Cellphone

Ako si Ian, lumaki ako sa isang masalimuot na pamayanan sa Tondo.

Ang lugar na ito ang nagturo sa akin ng mga aral ng buhay at ang lugar rin na ito ang nagpabago sa aking buhay.

—-

Anak ako ng isang jeepney drayber at tindera ng lugaw.

Kilala sa lugar namin si Cadio, ang aking ama, at si Pilar ang aking ina.

Normal naman ang naging buhay namin doon bagamat sa tingin ng nakararami ay masalimuot at magulo ang buhay sa masikip at magulong lugar na iyon.

Halos hindi ka patulugin ng mga lesenggong matapos magsunog ng kanilang mga baga ay bigla-bigla na lamang mag-aaway dahil lamang sa simpleng hindi pagkakasundo sa pagkanta sa videoke.

At yung tiyempong makakakuha ka na ng tulog ay bigla ka namang gigisinging ng ingay ng mga kapitbahay naming ang aga-aga mang-away ng kanilang mga asawa.

Ganyan ang buhay na kinalakihan ko. Kinakatakutan dahil sa gulo, pinangingilagan dahil sa mga hindi kaaya-ayang kapaligiran.

Kilala ang aming lugar na pugad ng iba’t-ibang uri ng masasamang tao. Kung mapapadpad ka nga dito ay tiyak na mangingilag ka dahil sa halos bawat kanto ay mga tambay na nag-iinuman ang iyong maabutan.

Ang mga eskinita rin dito ay kilala bilang takbuhan at taguan ng mga holdaper at snatcher sa lugar.

Nasa looban ang aming bahay. Siguro mga 500 metro ang layo ng lalakarin bago makarating sa pangunahing kalsada.

Bilang isang kawani sa isang opisina sa Pasig, naging pangkaraniwan na sakin ang araw-araw na pagtahak sa mga eskinita sa aming lugar, papasok at pabalik mula opisina.

Halos araw-araw ay ganoon ang naging takbo ng aking buhay. Normal na sa akin ang mga pangitain sa kalye bagamat paminsan-minsan ay kinakabahan pa rin ako lalo na kapag nakakasaksi ng mga rambol at away.

Ngunit sa kabila ng masalimuot na buhay namin doon, hindi ko makakalimutan yung isang araw na tunay na nagpabago sa aking buhay.

—-

Mayo 28, 2012, tila isang normal na araw lamang sa isang binatang empleyadong tulad ko. Maaga akong pumasok sa opisina dahil iyon ang saktong araw ng ika-limang anibersaryo ko sa trabaho.

Wala namang espesyal na mangyayari dahil normal na araw lamang ang mga anibersaryo sa opisina. Ngunit para sa akin, isa pa rin iyong espesyal na araw at mahalagang yugto ng aking buhay bilang manggagawa. Konti na lang kaya ang nagtatagal sa kanilang mga trabaho sa mga panahon ngayon.

Pagdating ko sa opisina, binati ko ang aking pwesto ng maligayang kaarawan.

“Uy, maligayang kaarawan sa atin ha. Limang taon na tayong magkasama, sana mahaba pa ang pagsamahan natin,” pabulong kong sambit.

At dahil ako pa lamang ang tao sa opisina, naisipan kong pumunta muna sa pantry para magkape. Makalipas ang ilang sandali ay bumalik na rin ako sa aking pwesto para umpisahan ang aking araw.

——

Pagkalipas ng mga tatlumpung minuto ay tinawag ako ng sekretarya ng aming boss dahil gusto daw akong kausapin.

Sa isip-isip ko baka may ibibigay siyang regalo sa akin dahil sa anibersaryo ko sa kumpanya.

Masaya akong nagtungo sa kanyang opisina habang umaasa sa isang magandang sorpresa. Pagdating ko doon ay kumatok ako ng dalawang beses at tsaka ko binuksan ang pinto. Pagbukas ng pinto ay bumungad sa akin ang tila seryosong boss na nakatingin sa kanyang kompyuter. Nang mapansin niya ang aking pagpasok ay agad nya akong pinaupo sa harap ng kanyang mesa.

“Magandang umaga Ian, sige maupo ka” ani Boss.

Agad akong naupo pagkatapos ko rin siyang batiin ng magandang umaga sabay tanong kung bakit niya ako pinatawag.

“Magandang umaga rin po sir, bakit niyo po pala ako pinatawag?” usisa ko habang naglalaro sa aking isipan ang mga sorpresang pwede niyang sabihin.

May dagdag kaya ako sa aking sweldo? Bibigyan kaya niya ako ng bonus? Mapopromote kaya ako sa trabaho? Ilan lamang ito sa mga pumasok sa aking isip na maari niyang sabihin sa pagpapatawag sa akin.

“Ian, bago ang lahat, maligayang anibersaryo pala. Limang taon ka na sa kumpanya at naging maayos naman ang trabaho mo, kaya maraming salamat” sabi niya.

Napangiti na lamang ako sa mga sinabi nya habang patuloy ang paglalaro ng aking isip sa posibleng sorpresa.

“Pero Ian, may hindi magandang balita akong sasabihin sa iyo”, wika niya.

Biglang gumuho ang lahat ng aking imahinasyon matapos kong marinig yung salitang “hindi magandang balita”.

“Hindi magandang balita po? Ano po yun sir?” tanong ko.

“Ikinalulungkot ko Ian na ito na ang huling araw mo sa kumpanya” sagot niya.

Parang bigla akong binuhusan ng malamig na tubig ng mga sandaling iyon at hindi ko malaman kung ano ang aking sasabihin at magiging reaksyon.

“Nagdesisyon ang mga nakatataas dito sa kumpanya na magbawas ng mga tauhan dahil medyo hindi maganda ang takbo ng negosyo. Isa ka sa mga napasama sa mga tatanggalin” pagpapatuloy nito.

Nakatulala lamang ako habang binabanggit ni boss ang masamang balita.

“Pasensya ka na ha, pero wag mong isipin na may kinalaman ito sa kalidad ng iyong trabaho. Naging mahusay kang empleyado ng kumpanya, kailangan lang talaga magbawas ng tao para hindi ito tuluyang magsara” dagdag pa niya.

Sa pagkakataong iyon ay nakuha ko nang magsalita at sabihin ang aking saloobin.

“Boss, sobrang nakakalungkot naman nito. Sobrang minahal ko na po ang kumpanya at trabaho ko, kaya nga po ako nagtagal ng limang taon dito”

“Pero wala naman po akong magagawa kung ito ang desisyon ng mga namamahala ng kumpanya. Maraming salamat na lang po sa limang taon ng pagtitiwala.”

Lulugo-lugo akong bumalik sa aking pwesto pagkatapos ng aming usapan.

Pagkabalik ko ay tinapos ko lang yung isang trabaho na nasimulan ko na noong araw na iyon at nag-umpisa na akong magligpit ng aking mga gamit. Hindi ko na nga nakuhang magtanghalian dahil tila hindi pa rin ako makapaniwala na iyon na ang huling araw ko sa trabaho. Lumong-lumo talaga ako sa masamang balita ni boss. Biruin mo yun, yung anibersaryo ko ay sya rin palang huling araw ko sa kumpanya, ang saya diba?

Hanggang sa pag-uwi ng bahay at tila tuliro pa rin ako. Tila lumilipad ang isip ko sa hangin at di ko napapansin ang mga nangyayari sa paligid. Di ko nga namalayan na naiinis na pala saken ang mga kasakay ko sa jeep dahil tila wala raw akong naririnig tuwing nagpapaabot sila ng bayad. Ako nga mismo ay muntik ko nang makalimutang ibigay ang aking pamasahe dahil sa pagkatuliro.

Buti na lamang at medyo nahimasmasan ako nung malapit na akong bumaba at naiabot ko pa rin ang bayad.

Pagkababa ko ng jeep ay ilang minuto rin akong natigilan sa may kanto papasok sa eskinita papasok sa aming bahay. Iniisip ko kung paano ko sasabihin sa aking mga magulang na wala na akong trabaho.

Paglipas ng ilang saglit, tila nahimasmasan na ulit ako at inisip ko na lang na sa limang taon kong karanasan sa pagtatrabaho ay tiyak na makakahanap rin agad ako ng panibago. Kaya nagsimula na kong maglakad sa masikip na eskinita patungo sa aming bahay. Hindi pa ako nakakalayo ng bigla na lang akong nakarinig nga mga putok ng baril. Alam kong baril iyon dahil madalas din naman akong makarinig nito sa lugar namin dahil nga takbuhan ito ng mga kriminal. Tumuloy lang ako sa paglalakad sa pag-aakalang malayo naman ang putukan. Ngunit nakakailang hakbang pa lang ako eh sunod sunod na putok na naman ang aking narinig kaya napatigil na lang ako sa tapat ng pinto ng isang bahay doon.

Kasunod nito ay isang lalaking tumatakbo na tila hinahabol. Nanatili ako sa gilid ng eskinita habang pinagmamasdan naman ang dalawang lalaking parating. Pulis pala ang dalawa na sa tingin ko ay humahabol dun sa naunang lalaki.

Medyo nawala ang aking kaba nang makita kong papalapit ang mga pulis dahil alam kong sila ang poproteksyon sa aminng mga mamamayan. Ngunit nung nasa tapat ko na sila ay bigla nila akong tinutukan at pinapalabas ang isang celphone.

Sa gulat ko ay bigla ako napaakmang tatakbo, ngunit nahawakan ako ng isang pulis sa braso.

“Ilabas mo na kasi yung celphone para di na tayo magtagal dito” ang sabi ng pulis.

“Wala po akong alam sa sinasabi ninyo, anong celphone ba yun?” paliwanag ko.

“Nagmamaang-maangan ka pa, gusto mo bang barilin kita dyan, ilabas mo na yung celphone” giit nila.

“Wala nga po akong alam sa sinasabi ninyo. Di ko alam yung sinasabi ninyong celphone” sagot ko.

Medyo napataas yata ang boses ko kaya mas lalong nagalit ang pulis at sinikmuraan ako at patuloy na pinapaamin sa kasalanang binibintang nila sa akin.

Lingid sa aming kaalaman ay may isang babae pala na nakasilip sa bintana sa tapat ng aming kinatatayuan. At nung ambang hahampasin na ako ng baril ng pulis sa mukha ay bigla itong napasigaw.

“Waggggggg”, sigaw ng babae.

Napatingin kaming lahat sa bintana kung saan nandoon ang babae.

“Nakita ko po, hindi po sya yung hinahabol ninyo” sambit ng babae

“Nakita ko po yung isang lalaki, tumakbo po sya dun sa kabilang eskinita. Hindi po sya yung hinahabol ninyo” paliwanag nito.

Natigilan ang mga pulis sa paliwanag ng babae.

“Paano mo naman nasiguro na hindi sya, eh ang dilim?” tanong ng pulis.

“Alam ko po, dahil boyfriend ko po yang lalaki na yan na hinahawakan ninyo kaya hindi po pedeng sya yung hinahabol nyo” tugon nya.

Parang tumigil ang oras sa mga sandaling iyon. Yung parang sa mga pelikula na mabagal ang galaw ng lahat at ikaw lang yung normal ang kilos. Nanlaki ang mga mata ko habang nakatingin ako sa babae. Biruin mo yun, pagkatapos ko masisante kaninang umaga, biglang may instant girlfriend naman ako ngayong gabi. Hindi ko alam kung paano ang magiging reaksyon ko pero sumang-ayon na lang ako sa sinabi ng babae.

“Opo sir, kanina pa nga po nya ako hinihintay, may date kasi kame, anibersaryo kasi namin ngayon” ang tangi ko na lang nasabi.

“Ah ganun ba, sige sige, pasensya na”, huling wika ng pulis bago sila umalis at bumalik sa paghabol sa holdaper.

Pagkaalis nila ay agad kong nilapitan ang babae sa bintana.

“Miss salamat ah, kung di dahil sa’yo malamang basag na ang mukha ko o humandusay na ako dito”, wika ko.

“Walang anuman, nakita ko naman talaga na hindi ikaw yung hinahabol nila kaya nagsalita ako” sagot niya.

“Ako nga pala si Ian, taga dyan ako sa dulo, salamat talaga ah. Pede ko ba makuha pangalan mo?” magalang kong tanong.

“Ako pala si Claire, bagong lipat lang ako dito nung isang linggo. Nagtatrabaho ako sa isang call center sa Makati” mahinhin niyang sagot.

“Ayus ah, sa Pasig naman ako nagtatrabaho. Sige tuloy na ko, maraming salamat ulit…Claire” tugon ko.

Pagkaraka’y dumiretso na ko pauwi na may baong ngiti sa aking mga labi.

—-

Simula noon ay naging madalas na ang komunikasyon namin ni Claire. At makalipas ang limang buwan ng panliligaw ay sinagot niya ako.

Pareho kaming nagsikap sa aming mga trabaho at pagkaraan ng dalawang tao ay napagpasyahan naman namin na magpakasal.

Ngayon ay may dalawa na kaming anak, at nakahuka na rin kami ng sarili naming bahay na hinuhulugan sa PAG-IBIG.

Nilisan man namin ang mga eskinita ng Tondo ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin malimutan yung isang araw na iyon na nagpabago sa aking buhay.

Sinong mag-aakala na ang isang araw na nag-umpisang sira ay mabubuo pala pagdating ng gabi.

Magaling talaga maglaro ang kapalaran, yung akala mo eh katapusan mo na, eh umpisa pa lang pala ng isang bukas na maganda.

Tama nga ang sabi sa kanta ni Rihana, “We found love in a hopeless place”. Kasi sa isang lugar na magulo, nakakatakot at tila wala nang pag-asa, ay doon ko pala matatagpuan ang kaligayahan, ang pag-ibig na pang walang hanggan.

May poreber mga bes. hehehehe


Ang akdang ito at lahok sa Saranggola Blog Awards 2017 para sa kategoryang Maikling Kwento.


For the latest news, follow Nite Writer on Facebook at https://www.facebook.com/NiteWriterPH and follow me on Twitter @rojan88

Advertisements

Post a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s