sabay pa rin nating ipagpatuloy ang mga pagbabago nating sinimulan, at huwag na sana po nating hahayaan manumbalik pa ang mga dating kabuktutan.

Nagpapasalamat po ako sa aking pamilya, lalong lalo na po sa aking tatlong anak, sa pagbibigay po ng kanilang basbas. Hinding-hindi po ako susulong sa laban na ito kung hindi ko sila kasama.

Ang pamilya po ang buod ng pagkatao namin ni Jesse bilang mga lingkod-bayan. Sa gitna po ng maraming pagsubok sa aming kahinaan, ang aming pamilya ang aming inspirasyon para piliin ang mas malinis na daan, kahit ito pa ang mas mahirap.

Noong kinuha po sa amin nang bigla si Jesse, ang tanong po namin ay, “Bakit kailangan mangyari ang nangyari?”

Noong bigla po akong kumandidato bilang kinatawan ng aking distrito, nagtanong din po kami, “Bakit kailangan mangyari ang nangyari?”

Ngayon po na nalalagay na naman kami sa isang mas mahirap na sangangdaang ito, pareho pa rin ang aming tanong, “Bakit kailangan mangyari ang nangyayari?”

Ngunit gaya po ng dati, nabubuhay kami sa alaala ng parating sinasabi ni Jesse noong nabubuhay pa siya, “Tiwala lang. May dahilan ang lahat ng nangyayari. Dahil sa kahuli-hulihan ng lahat, ang mabuti ang parating mananaig. At ang tama ang parating magtatagumpay.”

Ipinapangako ko po na hindi ko kalilimutan ang aking tungkulin bilang magulang na maging huwaran ng pagmamahal sa kapwa at paglilingkod bayan.

Ipinapangako ko rin po na hindi ko kalilimutan na asawa ako ni Jesse at nasa balikat ko ang obligasyon na buhayin muli ang kanyang halimbawa ng pagiging isang tapat na lingkod-bayan.

Kaya matapos po nang malalim na pag-iisip, malawak na konsultasyon, at sobrang taimtim na dalangin – buong puso, buong pananampalataya at buong tapat ko pong tinatanggap ang hamon na tumakbo bilang pangalawang pangulo ni Mar Roxas.

Ibinibigay ko po ang aking sarili nang buong-buo sa ating mga kababayan, lalong lalo na sa inyong mga naka-tsinelas na nasa labas, nasa ibaba at nasa laylayan ng lipunan.

Maraming maraming salamat po.

—————————————————————————————————

Nite Writer is on Facebook at https://www.facebook.com/NiteWriterPH and you can also follow me on Twitter @rojan88

Post a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s