Kalye

Tik tak tik tak tik tak

“Ahhhhh, hala alas siyete na pala, susunduin ko pa nga pala si Karla”.

Madaliang naligo at nagbihis si Cedric para sunduin ang kanyang kasintahan na si Karla. Ngayon kasi yung araw na ipapakilala na niya ito sa kanyang ina.

“Hon papunta na ko dyan ah, sunduin kita”, ang laman ng text message na pinadala ni Cedric kay Karla.

————————–

Ding dong, ding dong

Matapos marinig ang doorbell ay agad na lumabas si Yaya Ising.

“Magandang umaga po Yaya Ising, sunduin ko lang po si Karla”, bati ni Cedric.

“Oh Cedric halika pasok, kanina ka pa hinihintay ni Karla”, wika ni Yaya Ising.

Pagkapasok ni Cedric ay agad na bumungad sa kanya si Karla. Nakasuot ng puting t-shirt, maikling shorts at sneakers. Palibhasa’y moderno at liberal, ganito ang nakasanayang porma ni Karla kapag lumalabas o gumi-gimik.

“Ohh Hon andyan ka nap ala, ok pa ang porma ko Hon?” nakangising tanong ni Karla

“Yan na ba talaga ang susuotin mo?” paninigurong tanong ni Cedric

“Oo naman, bakit pangit ba? Para ka naman hindi sanay ganito naman palagi porma ko pag lumalabas tayo diba?” ani Karla.

“O sya tara na, hinihintay na tayo ni mama”, sagot ni Cedric.

———————–

Habang nasa biyahe, hindi napigilan ni Karla ang magtanong tungkol sa mga magulang ni Cedric at sa maaring maging reaksyon ng mga ito.

Inusisa rin nito kung ano ba ang mga gusto ng kanyang ina, at kung ano kaya ang sasabihin nito sa kanyang itsura. Ngunit sa lahat ng mga tanong ni Karla ay tanging ngiti lang ang naisagot ni Cedric at ang mga katagang “Wag ka nang mag-alala, ako’ng bahala sa’yo”.

Lagpas alas-onse na nang makarating ang magkasintahan sa bahay. Dumiretso agad ang mga ito sa sala kung saan pinaupo ni Cedric si Karla.

“Ma, ma, asan ka na, andito na kami ma”, tawag ni Cedric.

Makalipas ang ilang saglit, lumabas ang mama ni Cedric mula sa kusina. Agad itong sinalubong ni Cedric ng isang halik sa pisngi sabay pakilala sa kasintahan.

“Ma, si Karla. Karla Mama ko”

“Good afternoon po Tita”, nakangiting bati ni Karla.

Matiim na tinitigan ng ina ni Cedric si Karla. Titig mula ulo hanggang paa na mistulang x-ray machine na sinisiyasat ang buong pagkatao nito. Pagkatapos ang mala-NAIA inspection ng ina ni Cedric kay Karla sumagot din naman ito ng magandang tanghali at niyaya ang dalawa sa hapag-kainan.

Sa hapag-kainan ay nagkwentuhan ang tatlo tungkol sa kanilang buhay-buhay. Inusisa ng mama ni Cedric ang tungkol sa pamilya at trabaho ni Karla. Dito nalaman nito na produkto rin pala ito ng isang broken family.

Bata pa lang si Karla noong maghiwalay ang mga magulang nito. Tanging ina lamang nila ang nagtaguyod sa kanilang magkakapatid sa pamamagitan ng pagiging Domestic Helper sa Hong Kong. Dahil din doon kaya napilitan si Karla na tumigil sa pag-aaral at minabuting magtrabaho na lamang sa call center para makatulong sa kanilang pamilya.

Matapos ang tanghalian ay napagpasyahan ng magkasintahan umuwi na.

“Bye po Tita, salamat po sa mga pagkain, ang sarap po” nakangiting pahayag ni Karla

Sinagot naman ito ng mama ni Cedric na “Walang Anuman”.

——————

Sa biyahe pauwi, hindi napigilan ni Karla na tanungin si Cedric.

“Hon, parang ayaw sa’kin ng mama mo. May nasabi ba sya sa’yo tungkol sa’kin? Yung buong tanghalian kasi natin hindi man lang sya ngumiti eh. Para pa akong tinutunaw sa mga titig nya”, tanong ni Karla.

“Ganon lang talaga si mama Hon, wag mo na isipin yun. Gusto ka nun, medyo conservative lang yun kaya hindi sanay sa mga ganyang pormahan”, sagot ni Cedric.

Natanong din ni Karla ang tungkol sa tatay ni Cedric. Kung bakit wala ito sa bahay at wala silang nababanggit tungkol sa kanya.

“Lagpas isang taon pa lang ako noong umalis si Papa upang magtrabaho sa ibang bansa. At sabi ni mama simula daw noon ay hindi na ito bumalik at wala na rin kaming naging balita sa kanya. Hindi ko na nga matandaan ang itsura nya eh”, kwento ni Cedric.

“Ahhh pareho pa lang single mom ang mga nanay natin. Ang kaibahan lang, alam namin ang dahilan kung bakit hindi na kami binalikan ni Daddy”.

Pagkarating nila sa bahay ay agad ding nagpaalam si Cedric dahil meron pa itong tatapusin sa kanilang bahay.

———————–

“Anak hindi ko gusto manamit at pumorma ang kasintahan mo, masyadong bulgar. Pati pananalita niya parang hindi disenteng babae. Tapos hindi pa pala nakatapos ng pag-aaral iyan”, bungad ng ina.

“Ganon lang talaga si Karla ma, pero mabait at disente yun. Tiyak ako ma, pag mas nakilala mo pa sya alam ko magugustuhan mo rin si Karla”, sagot ni Cedric.

“Hay naku Cedric, hindi ko maipapangako yan”, pagtatapos ng ina.

——————

Kinabukasan habang nagkakape ang mama ni Cedric ay nakatanggap ito ng friend request sa Facebook at pagtingin nito ay si Karla pala. Nagdadalawang isip man kung tatanggapin nito ang friend request, tinanggap na rin nya at pinindot ang confirm button.

Pagkatapos i-confirm ang friend request, agad nitong tinignan ang profile nito. Matapos basahin ang ilang status updates, naisipan niyang tignan ang mga larawan nito. Sa unang album nakita nito ang mga litrato ng masasayang lakad nila ni Cedric. Pagkatapos nito tumungo siya sa isang album na nakatawag ng kanyang pansin. Dito tumambad sa kanya ang mga larawan ni Karla sa kanyang mga gimik. Dito nakita ng mama ni Cedric kung paano ito manamit sa mga lakad nito at kung paano ito uminom at manigarilyo.

Dahil sa mga nakita lalong tumindi ang pag-ayaw nito kay Karla para sa kanyang anak. Kaagad din nitong sinara ang kanyang celphone at tinungo ang kusina para magluto ng almusal.

Pagkatapos maluto ang agahan ay tinawag na nito si Cedric para kumain. Sa hapag kainan hindi napigilan ng ina na banggitin ang kanyang mga nakita sa Facebook ni Karla.

“Cedric in-add ako ng girlfriend mo sa Facebook”, wika ng Ina.

“Wow talaga ma? Sabi sa’yo ok yan si Karla eh”, masayang tugon ni Cedric.

“Hindi! Anong ok, hindi ok Cedric. Nakita ko ang mga litrato nya, ang lalaswa. Kung manamit akala mo nagbebenta ng katawan. At puro bisyo pa pala yang Karla na yan”, galit na giit ng Ina.

“Ma, ma, relax. Ganon lang talaga pumorma si Karla, pero hindi naman ibig sabihin nun na hindi na niya ini-ingatan ang kanyang sarili. Tsaka yung bisyo niya unti-unti na niyang inaalis yun kasi sinabihan ko na sya na para rin sa kalusugan niya yun”, pagtatanggol ni Cedric.

“Ah basta, hinding hindi ko magugustuhan yang Karla nay an. Tapos!!!”

Pagkatapos nilang mag-almusal ay nagpaalam si Cedric sa kanyang ina na susunduin nito si Karla para manood ng sine. Monthsary kasi nila kaya naisipan nilang panoorin ang Heneral Luna.

——————–

Pagkatapos manood, tuwang-tuwa at manghang-mangha ang magkasintahan sa pelikula. Nagkaisa sila sa pagsasabing karapat-dapat talaga na naging pambato ng bansa ang pelikulang ito sa Oscars. Dahil dito mas lalo silang napukaw na gumawa ng kahit mumunting bagay na makakatulong sa bansa at sa ating mga kababayan.

Hindi mawala ang tuwa sa magkasintahan habang papalabas ng mall. Pinag-uusapan pa rin nila ang Heneral Luna na tunay namang tumatak sa kanila.

Habang nag-aabang ng sasakyan, nilapitan ang dalawa ng isang batang nagtitinda ng sampaguita.

“Ate kuya, bili na po kayo ng sampaguita, para maubos na”, alok ng bata.

Lingid sa kaalaman ng marami, mahilig tumulong si Karla sa mga nakikita niyang mga nangangailangan sa kalye. Mapa-batang namamalimos, nagtitinda ng sampaguita, mga matatandang sa kalye na piniling manirahan at kahit pa mga taong grasa na nagugutom. Ito ang katangian ni Karla na nagustuhan ni Cedric, kaya kahit hinuhusgahan ito dahil sa paraan ng kanyang pananalita at pananamit, payapa ang loob ni Cedric dahil alam niyang may mabuting kalooban ang kasintahan.

Dahil nga doon ay hindi nag-atubili ang dalawa na bilhin na ang sampaguita ng bata. Bukod pa doon ay binilhan pa nila ito ng spaghetti at burger bilang regalo na rin nila dito kasabay ng selebrasyon nila ng kanilang monthsary.

“Ang bait mo talaga Hon, kaya mas lalo kitang minamahal eh”, ani Cedric.

“Charotero ka, tara na nga, dumadrama-rama sa hapon ka pa dyan eh” sagot ni Karla

Pagkatapos i-libre ang bata ay umuwi na rin ang dalawa.

—————

Kinabukasan tila may hang-over pa si Karla sa kanilang monthsary. Bilib na bilib pa rin sya sa Heneral Luna at sa simpleng selebrasyon nila. Pagbaba nito sa kusina para kumuha ng tubig nakita nito sa ref ang nakadikit na bill ng kuryete.

“Naku, kailangan na nga pala bayaran ang kuryente, makapunta nga sa mall para magbayad”.

Agad na nagbihis si Karla para pumunta sa mall at magbayad ng kuryente.

Bago makarating sa mall, napukaw ang pansin ni Karla ng isang matandang nakaupo sa ilalim ng overpass. Katabi ng isang lata at nakaupo sa karton, hindi napigilan ni Karla na lapitan at kausapin ito.

“Tay, kumusta po, kumain na po ba kayo, parang gutom na gutom na po kayo ah”, tanong nito.

Hindi agad nakasagot ang matanda at saglit na pinagmasdan si Karla.

“Salamat ineng ha, sa dinami-dami nang mga taong dumadaan dito, ikaw lang yung naglakas loob na kausapin ako”, wika ng matanda.

“Naku tay, mahilig lang po talaga ko makipag-usap sa mga nakikita kong taong nangangailangan sa kalye. Mula kasi nung iniwan kame ng tatay namin, sinabi ko sa sarili ko na gagawa ako ng kahit mumunting mga bagay para kahit papaano ay makatulong naman sa kapwa”, kwento ni Karla.

“Napakabuti mo naman, yung ibang mga tao kasi, kung hindi kinukutya kami ay basta na lang dinadaan-daanan”, tugon ng matanda.

“Naku tay, wag mo na akong charutin, tara sama ka sa’kin, kain tayo sa Jollibee, mukhang gutom na gutom ka na eh”, yaya ni Karla.

Isinama ni Karla ang matanda para kumain at doon ay napagkwentuhan nila kung bakit sa kalye ito naninirahan. Napag-alaman niya na dati pala itong OFW sa Dubai. Doon ay nagtrabaho siya sa isang hotel bilang Bell Boy. Habang nagkukwento sa kanyang naging buhay sa Dubai ay bigla na lamang napaluha ang matanda. Tinanong ni Karla ang dahilan ng kayang pagluha at dito ay nagkumpisal ito sa kanyang naging pagkakamali. Sinabi nito na nagkaroon siya ng karelasyon sa Dubai at nagbunga ito ng isang supling. Maayos ang kanilang pagsasama noong umpisa ngunit noong ipinakilala na sya sa magulang noong babae at nalaman ng mga ito na may unang pamilya na siya ay pilit silang pinaghiwalay. Walang nagawa ang kanyang karelasyon kundi sundin ang mga magulang nito, kaya iniwan syang mag-isa. Kasunod naman nito ay ang pagkatanggal niya sa trabaho kaya napilitan na siyang umuwi ng Pilipinas. At sa hiya niya sa kanyang pamilya sa nagawang pagkakasala, minabuti na lang niyang sa kalye manirahan ng mag-isa.

“Grabe pala ang istorya ninyo tay, pang MMK”, maluha-luhang wika ni Karla.

“Wala na ba talaga kayong balak bumalik sa pamilya ninyo? Baka naman mapatawad pa nila kayo”, dagdag nito

“Nasanay na ako sa kalye iha, dito na siguro ako mamamatay”, sagot ng matanda.

“Naku, wag ka nga tay, wag kang mag-isip ng ganyan, basta pupuntahan kita palagi dito ah. Dadalhan kita palagi ng foods”, nakangiting habang naluluhang wika ni Karla

Pagkatapos nila kumain ay inihatid na ulit ni Karla ang matanda sa pwesto nito sa ilalim ng overpass at nagpaalam.

——————-

Kinabukasan, ginising si Karla ng isang tawag mula kay Cedric.

“Hon, hon!!! Sikat ka na hon!” masiglang bati ni Cedric

“Ha? Charot ka, anong pinagsasabi mo hon? Anong sikat sikat na yan? Nang ti-trip ka na naman no?” ang nabiglang tugon ni Karla.

“Buksan mo Facebook mo hon dali”, anyaya ni Cedric.

Sumunod naman si Karla at binuksan ang Facebook nya. Nagulat sya sa dami ng notifications na ngayon lang nangyari. Bumulaga rin sa kanya ang larawan nila ng matandang nakatira sa ilalim ng overpass habang kumakain sila sa Jollibee.

Lingid sa kaalaman ni Karla, meron pa lang isang tao na kinuhanan sya noong isinama nya ang matanda para kumain at ipinost ito sa Facebook na may caption na “Ang bait naman nya, nakakainspire”.

Agad kumalat at naging viral ang litrato nya sa Facebook kaya ganon na lang ang dami ng notifications at pagbati na nakuha niya mula sa mga kaibigan at sa mga hindi niya kakilala.

“Ano ba yan hon, nakakahiya, ayoko ng ganyan”, may pagpapakumbabang tugon ni Karla.

“Ano ka ba hon, ok lang yan, sabi ko na nga ba eh, napakaswerte ko sa iyo, minahal ako ng isang mabuting babae at mabuting tao”, pagmamalaki ni Cedric.

Pagkatapos ng usapan ng magkasintahan ay agad na hinahap ni Cedric ang kanyang ina para ipagmalaki si Karla.

“Ma, ma, tignan mo to, ma”, humahangos na bungad ni Cedric.

“Ano ba yan anak, at parang sobrang saya mo naman”, tanong ng ina.

“Ma, tignan mo si Karla may viral na litrato sa Facebook kasama yung pulubi na pinakain nya. Sabi ko sa’yo ma, mabait si Karla eh, mabuting tao si Karla ma”, pagmamalaking wika nito.

Hindi agad nakapagsalita ang mama ni Cedric at tinitigang mabuti ang larawan. At pagkatapos ng ilang saglit na pagtitig, biglang pumatak ang luha nito. Napansin ni Cedric ang pagluha ng ina kaya agad niya itong niyakap at tinanong kung bakit. Ngunit bago pa man ito nakasagot, inaya nya na agad si Cedric para puntahan si Karla.

Ding dong, ding dong.

“Karla, Yaya Ising, Karla”, tawag ni Cedric.

Pagbukas ng pinto ay bumungad agad si Karla. Agad itong nilapitan ni Cedric at ng mama nito.

“Oh hon, tita, bakit po kayo napasugod, dahil ba ito dun sa viral na litrato sa Facebook?” tanong ni Karla.

“Oo Karla, pero mas higit pa doon. Pede mo ba kami samahan dun sa matanda na kasama mo sa litrato?” tugon ng ina ni Cedric.

Natigilan si Karla matapos marinig ang tanong ng ina ni Cedric at wari’y nagtataka kung bakit nito gustong puntahan yung matanda. Pero imbes na magtanong pa ay sumang-ayon na lamang ito at pinuntahan na nilang tatlo ang matanda sa ilalim ng overpass.

Pagdating doon ay natutulog pa ang matanda kaya marahan niya itong ginising.

Habang ginigising naman ni Karla ang matanda ay patuloy ang pagpatak ng luha sa mata ng ina ni Cedric. Panay naman ang alo ni Cedric at takang-taka sa mga nangyayari.

Pagmulat ng mata ng matanda, ay nakangiti nitong binati si Karla ng magandang umaga. Ngunit bago pa man makapagsalita si Karla ay nabaling na ang tingin ng matanda sa ina ni Cedric. Bigla itong napatayo at bahagyang lumapit.

“Carmelita? Ikaw ba yan Carmelita?” nanginginig na tanong ng matanda.

“Oo Ricardo, ako nga ito. Anong nangyari sa’yo bakit dito ka sa kalye natutulog” tugon ni Aling Carmelita habang patuloy ang pagpatak ng luha.

“Ma, sya ba si Papa?” tanong naman ni Cedric na waring alam na ang dahilan kung bakit biglang napasugod ang ina.

“Oo anak, sya ang Papa mo, si Ricardo. Ricardo eto na ang anak natin si Cedric”, pagpapakilala ng ina.

Hindi na napigilan ni Cedric ang sarili at niyakap ang ama. Mahigpit na yakap din naman ang tugon ng ama habang panay ang pagpatak ng luha nito. Habang magkayakap ang mag-ama ay lumapit na rin si Aling Carmelita para magyakapan ang buong pamilya.

Sa lahat ng mga nangyayari ay tahimik na naging saksi si Karla sa gilid. Wala sa kanyang hinagap na ang matanda na kanyang kinausap at pinakain ay tatay pala ng kanyang kasintahan. Hindi man niya sinadya pero ang kanyang kabutihan ang naging tulay sa muling pag-tatagpo ng pamilya nito. At dahil doon ay hindi na rin nito napigilan ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata.

Matapos ang yakapan ng mag-anak, nilapitan ni Aling Carmelita si Karla at kinausap.

“Karla patawarin mo ako ah. Alam kong naramdaman mo na hindi kita gusto noong pinakilala ka sa akin ni Cedric. Patawarin mo ako kasi nahusgahan kita sa paraan ng pananamit at pananalita mo. Maling-mali talaga ako. Mabuti ka nga pa lang tao kagaya ng binabanggit sa akin ni Cedric. Patawarin mo talaga ako”.

Imbes na sumagot ay niyakap na lamang ni Karla si Aling Carmelita. At kasunod nito ay nakiyakap na rin sina Mang Ricardo at Cedric.

——————

Lahok sa Kategoryang Maikling Kwento para sa SBA 2015.

Saranggola 336x280

—————————————————————————————————-

Nite Writer is on Facebook at https://www.facebook.com/NiteWriterPH and you can also follow me on Twitter @rojan88

2 thoughts on “Kalye

Post a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s